Linggo, Mayo 10, 2020

Ayokong maging pabigat

Ayokong maging pabigat

Ayokong maging pabigat, ito ang aking hiyaw
Yayao akong di pabigat sa mundong ibabaw
Oo, nagsusuri akong may ibang natatanaw
Kumilos man akong may batong pasan bawat araw

O, kung wala kang pag-ibig sa kapwa kung sakali
Nakibaka ka kaya upang obrero'y magwagi?
Ginhawang asam ng uring manggagawa ang binhi
Maghandang buwagin ang sistemang mapang-aglahi

Aktibista akong may adhikaing sinimulan
Ginagampanan kong lubos ang tungkuling pinasan
Iniisip ang kapakanan ng masa't samahan
Ng uring manggagawa, ng dukha, di ng iilan

Gising ang diwa sa samutsaring isyu't problema
Pagkamulat ko'y mula sa uring obrero't masa
At nangangarap baguhin ang bulok na sistema
Bisig ko't kamaong kuyom ay tanda ng pagbaka

Ibig kong mag-ambag sa ginhawa ng kapwa tao
Gaya ng pangarap ng dakilang Katipunero
Ayokong maging pabigat, buhay ko ang ambag ko
Tatahakin ang landas ng lipunang makatao

- gregbituinjr.
05.10.2020

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pambatang aklat, kayliliit ng sulat

PAMBATANG AKLAT, KAYLILIIT NG SULAT Nakabili ako ng aklat na pambata dahil sa pamagat na  "Children's Atlas: The ideal Atlas for sc...