Sabado, Hunyo 20, 2020
Ang aking quarantine look
Ang aking quarantine look
kanina'y tumingin sa salamin bago mag-selfie
aba'y quarantine look, kaya kinunan ang sarili
ermitanyo raw sa mahabang balbas at bigote
ganito na yata ang tulad kong di mapakali
sa nangyaring kwarantina ba'y sinong popormahan
upang bigote't balbas ay tanggalin o ahitan
wala, walang kita, walang pera, walang puntahan
naroon lang sa bahay, nagmumukmok sa kawalan
tinititigan ang langit, nagsasayaw ang ulap
samutsaring ulat ang nasagap sa alapaap
ng pagmumuni habang may ekwasyon sa hinagap
na habang naglalaro ng sudoku'y nangangarap
ang aking quarantine look ang buod ng kwarantina
na sa sarili'y tila ba kawalan ng pag-asa
o may pag-asa ngunit wala namang kinikita
o may nakikita ngunit sa lockdown ba'y ano na
tila ang quarantine look ko'y saksi rin sa kawalan
habang ang hanap ng masa'y hustisyang panlipunan
coronavirus ang kalaban, di ang mamamayan
bayan nawa'y kamtin ang panlipunang katarungan
- gregbituinjr.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Merry Christmas kahit Many Krisis ang Masa
MERRY CHRISTMAS KAHIT MANY KRISIS ANG MASA buong puso ang pagbati ko't umaasa na mababago pa ang bulok na sistema Merry Christmas kahit ...
-
PAANO BA TATAPUSIN ANG KWENTO? Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Kailangan bang matapos agad ang kwento? Iyan ang tanong ko minsan,...
-
PAG NAG-1-2-3 ANG NAGPAPUTOK NG BARIL madalas ay di nakikilala kung sino ang minulan ng ligaw na balang kumitil sa buhay ng bata o tinamaan ...
-
ANG LIMANG ANAK NI GAT ANDRES BONIFACIO Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr. Ang karaniwang alam natin kay Gat Andres Bon...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento