Biyernes, Pebrero 28, 2020

Soneto XIII. Mula kay Petrarch

Soneto XIII. Mula kay Petrarch
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

O, ilagay mo ako sa naglalagablab na buwan
Na pinagbawal humihip ang nalalantang bulaklak;
O ilagay mo ako sa napakalamig na lunan
Sa mga kabundukan ng nyebeng walang katapusan:
Hayaan mong hanapin ko'y hakbang tungong katanyagan,
O ang mas mahirap tahaking landas ng Kahirapan;
Paagusin ang pagkabatang kay-init sa'king ugat,
O animnapung taglamig sa dugo ko'y kumaligkig:
Kahit ang diwang ginigiliw sa Langit ay lumipad,
O kahit mawalan na ng saysay dito sa daigdig,
Bilangguan o kalayaan - di kilala o sikat,
Ang iwi kong puso, O, Laura! ay nasa iyo pa rin.
Kung saanman ang patutunguhan niring kapalaran
Patuloy pang mag-aalab ang pusong tapat sa iyo!

Ang makatang Italyanong si Petrarch (Hulyo 20, 1304 – Hulyo 19, 1374)
Sonnet XIII. From Petrarch

OH! place me where the burning moon
Forbids the wither'd flower to blow;
Or place me in the frigid zone,
On mountains of eternal snow:
Let me pursue the steps of Fame,
Or Poverty's more tranquil road;
Let youth's warm tide my veins inflame,
Or sixty winters chill my blood:
Though my fond soul to Heaven were flown,
Or though on earth 'tis doom'd to pine,
Prisoner or free--obscure or known,
My heart, oh Laura! still is thine.
Whate'er my destiny may be,
That faithful heart still burns for thee!

* Ang tula ay mula sa: https://allpoetry.com/Sonnet-XIII.-From-Petrarch

Ang BAHAY ni Gary Granada


ANG BAHAY NI GARY GRANADA
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kinagiliwan ng maraming maralita ang awiting Bahay ni Gary Granada. Kaya kadalasan nila itong inaawit sa mga pagtitipon. Tila baga ang awiting Bahay ay isang pagsusuri kung katanggap-tanggap ba ang barung-barong bilang bahay, na bagamat ito ang karaniwang tirahan ng mga maralita, ay masasabi nang matinong bahay, o hindi nararapat tirahan pagkat pinagtagpi-tagping basura lamang ang kanilang tahanan. Halina’t tunghayan natin ang liriko ng nabanggit na awitin:

Isang araw ako'y nadalaw sa bahay tambakan
Labinglimang mag-anak ang duo'y nagsiksikan
Nagtitiis sa munting barung-barong na sira-sira
Habang doon sa isang mansyon halos walang nakatira
Sa init ng tabla't karton sila doo'y nakakulong
Sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong
Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato
Hindi ko maintindihan bakit ang tawag sa ganito
Ay bahay

Sinulat ko ang nakita ng aking mga mata
Ang kanilang kalagayan ginawan ko ng kanta
Iginuhit at isinalarawan ang naramdaman
At sinangguni ko sa mga taong marami ang alam
Isang bantog na senador ang unang nilapitan ko
At dalubhasang propesor ng malaking kolehiyo
Ang pinagpala sa mundo, ang dyaryo at ang pulpito
Lahat sila'y nagkasundo na ang tawag sa ganito
Ay bahay

Maghapo't magdamag silang kakayod, kakahig
Pagdaka'y tutukang nakaupo lang sa sahig
Sa papag na gutay-gutay, pipiliting hihimlay
Di hamak na mainam pa ang pahingahan ng mga patay
Baka naman isang araw kayo doon ay maligaw
Mahipo n'yo at marinig at maamoy at matanaw
Hindi ako nangungutya, kayo na rin ang magpasya
Sa palagay ninyo kaya, ito sa mata ng Maylikha
Ay bahay

Ang barungbarong nga ba ay bahay? Paano mo masasabing sapat nga ang isang pabahay, batay sa karapatan sa pabahay? Basta ba may kalan, kaldero, kainan, kusina, kumot, at katre, ay masasabi nang bahay?

May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng United Nations Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) ng nasabing komite. Narito ang pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay.

1. Ligal na Seguridad sa Paninirahan (legal security of tenure) 

2. Matatamong serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure)

3. Kayang-kayang matamong paninirahan (affordable housing) 

4. Bahay na matitirahan (habitable housing)

5. Kayang puntahang pabahay (accessible housing)

6. Lokasyon (location)

7. Sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing)

Sa usapin ng habitability o talagang matitirahan ay ganito ang mga pamantayan:

- Floor area (laki at lawak ng sahig) – 60-72 metro kwadrado

- Sapat na bilang ng bintana para sa pagpasok ng sariwang hangin (bentilasyon)  

- Pagtakas sa sunog (fire escape) para sa mga gusaling residensyal

- Kahit papaano’y may 3 silid (isa sa magulang at 2 sa mga bata)

- May palikuran at kusina

- Sapat na kapal ng dingding para sa duplex, hilera ng mga bahay (row houses) at mga gusaling residensyal

- Sapat na layo sa mga kapitbahay (para sa mga single-detach na yunit)

- May sapat na ilaw, ligtas na kuryente

- Itinayo ng malayo sa mga tambakan ng basura (dump sites)

- Malayo sa mga mapanganib na lugar (danger zones)

- Dapat na matibay ang bahay para maprotektahan ang mga nakatira mula sa panganib tulad ng lindol, baha, atbp.

Malinaw ang mensahe ng awitin ni Gary Granada. ito'y pagtatanong kung ano ba ang kahulugan ng bahay. Ito'y isang pagsisiyasat upang maunawaan natin kung ano ba dapat ang bahay. Hindi ka dapat nakatira sa mapanganib na lugar, tulad ng gilid ng riles ng tren, gilid ng ilog, o tabi ng tambakan ng basura. Noong unang panahon, sa mga yungib o kuweba pa nakatira ang tao, subalit sa sibilisasyon ngayon, sa panahon ng sistemang kapitalismo, bakit may mga taong walang matinong tahanan.

Nakita rin natin sa unang talata pa lang ang tunggalian ng uri sa lipunan, ang kaibahan ng tirahan ng mahirap at mayaman. Labinglimang maralitang mag-anak ang nagsiksikan at nagtitiis sa munting barung-barong na sira-sira, habang doon sa isang mansyon ay halos walang nakatira.

Tao kang may dangal, may damdamin, at may diwa, kaya bakit ka nakatira lang sa isang pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato. 

Wala man siyang inirekomenda ay mahahanap din natin ang kasagutan bilang maralita, bilang taong may dignidad. Dapat may wastong bahay para sa bawat tao, at ang bahay ng maralita ay hindi dapat tagpi-tagping karton lang, kundi bahay ng tao batay sa ating karapatang pantao at dignidad bilang tao.

* Ang bahagi ng artikulong ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-29, 2020, mp. 18-19.

Huwebes, Pebrero 27, 2020

Ang mga palabusakit

ANG MGA PALABUSAKIT

sakit yata ng Pinoy ang maging palabusakit
layuning di ginawa'y nakapaghihinanakit
pinag-isipan, pinaghirapan, ginawang pilit
tinamad na ba o pagkakataon ang nagkait?

bakit ningas-kugon ang nangyari sa sinimulan?
bakit masiglang-masigla'y biglang mananamlay lang?
plano ng plano, hangarin ba'y di pangkaraniwan?
maghihintay lang bang biglang sumarap ang sinigang?

wala sa una ang pagsisisi kundi sa huli
kapag naging palabusakit sa dighay ng muni
baka di na pagtiwalaan sa mga sinabi
tititig na lang sa bituin sa lalim ng gabi

halina't nasimulan ay pagsikapang tapusin
halina't ipagwagi ang ating bawat layunin
huwag palabusakit sa prinsipyo't adhikain
pagkat matamis kamtin ang pinaghirapan natin

- gregbituinjr.

* palabusakit - paggawa sa simula lamang; ningas-kugon, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), p. 889

Miyerkules, Pebrero 26, 2020

Soneto sa mamamaslang


SONETO SA MAMAMASLANG
(tulang akrostika)

May araw din kayong pumapaslang ng inosente
Ang tulad nyo'y berdugong sayang-saya sa punebre
Yumurak sa buhay ng kapwa't nangamoy asupre

Ang ginawa ninyong sindak ay higit pa sa aswang
Rimarim ang idinulot sa laksang mamamayan
Astang sumisingasing na halimaw at tikbalang
Walang budhi't ang ginawa'y walang kapatawaran

Diyata't kayo'y uhaw sa dugo, uhaw sa dugo!
Iyang pinaggagawa'y kawalan ng budhi't puso
Na wala nang katarungan ay basag pa ang bungo

Karapatan at buhay ay sinabuyan ng putik
Ah, balang araw, babagsak din kayong mga lintik
Yayanigin din kayo ng budhing di matahimik
O dapat lang kaming sa poon ninyo'y maghimagsik!

- gregbituinjr.

soneto - tulang may tugma't sukat, at binubuo ng labing-apat na taludtod
tulang akrostika - basahin ninyo ang unang letra ng bawat linya at may mababasa kayong pangungusap

May araw din kayo!

May araw din kayo!
(soneto, tulang akrostika)

May araw din kayong pumapaslang ng inosente
Ang tulad ninyong punebre'y nangangamoy asupre
Yinanig ninyo ang mundo ng mga mabubuti

Ang ginawa ninyong sindak ay higit pa sa aswang
Rimarim ang idinulot sa laksang mamamayan
Astang sumisingasing na halimaw at tikbalang
Walang budhing ang ginawa'y walang kapatawaran

Diyata't kayo'y uhaw sa dugo, uhaw sa dugo!
Iyang pinaggagawa'y kawalan ng budhi't puso
Na wala nang katarungan ay basag pa ang bungo

Karapatan at buhay ay sinabuyan ng putik
Ah, balang araw, babagsak din kayong mga lintik
Yayanigin din kayo ng budhing di matahimik
O dapat lang kaming sa poon ninyo'y maghimagsik!

- gregbituinjr.

* tulang akrostiko - basahin ninyo ang unang letra ng bawat linya at may mababasa kayong pangungusap

Martes, Pebrero 25, 2020

Mabuti pang tumula kaysa uminom sa labas

mabuti pang tumula kaysa uminom sa labas
o tumutula habang umiinom pa sa labas
masarap ang serbesa o alak galing sa ubas
o kaya'y sa diwang kumakatha'y nagpapalakas

ayokong matulad sa ibang araw-gabi'y tagay
pagkat di ako lasenggo o lasenggerong sablay
mas nais kong kumatha habang ako'y nagninilay
kaysa ngala-ngala't panga, kamay na ang mangalay

kung sakaling ikaw ang sigang sa akin sisira
o ikaw ang mutyang sa akin nagpapatulala
nais mo bang tumagay tayo habang tumutula
o mas nais mong tumula habang tagay pa'y wala

nakakagawa ba ng saknong ang bawat serbesa
mga likhang taludtod ba'y nagsisilbi sa masa
sa bawat pantig ba'y may pintig ng pakikibaka
tula ko ba'y ambag upang mabago ang sistema

mabuti pang tumula kahit na nakatunganga
at naglalaro ang isip habang nakatingala
minsan hawak ang serbesang nagpaikot ng diwa
habang tanaw yaong along nagpalikot ng sigwa

- gregbituinjr.

Lunes, Pebrero 24, 2020

Pagtahak sa pagkatha


PAGTAHAK SA PAGKATHA

musmos pa lang, tinahak na ang landas ng pagkatha
pagkat noon, ako'y torpe't di mabigkas ang diwa
sa magagandang dilag nga'y nag-aalay ng tula
subalit pag kaharap na sila'y natutulala

buti't ako'y naging isang mapagpunyaging tibak
at nabibigkas ko sa rali ang talim ng tabak
iyon pa'y landas na pinili ko't sadyang tinahak
kwento ng pakikibaka'y sa isip ko'y inimbak

kaya sinulat ko na ang pinasya kong landasin
at ang dating torpe'y naging mandirigma ng talim
unti-unti'y nasasabi ang di kayang bigkasin
nagagamit na ang bibig, di lang ang plumang angkin

napagninilayan ang sa mundo'y lumiligalig
nabibigkas ko na sa wakas ano ang pag-ibig
natuto sa manggagawa ano ang kapitbisig
at bakit dapat alagaan ang ating daigdig

patuloy kong kinakatha ang tinahak kong landas
kinakatha ang paglaban at pag-ibig na wagas
nawiwika ang noong bata pa'y di ko mabigkas
tiyak di na ako torpe hanggang ako'y mautas

- gregbituinjr.

Linggo, Pebrero 23, 2020

Mahirap ang may utang lalo't di kayang bayaran


mahirap ang may utang lalo't di kayang bayaran
para kang kriminal na nanloloko ng gahaman
nangutang ka, babayaran mo, kayo'y may usapan
may takdang panahon upang mabayaran ang utang

nang dahil sa utang kaya trabaho ng trabaho
may pambayad sa utang kung mayroong sinusweldo
binubuhay na lang ang iba, di ang pamilya mo
ganito ang may utang, para kang kinalaboso

ayokong may utang kahit magdildil man ng asin
ayokong nagtatrabaho lang dahil sa bayarin
ayokong mga inutangan lang ang bubuhayin
ayoko rin namang sila lang ang pabubundatin

kung kakayod ako'y upang pamilya ko'y sumaya
di nababaon sa utang at bulok na sistema
kung di mo kayang magbayad, mangungutang ka pa ba
kahit na sa harap ng hirap at emerhensiya

bayarin sa ospital kaya ka lang mangungutang
upang magamot ang mahal, bituka'y naging halang
dahil sa kakapusan, kahit ano'y dinudukwang
uutang ng uutang sarili na'y pinapaslang

- gregbituinjr.

Magpapaalipin na ba ako sa kapitalista?


MAGPAPAALIPIN NA BA AKO SA KAPITALISTA?

magpapaalipin na ba ako sa kapitalista?
magpapakain na ba ako sa bulok na sistema?
ito'y upang kumita lang ng kapiranggot na pera
upang may pambili lang ng bigas para sa pamilya

ang pagpapaalipin sa sistema'y kasumpa-sumpa
marahil ay mawawala na rin ang aking pagtula
pagkat pulos trabaho na lang ang aking magagawa
upang lumigaya ang pamilya'y magpapaalila

sa pera lang kasi umiinog ang ating daigdig
kung wala kang pera'y wala kang pambili ng pag-ibig
dahil sa sistema, tao'y sa pera na nakasandig
kaya yaong mga walang salapi'y laging ligalig

di ko alam kung makatarungan pang magpaalipin
upang pamilya'y di magutom at tiyan ay busugin
walang kalayaan basta't sumunod sa among turing
silang sa lakas-paggawa mo'y tiyak na mag-aangkin

- gregbituinjr.

Sabado, Pebrero 22, 2020

Mas nais kong kainin ng pating ang katawan ko

mas nais kong kainin ng pating ang katawan ko
kaysa kabaong na makintab ay isilid ako
pagkat may pakinabang pa ako kahit paano
at wala nang babayarang libing ang pamilya ko

mabuti na iyon kaysa magbayad ng kabaong
na libu-libong piso na ang presyong nakapatong
nang malugi sa akin ang negosyanteng ulupong
iyan lang ang hiling ko sa kamatayang hahantong

sakaling mamatay ako dahil sa katandaan
at tulad ko'y di na mapakinabangan ng bayan
mabuti nang sumakay ng barko't itapon na lang
sa laot o sa kailaliman ng karagatan

ako lang ang tanging makatang kinain ng pating
o ngasabin ng buwayang may pangil na matalim
huwag lang mahirapan ang pamilya sa bayarin
na pinagtubuan ka'y patuloy pang papatayin

- gregbituinjr.

Paslangin ang mga dambuhala

mga dambuhalang iyon ang sumungkit ng lakas
kaya sumingkit ang mata ng mga talipandas
tatlumpung pilak man ay di mabayaran ni hudas
kaya walang maibili ng isang basong gatas
iyon ang napagnilayan ko sa isang palabas

naglulutangan sa dagat ang sangkaterbang plastik
mga dambuhala iyong lumululon ng putik
di mo man nadarama, sakit ang inihahasik
habang sila'y sumisingasing, mata'y nanlilisik
nilalayon ba nilang ating mata'y magsitirik

marami nang dambuhalang sumisira sa atin
animo'y dinosawrong bawat lupa'y inaangkin
at naglalaway na sa dugo ang mga salarin
sinira ang kalikasan, kapaligiran natin
upang tumubo ng limpak, tayo na'y papaslangin

dambuhalang ngasab ng ngasab na di mo mawari
mga halang ang bituka't sadyang nakadidiri
inaangkin ang lahat ng pribadong pag-aari
halina't kumilos at pagkaisahin ang uri
nang mapaslang ang mga dambuhalang naghahari

- gregbituinjr.

Atake sa Senado: Sina Ka Eddie Guazon at Fr. Pete Montallana

Atake sa Senado
SINA KA EDDIE GUAZON AT FR. PETE MONTALLANA
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kapwa kilalang lider sila ng kani-kanilang panahon. Kapwa sila may kaugnayan sa maralita. Pareho silang prinsipyado, determinado, palaban, kagalang-galang, magiting. Subalit pareho rin silang inatake habang nagsesesyon sa Senado habang ipinaglalaban ang mga maliliit at api sa lipunan. Ang isa'y tuluyang namatay at ang isa'y pinalad na nabuhay.

Si Ka Eddie Guazon ang unang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na naitayo tatlo't kalahating dekada na ang nakararaan. Namatay siya habang nasa pagdinig ng Senado kaugnay sa mga nagaganap na demolisyon. Doon sa Senado ay inatake siya ng cardiac arrest habang pinabubulaanan ang testimonya ng isang pulis. Dinala siya sa Philippine General Hospital subalit hindi na siya umabot ng buhay.

Si Fr. Pete Montallana ay aktibo sa Save Sierra Madre Network Alliance, Inc. (SSMNAI) at sa Stop Kaliwa Dam (SKD) campaign. Nitong nakaraan lang, nabalitaan kong dinala siya sa ospital habang nasa pagdinig sa Senado kaugnay sa proyektong Kaliwa Dam na mahigpit din niyang tinututulan. Dinala siya sa klinik at sa kalaunan ay sa ospital, at siya'y inoperahan. Sa ngayon, siya'y nagpapagaling.

Hindi ko na naabutan pang buhay si Ka Eddie Guazon pagkat 1989 siya namatay. Subalit inipon ko ang mga kasaysayan ng KPML na inilagay ko sa blog na aking binuo. Pati ang kanyang mga larawang nalathala sa isang magasin ng pagpupugay sa kanya at ang nag-iisang kwadro ng kanyang litratong nasa tanggapan ng KPML ay aking nilitratuhan upang mailagay sa blog. Kaya pag kailangan ng kasaysayan ng KPML, datos, pahayag, sa blog ng KPML ito makikita. Ako naman ay napunta sa KPML bilang staff noong 2001 hanggang Mayo 2008. At muling nagbalik sa KPML bilang halal na sekretaryo heneral nito noong muling maglunsad ito ng kanyang pambansang kongreso noong Setyembre 16, 2018.

Una ko namang nakadaupang palad si Fr. Pete noong 2009 nang makasama ako sa 148-kilometrong aktibidad na tinaguriang "Lakad Laban sa Laiban Dam". Nagsimula ito sa bayan ng Gen. Nakar sa lalawigan ng Quezon, hanggang sa Maynila mula Nobyembre 4 hanggang 12, 2009. Alam din ni Fr. Pete na ginawa ko ang Filipino translation ng Laudato Si mula Hunyo 24, 2015 hanggang sa ito'y matapos noong Setyembre 16, 2015. Isinalin ko ito sa kahilingan ng mga nakasama ko sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na sina Yeb Saño at Rodney Galicha.

Kilala ni Fr. Pete ang KPML kung saan ako ang kasalukuyang sekretaryo heneral. Nang malaman niyang KPML ako ay agad niya akong tinanong kung saang KPML ba ako. Isa kasi si Fr. Pete sa nagbuo ng grupong SILAI o Sikap-Laya, Inc., isang grupo ng maralita kung saan dito napunta ang ilang pamunuan ng KPML-National Capital Region and Rizal chapter (NCRR), nang ang mga lider nito'y nawala sa KPML-NCRR noong Setyembre 2012. Nasa Thailand ako noon nang mawala sila, at pagbalik ko sa Maynila'y nabalitaan ko na lang ang paghihiwalay. Nakita ko roon sa SSMNAI ang ilang dating lider ng KPML at Zone One Tondo Organization (ZOTO) na ngayon ay nasa SILAI.

Si Fr. Pete ay nakadaupang palad din ng aking asawang aktibo rin sa kilusang makakalikasan sa ilang pagtitipon. Kaya nabahala kami nang malaman namin ang nangyari sa kanya. Kung may pagkakataon ay dadalawin namin siya.

Sina Ka Eddie Guazon at Fr. Pete Montallana ay mga batikang lider. Maka-maralita. Makamasa. Ipinaglalaban ang karapatan ng maliliit. Ayaw nilang naaapi, ayaw nilang napagsasamantalahan ang mga maralita, at ang mga katutubo. Kapwa sila nasa Senado nang maganap ang mga insidenteng ikinamatay ng isa, at halos ikamatay ng isa pa.

Ito ang nakasaad sa talambuhay ni Ka Eddie Guazon sa artikulong may pamagat na Touched by his life: "On May 19, 1989, the urban poor lost a courageous and committed leader, Eduardo Guazon, Jr., who was then the national chairman of the Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), the largest urban poor aggrupation, died during a Senate Committee hearing on a spate of violent demolition operations. The urban poor leader suffered a cardiac arrest while vehemently objecting to the distorted testimony of a policeman and was proclaimed dead on arrival at the Philippine General Hospital. Even until death, Tatay (father) Eddie, as he was fondly called by his fellow urban poor, fought for the interest and the rights of the poor and would not let anyone trifle with truth and justice."

Ito naman ang nakasaad sa isang email na pinadala ng isang kasama sa pakikibaka: "Last Monday, Feb. 17, 2020, Fr. Pete was rushed to the hospital, after his blood pressure shot up to 180.  He was attending a Senate hearing on the Kaliwa Dam project, when he felt ill and was taken to the clinic and eventually rushed to the hospital.  He suffered a rupture in his blood vessel, and underwent emergency brain surgery yesterday, Feb. 18, 2020, at around 3:30 AM, at Our Lady of Lourdes Hospital in Sta. Mesa, Manila."

Dagdag pa: "Fr. Pete is still at the ICU and recovering.  He is conscious and responsive.  He is able to have short conversations, and is accepting visitors between 11:00 AM – 1:00 PM and 5:00 – 8:00 PM.  His blood pressure is still erratic, as of today Feb. 19, 2020, and he has been advised to stay at the ICU between 3-5 days, after which he can be transferred to a regular room.  From thereon, his situation will be evaluated on a daily basis."

Nawa'y lumakas at gumaling na si Fr. Pete sa kanyang karamdaman, at patuloy pa namin siyang makasama sa pakikibaka para sa maayos na kalikasan at upang hindi matuloy ang proyektong Kaliwa Dam na talaga namang malaki ang epekto sa kalikasan, sa kapaligiran, sa mga katutubo, sa lupaing ninuno, at sa ating bansa. Magpagaling po kayo, Fr. Pete, at marami pa tayong laban na dapat ipagwagi!

02.22.2020

Mga pinaghalawan:
http://kpml-org.blogspot.com/2009/05/touched-by-his-life-ka-eddie-guazon.html
email from Mr. Jaybee Garganera of Alyansa Tigil Mina (ATM) na pinadala sa e-group ng Green Thumb Coalition

Biyernes, Pebrero 21, 2020

Tula ko'y mas mahal kaysa anumang aking yaman

tula ko'y mas mahal kaysa anumang aking yaman
pagkat iyon ay lakang-akda nitong kaisipan
mga salita'y pinaghabi-habi kong mataman
nang maging taludtod at saknong na nakasalansan

di mo ba nahalatang ako'y makatang sanggano
na nilalabanan ang sangkaterbang tuso't gago
minsan mahirap din ang maging makatang guwapo
lalo't isinusuka nila ang mga obra ko

kunin mo na ang aking sangdaang piso sa bulsa
kahit na kunin mo pa ang aking buong pitaka
aba'y ibibigay ko pa sa iyong nakatawa
huwag lang agawin ang pinaghirapan kong obra

tula ko'y mas mahal kaysa sinumang walang budhi
pagkat mga ito'y hinabi ng luha't pighati
magkakamatayan tayo upang di ka magwagi
sa pag-agaw ng mga tulang katha kong masidhi

- gregbituinjr.

Ano ang resibo?

ano ang resibo? ito'y pases mo sa paglabas
upang di ka pagkamalang magnanakaw o hudas
guwardya sa botika, groseri't mall ay matatalas
pag inakalang di ka nagbayad, madama'y dahas

kaya sa paglabas, ipakita mo ang resibo
tanda ng katapatan sa binili mong serbisyo
tandaang sila'y naroroon upang magnegosyo
kaya ayaw nilang mawalan, tubo'y apektado

bawat sentimo'y mahalaga sa negosyong yaon
kinwenta, sinuma, mahirap sa daya mabaon
may produkto sila at binili mo, may transaksyon
kaya may resibo ka sa pinamili mong iyon

O, resibo, ganyan ka kahalaga sa kanila
upang di mawalan ng sampung piso o singkwenta
sakto ang debit at kredit pag tinuos ang kwenta
habang binili mo'y mapapakinabangan mo na

- gregbituinjr.

Huwebes, Pebrero 20, 2020

Palayain ang mga maninindang ipiniit

PALAYAIN ANG MGA MANININDANG IPINIIT!
(tula sa World Day of Social Justice)

palayain ang mga maninindang ipiniit
na dahil sa kagutuma'y nagtinda silang pilit
upang makakain ang pamilya, sila'y sumaglit
naglatag ng paninda ngunit mayroong nagalit

ang mga dukhang manininda'y nanggagalaiti
pagkat karapatan nila'y tuluyang iwinaksi
silang mga nais makabenta'y pinaghuhuli
habang negosyanteng pinagpala'y ngingisi-ngisi

hindi naman krimen ang ginawa nilang magtinda
marangal naman ang gawain nilang pagtitinda
anong kasalanan nila't bakit hinuli sila
gayong nais lang nilang makakain ang pamilya

ikinulong na manininda'y dapat palayain
hindi krimen ang magtinda, huwag silang gipitin
sa mga nanghuling palalo, ito'y inyong dinggin:
nakakulong na manininda'y inyong palayain!

- gregbituinjr.
02.20.2020

* mula sa ulat: 
A quiet night marred by the arrest and detention of 5 sidewalk vendors. Their offense - 'illegal vending'.

Sidewalk vendors have been harassed and displaced by LGUs in strict implementation of the DILG memo to clear the roads of any obstruction. Without decent work and alternative livelihood, many of our kababayans brave the streets and sidewalks to earn their daily keep. 

Four of the 5 sidewalk vendors were selling fruits and vegetables outside of the TUCP compound at the Elliptical Road of Quezon City. The remaining vendor was merely passing by with his kariton as he was already on his way home. 

Kailangan ba talagang arestuhin ang mga manininda na naghahanapbuhay para lang may makain ang mga pamilya nila?

The vendors are currently detained at the QCPD Station 9 along Anonas.

#Hindi krimen ang magtinda! 
#Palayain ang Elliptical 5, ngayon na!

Ibon mang may layang lumipad

IBON MANG MAY LAYANG LUMIPAD
(tula sa World Day of Social Justice)

"Ibon mang may layang lumipad", anang isang awit
"kulungin mo at umiiyak", ang tono'y may impit
paano pa kaya kung walang sala'y ipiniit
kundi marangal na magtinda pagkat nagigipit

makikita mo ang lungkot sa kanilang pamilya
na nananawagan din ng panlipunang hustisya
wala na bang karapatan ang mga manininda
na ang karapatang magtinda'y winalang-halaga

dapat kinikilala ang kanilang karapatan
dapat may proseso't di daanin sa karahasan
napakahalaga ng panlipunang katarungan
nang karapata't buhay ng tao'y maprotektahan

di naman krimen ang magtinda'y tila naging krimen
ipiniit dahil tinda'y sinturon at salamin
ikinulong dahil ang tinda'y gulay at kakanin
kaya ang sigaw namin: manininda'y palayain!

- gregbituinjr.
02.20.2020

Pagtambay sa aking lungga

PAGTAMBAY SA AKING LUNGGA

nais mo bang sumamang tumambay sa aking lungga
dito sa munti kong silid sa ilalim ng lupa
magnilay-nilay ka't papagpahingahin ang diwa
o kaya'y magkapeng barako habang kumakatha

huwag mong isiping sa aking lungga'y buhay-daga
kahit na ako'y isa lang manunulat na dukha
kinakatha ko roon ang nobelang salimpusa
na di mo mawari'y inaakda ng hampaslupa

habang naroo'y huwag sanang daanan ng sigwa
upang di tayo lumubog at kainin ng isda
mahirap mapagkamalang tayo'y mga tilapya
ng manonokhang na walang puso at walang awa

paano ba dapat ipagtanggol ang mga bata
at karapatan nilang dapat mabatid ng madla
paano maiiwasang dalaga'y magahasa
at paano dapat respetuhin ang matatanda

layunin kong kumatha ng mapagpalayang diwa
habang nakatambay sa maaliwalas kong lungga
pangarap kong balang araw tula'y mailathala
bago pa man ako tuluyang kainin ng lupa

- gregbituinjr.
02.20.2020

Miyerkules, Pebrero 19, 2020

Uhaw ay tinitighaw ng tubig na maligamgam

uhaw ay tinitighaw ng tubig na maligamgam
habang nagtutubig yaong mata niyang malamlam
makakakamtan kaya ang tagumpay na inaasam
habang kayod ng kayod sa hirap na di maparam

namumutiktik ang tinik sa rosas na marikit
na di maibigay sa dalagang tila masungit
ngiti'y anong tamis ngunit ugali'y anong pangit
mapangmata sa dukha, sa mayaman ay kaybait

kung kakamtin ko ang langit sa matamis na ngiti
ang anumang pagkasiphayo'y agad mapapawi
tiyak magsisikap, pawis man sa noo'y gumiti
mamasdan lang ang ngiti, dama ko na'y nakabawi

katawan ko't mga kalamnan ay muling lalakas
habang hahawiin natin ang panibagong landas
mahalaga'y magpakatao't iwanan ang dahas
kahit mga dahon sa puno'y tuluyang malagas

- gregbituinjr.

Susuka ka ng dugo sa pagbabayad ng utang

susuka ka ng dugo sa pagbabayad ng utang
para kang robot o kaya'y makina sa ilang
walang direksyon sa buhay, ang kapara'y tikbalang
tila baga ako'y araw-araw na pinapaslang
kumakayod lang upang makapagbayad ng utang

kumakayod ako upang may pambili ng bigas
upang makakain ang pamilyang mahal kong wagas
upang may pambili ng kahit lata ng sardinas
upang makabayad sa mga inutang kong prutas
kayod ng kayod hanggang sa hininga ko'y mautas

ako'y manunulang wala nang nalilikhang tula
kayod ng kayod kahit ang katawan ay magiba
upang makapagbayad ng utang, lagi nang patda
trabaho ng trabaho sabay sa alon at sigwa
dahil sa utang, buong pagkatao'y masisira

paano babayaran ang utang na tila salot
na nagdulot ng pagkabalisa't pagkabantulot
na pag di agad nabayaran ay saan aabot
laging pagkakayod-kalabaw ba ang tanging sagot
upang mabayaran ang utang na katakut-takot

- gregbituinjr.

Martes, Pebrero 18, 2020

Propagandista lamang ako

propagandista lamang ako, propagandista lang
mga tulad namin ay di mo dapat tinotokhang
kahit sinusulat ay tungkol sa may pusong halang
nang karapatan ng tao'y di agad pinapaslang

propagandista akong may mga tulang pampiging
di man binabasa'y may mga tula ring panggising
marami rin akong obrang nais nilang ilibing
sa limot nang diwa ng masa'y tuluyang humimbing

propagandista akong sulat ng sulat ng sulat
o kaya'y nagsasalita sa rali kahit malat
upang mga naapi sa lipunan ay mamulat
na kumilos at sa rebolusyon ay mahikayat

ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari
na siyang pribilehiyo ng naghaharing uri
manggagawa'y dapat meron ng diwang makauri
upang maibagsak ang elitistang paghahari

iyan ang aking tungkulin bilang propagandista
ang mapakilos ka laban sa bulok na sistema
mga aping manggagawa't dukha'y maorganisa
nang magkapitbisig sila't tuluyang magkaisa

- gregbituinjr.

Natanaw ko ang buwan sa hugis na balinugnog

natanaw ko ang buwan sa hugis na balinugnog
na tila may pangitaing di maarok sa tayog
maghihirap bang lalo ang mga bayang kanugnog
o may mamamalas na swerteng pumapaimbulog

patuloy pa tayong sa karukhaan nagtitiis
animo'y pinagmamasdan tayo ng balantikis
tila libong bathala ang sa atin tumitikis
anaki'y serpyente ng luha't dusa'y lumilingkis

karukhaan ay dapat suriin, saan nagbuhat
bakit may mga taong ang buhay ay inaalat
bakit sa kawalan ng yaman at hustisya'y batbat
bakt sagana sa kahirapan at nagsasalat

sanlaksa'y naghihirap, yumayaman ang iilan
pribadong pag-aari ba'y ugat ng kahirapan?
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
upang tuluyan nang malutas itong kahirapan

- gregbituinjr.

* balantikis - ibong isinumpa, UP Diksiyonaryong Filipino, p. 115
* balinugnog - semicircle sa Ingles, UPDF, p. 124

Lunes, Pebrero 17, 2020

Bakit may bangketa?

bakit sa haba ng lansangan dapat may bangketa
aba'y upang malakaran ng tao sa tuwina
nang di masagasaan ng sasakyan sa kalsada
at kampante tayong maglakad ng walang disgrasya

kaya may bangketa'y upang may malakaran tayo
mas mataas sa daan ng sasakyang tumatakbo
tanging tao lang, di sasakyan, ang pumaparito
kaya sa bangketa ka lagi maglakad, pare ko

bangketa'y di palengke, talipapa't pamilihan
ito'y ginawa upang mga tao'y may daanan
ang kalsada'y di karerahan ng mga sasakyan
ngunit dapat pa ring mag-ingat sa mga tawiran

minsan mabibilis ang takbo ng awto, bus o dyip
kaya may bangketa upang di ka nila mahagip
pahalagahan ang bangketang sa iyo'y sasagip
mula sa anumang disgrasyang di basta malirip

- gregbituinjr.

Linggo, Pebrero 16, 2020

May pag-asa hangga't may buhay

mahirap pala
kung walang pera'y
walang karamay

maysakit ka na'y 
balewala pa, 
iyong nanilay

tila ba pera'y
magandang lunas
sa iyong lumbay

ganyan madalas
nararanasan
natin sa buhay

kasi'y mahirap
walang salapi
lugmok na tunay

at sabi nila
nagtaka ka pa't
di na nasanay

saan patungo
sa bansang itong
pangit ang lagay

kaya dapat lang
kumilos tayo
nang di mangisay

dapat mag-isip
at tumingala't
magbulay-bulay

bakasakaling
kakaharapin
ay bagong buhay

laging isipin
na may pag-asa
hangga't may buhay

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Pebrero 16-29, 2020, p. 20

Mabuti na ang nanggagamot kaysa nagdodroga

mabuti pa ang nanggagamot kaysa nagdodroga
upang malunasan ang karamdaman sa tuwina
isa kang manggagamot at di isang durugista
kahit na ipinapayo mo'y droga sa botika

kahit paano'y di ka matotokhang ng buwitre
sapagkat ikaw ay nanggagamot lamang ng pobre
kahit paano'y di ka matotokhang ng salbahe
kahit na ikaw ay walang natatanggap na sobre

sa iba'y nakakatulong ka pa sa panggagamot
di ka nagdodroga tulad ng karamihang senglot
kabutihan sa kapwa ang iyong idinudulot
kabuti man ang tumutubo sa bundok na panot

ituloy mo ang panggagamot kung iyan ang misyon
tupdin mo ang iyong inaadhika't nilalayon
ingatan mo ang kalusugan ng iyong kanayon
at kung makakaya'y ingatan mo ang buong nasyon

- gregbituinjr.

* matapos makadalo sa isang gamutan sa nayon

Nagmumukhang pera, nawawala ang pagkatao

nagmumukhang pera, nawawala ang pagkatao
ganyan pala ang asal ng isang kakilala ko
"perahin mo na lang iyan" ang bukambibig nito
gayong inalok ng pagkain ng kanyang amigo

pabiro mang sambit, tila walang delikadesa
"perahin mo na lang" ang laging sinasambit niya
pabiro man, nakakasira rin ng araw siya
gayong seryoso ang alok ng pagkain sa kanya

ang kakilala ko bang ito'y isang pataygutom
na kahit pabiro, ang pagkatao'y nilululon
tila sa salapi'y naglalaway animo'y leyon
na agad sasagpangin sinumang kaharap niyon

"perahin mo na lang" kahit gaano ka kahirap
ay huwag mong sasambitin sa sinumang kaharap
maliban kung bato ang sa iyo'y pinatatanggap
tama lang kaysa perang naging bato ang malasap

- gregbituinjr.

Sabado, Pebrero 15, 2020

May itsura nga iyang kaldero, ikaw pa kaya

ang sarili mo'y huwag mong ituring na kawawa
dahil tingin mo'y wala kang itsura lalo't dukha
dahil turing mo sa sarili'y isang hampaslupa
may itsura nga iyang kaldero, ikaw pa kaya

sabi ng nanay mo, guwapo ka kahit maitim
aniya, para kang rosas na kaysarap masimsim
sabi pa, ikaw ang liwanag sa gabing kaydilim
ganyan ka ipagtanggol ng nanay mong naninimdim

may itsura ka, lalo na't puso mo'y anong ganda
mag-ayos ka't magsuklay ng buhok, magsipilyo ka
maligo ka, magdamit ka, at magpabango ka pa
at gupitin mo rin ang kuko sa kamay mo't paa

labhan mong maigi ang damit mo nang di bumantot
kusuting maigi ang pantalon mong isusuot
ang polo o blusa mo'y plantsahin upang di gusot
ang kutis mo'y alagaan nang di kamot ng kamot

kaya huwag mong kaawaan ang iyong sarili
magtiyaga ka lamang, magsipag at magpursigi
baka sa pagsisikap mo'y may isang mabighani
ang sipag mo't tiyaga ang sa kanya'y bumalani

- gregbituinjr.

Biyernes, Pebrero 14, 2020

Pambungad sa isang munting librito

PAGHAHANDOG

kaibigan, ang mga tulang narito't sanaysay
sa inyo po'y aking taospusong iniaalay
upang kahit paano'y ating mapagnilay-nilay
anong magagawa upang mundo'y sagiping tunay

ito'y munti kong handog sa sarili nating wika
pagkat nagkakaunawaan sa ating salita
lalo't wika ng dayo'y di tagos sa puso't diwa
maliban marahil sa mga sadyang pinagpala

ang talumpati ni Greta Thumberg ay isinalin
upang mas maunawaan ng kababayan natin
nang sa Kongreso ng Amerika'y kanyang sambitin
na usapin sa nagbabagong klima'y bigyang-pansin

nariyan ang isang tula tungkol kay Gina Lopez
may sanaysay rin sa awitin ng Asin at Bee Gees
kina Tita Odette Alcantara, tula’y binigkis
Rachel Carson, Barry Commoner, environmentalist

may mga tulang katanungan at palaisipan
na dapat masagot, may isyung dapat matugunan
imbes isda'y plastik ang nabingwit sa karagatan
bakit pagsusunog ng basura'y dapat wakasan

bakit naglipana ang maraming plastik sa mundo
na sa kalaunan sa tao'y nagiging perwisyo
anong kaugnayan ng sistemang kapitalismo
upang tuluyang masira ang nag-iisang mundo

patuloy ang pagmimina sa mga kabundukan
patuloy ang pagkawasak ng mga kagubatan
bakit ang mundo'y ginagawa nating basurahan
bakit ba sinisira ang ating mundong tahanan

nawa ang mga sanaysay at tulang naririto
kahit bahagya man ay makapagmulat sa tao
ang tangi kong masasambit sa nagbabasa nito:
maraming salamat sa inyo at mabuhay kayo!

- gregbituinjr.

* pambungad sa 24-pahinang libritong pinamagatang "Mga Sanaysay at Tula sa Kalikasan", na inilathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective, Pebrero 2020

Huwebes, Pebrero 13, 2020

Batid mo ba bakit bawal magsunog ng basura

batid mo ba bakit bawal magsunog ng basura
lalo na't mayorya nito'y plastik na naglipana
pag sinunog ay nakasusulasok sa hininga
pagkat plastik ay mula sa latak ng gasolina

may batas nang ang mga basura'y bawat sunugin
pagkat naglalabas ito ng matinding dioxin
usok nito'y may epekto sa kalusugan natin
na pag iyong nalanghap tiyak magiging sakitin

ang dulot pa nito'y kemikal na nakalalason
benzo(a)pyrene at polyaromatic hydrocarbon
na dahilan din ng kanser at ibang sakit ngayon
kaya huwag nang magsunog nang maiwasan iyon

nasa atin kung aalagaan ang kalusugan
di lang ng sarili kundi ng pati kababayan
di lang ng pamilya kundi ng kapwa mamamayan
kaya pagsusunog ng basura'y ating iwasan

- gregbituinjr.

Ang panghuhuli ng langaw

akala niya marahil, siya si Pat Morita
ang guro sa Karate Kid na isang pelikula
huhuli ng langaw sa pamamagitan ng chopstick
ginagaya niya iyon, ganoon siya kabagsik

minsan pag may langaw huhulihin niya ng kamay
wala siyang magawa't di niya mahuling tunay
naiinis kasi sa langaw na padapu-dapo
kaya kinakamay pag walang makitang pamalo

aba, makakahuli pa kaya siya ng langaw
gamit ang kamay sa langaw na bigla lang lilitaw
di naman siya baliw, siya lang ay nagagalit
sa dami ng ginagawa'y may langaw na makulit

kahit na sino naman sa langaw ay maiinis
masakit silang tumusok baka di mo matiis
ang mabuting gawin, maglinis ng kapaligiran
at tanggalin ang anumang kanyang pamumugaran

- gregbituinjr.

Miyerkules, Pebrero 12, 2020

Sonetong may taludturang 2-3-4-3-2

SONETONG MAY TALUDTURANG 2-3-4-3-2
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Eksperimentasyon ko sa paglikha ng soneto ang may ibang paraan ng saknungan at bilang ng taludtod.

Kay Petrarch o Italian sonnet ay may tigapat na taludtod sa una't ikalawang saknong, at tigatlo sa ikatlo't ikaapat na saknong, o 4-4-3-3, at may padrong A-B-B-A, A-B-B-A, C-D-E, C-D-E.

Kay Shakespeare o English sonnet naman ay may tigapat na taludtod sa unang tatlong saknong at dalawang taludtod naman sa ikaapat na saknong, o 4-4-4-2, at may padrong A-B-A-B, C-D-C-D, E-F-E-F, at G-G.

Ang mga unang gawa kong soneto ay sa ganyang padron ko sinunod. Subalit sa ngayon, napag-isip-isip kong gumawa ng sonetong may taludturang 2-3-4-3-2. Kaya may limang saknong ito. Ang una't ikalimang saknong ay may tigalawang taludtod. Ang ikalawa't ikaapat na saknong ay may tigatlong taludtod. At ang ikatlong saknong ay may apat na taludtod.

Ang mga nalikha kong sonetong naririto'y may padrong A-A, B-B-B, C-C-C, D-D-D, A-A. Mapapansin sa ikatlong soneto, na bagamat kapwa nagtatapos sa titik a ang ikalawa't ikaapat na saknong ay hindi ito magkatugma  dahil ang ikalawa'y may impit at ang ikaapat ay walang impit. Magkatugma ang daga at wala, ngunit hindi magkatugma ang daga at demokrasya.

Kung papansinin naman, ang ikalawang soneto'y isang tulang akrostiko, na ibig sabihin, ang mga unang titik ng bawat taludtod ay bumubuo ng isang salita o higit pa. Kaya kung iyong babasahin pababa ang mga unang titik ng bawat taludtod ng nasabing soneto, mababasa mo ang mga salitang "Ang Organisador".

Narito ang nilikha kong unang tatlong sonetong may bilang ng taludturang 2-3-4-3-2, na sa kalaunan ay madaragdagan pa ang mga sonetong likha sa ganitong pamamaraan:

(1) Soneto sa pagtatanim

nais kong magtanim ng puno upang may mapitas
nang sa gayon ang pamilya'y may makakaing prutas

simulan nating bungkalin ang lupang pagtatamnan
ng iwing pag-ibig sa ating lupang tinubuan
nang magbunga ito ng mabubuting mamamayan

ang lupang tinubuang dinilig ng luha't dugo
kaya dapat ibunga'y namumunong matitino
at itanim ang binhing may ginhawang mabubuo
na ibubunga'y kapayapaa't pagkakasundo

itanim ang punong may prinsipyong makatutulong
na di kayang tibagin ng sinumang tuso't buhong
nang asam na makataong lipunan ay yumabong

itanim ang magbubunga ng masarap na prutas
upang mga kakain ay lumusog at lumakas

(2) Soneto sa organisador

Animo'y agila kang naroon sa himpapawid
Na sa kalawakan ay may kung anong ihahatid

Gayong isa kang langay-langayang nakikibaka
Organisador na hangad baguhin ang sistema
Rebolusyonaryong kumikilos para sa masa

Ginagampanan mo ang itinalagang tungkulin
At tinataguyod ang niyakap na simulain
Nasa isip paano magtagumpay sa layunin
Isinasagawa ang bawat misyong dapat tupdin

Sa anumang samahan, kapwa'y iyong nililingap
At lagi kang kasama ng masa sa dusa't hirap
Di ka basta aatras sa labang inyong kaharap

Organisador kang maalam sa taktika't pihit
Risko man at problema'y kaharap sa bawat saglit

(3) Soneto sa dukha

tinuturing kayong iskwater sa sariling bayan
sapagkat dukhang walang sariling lupa't tahanan

kaya tinataboy kayong animo'y mga daga
ng naghahari-harian at masisibang pusa
wala kasi kayong pribadong pag-aari, wala

dangal ng burgesya'y nasa pribadong pag-aari
yaman ng uring elitista'y pinagmamapuri
tuklasin mo, maralita, bakit may naghahari
pribadong pag-aari ang sanhi bakit may uri

suriin mo't pag-aralan ang takbo ng sistema
ng lipunang animo'y may totoong demokrasya
na paraan ng kapital upang magsamantala

maralita, di ka iskwater sa sariling bayan
lumaban ka't itayo ang makataong lipunan

2.12.2020

Maghimagsik ka, maralita

Maghimagsik ka, maralita
(taludturang 2-3-4-3-2)

maghimagsik ka, O, maralita, maghimagsik ka
di habampanahong naghihirap ka't nagdurusa

bakit kayo nagtungo sa lungsod mula sa liblib
bakit kahit mahirap ay kinakaya ng dibdib
bakit ba sa dukha'y walang nag-aalalang tigib

ang turing sa inyo'y iskwater sa sariling bayan
gayong sa bansang ito'y taal kayong mamamayan
dito kayo isinilang, ito'y inyong tahanan
wala mang sariling lupa'y dito naninirahan

bakit kayo tumira sa lugar na mapanganib
bakit tinitira kayong parang damo't talahib
bakit sistemang bulok sa inyo'y naninibasib

di habampanahong nagdurusa ka't humihibik
napapanahon na upang ikaw ay maghimagsik

- gregbituinjr.

Nais kong magtanim ng puno upang may mapitas

Nais kong magtanim ng puno upang may mapitas
(taludturang 2-3-4-3-2)

nais kong magtanim ng puno upang may mapitas
nang sa gayon ang pamilya'y may makakaing prutas

simulan nating bungkalin ang lupang pagtatamnan
ng iwing pag-ibig sa ating lupang tinubuan
nang magbunga ito ng mabubuting mamamayan

ang lupang tinubuang dinilig ng luha't dugo
kaya dapat ibunga'y namumunong matitino
at itanim ang binhing may ginhawang mabubuo
na ibubunga'y kapayapaa't pagkakasundo

itanim ang punong may prinsipyong makatutulong
na di kayang tibagin ng sinumang tuso't buhong
nang asam na makataong lipunan ay yumabong

itanim ang magbubunga ng masarap na prutas
upang mga kakain ay lumusog at lumakas

- gregbituinjr.

Martes, Pebrero 11, 2020

Soneto sa dukha

Soneto sa dukha
(taludturang 2-3-4-3-2)

tinuturing kayong iskwater sa sariling bayan
sapagkat dukhang walang sariling lupa't tahanan

kaya tinataboy kayong animo'y mga daga
ng naghahari-harian at masisibang pusa
wala kasi kayong pribadong pag-aari, wala

dangal ng burgesya'y nasa pribadong pag-aari
yaman ng uring elitista'y pinagmamapuri
tuklasin mo, maralita, bakit may naghahari
pribadong pag-aari ang sanhi bakit may uri

suriin mo't pag-aralan ang takbo ng sistema
ng lipunang animo'y may totoong demokrasya
na paraan ng kapital upang magsamantala

maralita, di ka iskwater sa sariling bayan
lumaban ka't itayo ang makataong lipunan

- gregbituinjr.

Soneto sa organisador

Soneto sa organisador
(taludturang 2-3-4-3-2)

Animo'y agila kang naroon sa himpapawid
Na sa kalawakan ay may kung anong ihahatid

Gayong isa kang langay-langayang nakikibaka
Organisador na hangad baguhin ang sistema
Rebolusyonaryong kumikilos para sa masa

Ginagampanan mo ang itinalagang tungkulin
At tinataguyod ang niyakap na simulain
Nasa isip paano magtagumpay sa layunin
Isinasagawa ang bawat misyong dapat tupdin

Sa anumang samahan, kapwa'y iyong nililingap
At lagi kang kasama ng masa sa dusa't hirap
Di ka basta aatras sa labang inyong kaharap

Organisador kang maalam sa taktika't pihit
Risko man at problema'y kaharap sa bawat saglit

- gregbituinjr.

Soneto sa minumutya

Soneto sa minumutya 
(taludturang 2-3-4-3-2)

alam mo bang ikaw lang ang pinakamamahal ko
dahil nag-iisa ka lang, giliw, sa mundong ito

ikaw ang mutya kong nasa alon ng panaginip
sa mga modelo ba'y sinong iyong kahulilip
upang larawan mo sa puso ko'y mahalukipkip

lagi mo akong dinadalaw sa aking pangarap
narito ako, naghihintay ng iyong paglingap
nawa'y masilayan kita't puso'y di na maghirap
ah, mababaliw ba ako pag di kita nahanap

bakit ba nakapagkit ka dini sa aking isip
ngunit ganda mong di masilaya'y di ko malirip
sa kahibangang ito ba ako pa'y masasagip

alam mo bang ikaw lang ang pinakaiibig ko
pagkat nag-iisa ka lang, sinta, sa aking mundo

- gregbituinjr.

