Martes, Hunyo 09, 2020

Ang bagong normal ay mas lumala pa kaysa dati

ang bagong normal ay mas lumala pa kaysa dati
pag tatlong beses kumain ay masasabing swerte
dalawang beses na lang kami kung kumain dine
gulay, itlog, tuyo, noodles, mura lang, walang karne

tanong nga sa akin, nakakain ba ang prinsipyo?
mahirap kumain kung walang prinsipyo, sagot ko
mahirap lunukin ang binalato lang sa iyo
dahil lang naawa lalo na't wala namang sweldo

bakit di raw magpaalipin sa kapitalista?
nang kahit paano'y malimusan ako ng pera
sa isip: nabubuhay ba ako dahil sa kwarta?
kahit labag na sa prinsipyo bilang aktibista?

sige, susubukan kong mag-aplay sa pagawaan
ngunit pagmumulat ay tungkuling di maiwasan
pag may nakita akong paglabag sa karapatan
aba'y tutulong ako't di magbubulag-bulagan

karapatan ng manggagawa'y ituturo roon
kung kinakailangan, tayuan sila ng unyon
pag-aralan din ang lipunang umiiral ngayon
at ituro sa manggagawa ang kanilang misyon

ipaunawa rin ang sinasabing bagong normal
na malaki ang naging epekto sa mundo't asal
na buhay ng marami'y lumala't naging marawal
pagnilayan din ang trabaho't buhay na may dangal

lipunan at karapatan ay dapat unawain
pagkapitbisig ng manggagawa'y itaguyod din
ito lamang ang isa sa niyakap kong tungkulin
na dapat gampanan pagkat marangal ang layunin

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nabuhat nila'y 25 medalya

NABUHAT NILA'Y 25 MEDALYA sa Doha, mga Pinoy weightlifter ay nagpakitang gilas sa kumpetisyong nilahukan, husay nila'y pinamalas dal...