Lunes, Pebrero 10, 2020

Ako'y Aktibistang Sosyalista, Nakikibaka

Ako'y aktibistang sosyalista, nakikibaka
Kasama ang uring manggagawang nagkakaisa
Tungo sa pagtatayo ng lipunang sosyalista
Ibig kong maisakatuparan ang adhikain
Bansang ito'y maging malaya sa pagkaalipin
Ituro ang landas ng paglayang dapat tahakin
Sosyalista akong lumalaban para sa uri
Tanging uring manggagawa ang dapat manatili
At wastong buwagin ang elitistang paghahari
Nais nating sistema'y yaong nagpapakatao
Gawin ang wasto, sistemang bulok ay binabago
Sosyalismong itatayo'y lipunang makatao
Organisahin natin ang lahat ng maralita
Sabay organisahin din ang uring manggagawa
Yamang ito ang niyakap na prinsipyo't adhika
Atin nang palitan ang kapitalismong gahaman
Labanan din ang pagsasamantala ng iilan
Itakwil ang paangyuyurak sa ating karapatan
Samahan ang uring manggagawang nakikibaka
Tungo sa pagtatayo ng lipunang sosyalista
Atin nang tahakin ang landas ng pagkakaisa
- gregbituinjr.

Linggo, Pebrero 09, 2020

Tila mga halimaw na ang naglipanang plastik

tila mga halimaw na ang naglipanang plastik
na saan mang panig ng mundo'y naglipanang lintik
na kinakain ng mga isdang di makahibik
ibon at ibang hayop man sa plastik natitinik

tinatapon ng mga taong akala mo'y tanga
kung saan-saan, sa sasakyan, sa dagat, kalsada
mabuti't may ibang ibinobote ang basura
upang di malunod sa plastik ang kanyang pamilya

isisiksik ang mga plastik sa boteng plastik din
bakasakaling solusyon itong kayang likhain
ngunit iilan lang ang may ganitong adhikain
upang kahit paano? kahit paano'y may gawin!

wala pa silang sanlibo, plastik ay bilyun-bilyon
kaunti lang sila kumpara sa laksang polusyon
ano nang gagawin sa plastik na naglilimayon
kung plastik sa bote'y di naman talagang solusyon

- gregbituinjr.

Ang aklat na "Green Hopes: The Future of Political Ecology"

ANG AKLAT NA "GREEN HOPES: THE FUTURE OF POLITICAL ECOLOGY"
Maikling sanaysay ni Gregorio Bituin Jr.

Nabili ko ang aklat na "Green Hopes: The Future of Political Ecology" sa Book Ends Bookshop sa Lungsod ng Baguio noong Hunyo 5, 2019, sa mismong paggunita ng World Environment Day. May turo si misis hinggil sa ecobrick na nakaiskedyul doon kaya nabili ko ang 169-pahinang libro sa araw na iyon, sa halagang P150.00.

Paliwanag sa likod na pabalat ng aklat: "This book is a clear and vigorous manifesto for political ecology - a 'green' alternative to traditional political movements and doctrines. It examines the core values and principles which underlie political ecology, as well as the key problems it must address if it is to become a force of hope for the future."

Ang aklat ay salin mula sa wikang Pranses, at isinulat ng Pranses na si Alain Lipietz. Isinalin naman ito sa Ingles ni Malcolm Slater. Inilathala ito ng Polity Press noong 1995.

May tatlo itong bahagi, at labingtatlong kabanata. Narito ang tatlong bahagi:

Part 1: Old Imperatives, New Hopes
Part 2: International and Worldwide Perspectives
Part 3: A New Political Force

Hindi ko pa talaga nababasa ito ng buo, subalit magandang basahin, kahit na 1995 pa ito sinulat, tatlong taon matapos ang unang Earth Conference sa Rio de Janeiro noong 1992. 

Aktibo ako sa ilang mga grupong pangkalikasan, na nagdala sa akin sa iba't ibang lugar, tulad ng Thailand at France. Paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban. At marami pang lugar. Nais ko pang mag-ambag ng marami pa sa usaping kalikasan at hustiyang panlipunan. At nawa'y may maiambag sa akin ang nasabing aklat.

Bakasakaling marami rin akong matutunan at maidagdag sa mga isusulat ko pang sanaysay, kwento at tula. At ito nga, nagsulat ako ng munting tula na sarili kong pagtingin sa pamagat ng aklat.

LUNTIANG PAG-ASA 

ano nga ba itong aklat na "Luntiang Pag-asa"?
ano ba itong pampulitikang ekolohiya?
bagong konsepto ba itong dapat nating mabasa?
na dapat matutunan ng nakararaming masa?

para sa kalikasan, para sa kapaligiran
bakit plastik na ang nabibingwit sa karagatan
imbes isda'y basura sa lambat pagpipilian
habang pulos polusyon na dulot ng mga coal plant

ang pag-asa ba'y luntian kung magtulungan tayo?
itong pampulitikang ekolohiya ba'y ano?
inaatake rin ba nito ang kapitalismo?
na siyang sistemang sumira sa buhay ng tao?

upang masagot ang mga tanong, ito'y basahin
baka may pabula ritong kaysarap kung namnamin
tulad ng kuwagong animo'y palaisip man din
o tulad ng unggoy na minsan kayhirap ungguyin



Sabado, Pebrero 08, 2020

Humihibik yaring pusong gutom sa katarungan

humihibik yaring pusong gutom sa katarungan
habang nakatitig sa langit na mata'y luhaan
tila napipi ang dila sa pusod ng lansangan
lungsod ay tila naging mapanglaw na kasukalan

mga nagmamahal ay naging sakbibi ng lungkot
matitigas na ulo'y tila biglang nagsilambot
imbes sa batas, sa punglo tinatapos ang gusot
nangangating daliri'y bakit ba nakalulusot

di ba malutas ang masalimuot na problema?
kaya pagpaslang na lang ba ang kalutasan nila?
paano ang usapin ng panlipunang hustisya?
at paano ang karapatang pantao ng masa?

dapat maging makatarungan, may wastong proseso
may tamang paglilitis at sa tao'y may respeto
nais nating may hustisyang panlipunan sa mundo
at di punglo ang lulutas sa samutsaring isyu

- gregbituinjr.

Biyernes, Pebrero 07, 2020

Noon, takdang aralin ko'y sa kubeta ginagawa

noon, takdang aralin ko'y / sa kubeta ginagawa
sapagkat tahimik doon, / dama ko'y payapang diwa
ngayon, sa kubeta pa rin / naman ako tutunganga
habang nagsasalsal ako'y / may kung anong kinakatha

maya-maya'y isusulat / sa papel ang nasa isip
habang nakaupo roon / sa trono't nananaginip
ano bang nasa pagitan / niyang alulod at atip
baka naman may siwang na't / may mata pang naninilip

kaysarap namang magbasa / nitong aklat sa kubeta
tila baga dinuduyan / ako nito sa tuwina
pagkat mga aklat itong / nagbibigay ng pag-asa
sa masang api't biktima / din ng pagsasamantala

mahalaga ang kubeta / sa bawat kong pagmumuni
ito'y isang pahingahang / sa akin kumakandili
dito nilalatag bawat / pagbaka sa mang-aapi
tumambay ka sa kubeta't / tiyak di ka magsisisi

- gregbituinjr.

Pang-aapi't pagsasamantala'y kamuhi-muhi

nakabubulahaw din ang bawat sigaw ng budhi
sa kaibuturan ng puso'y dinig yaong tili
nang sa bulok na sistema'y di raw tayo mamuhi

huwag mong hayaang kapitalismo'y manatili
habang manggagawa'y patuloy sa paglalagari
habang lunas sa kahirapan ay patagpi-tagpi

pang-aapi't pagsasamantala'y kamuhi-muhi
dapat lang malipol ang tarantadong naghahari
na nagyayabang dahil sa pribadong pag-aari

langgasin mo ng bayabas ang sistemang kadiri
habang nilalaspag ng kapitalismo ang puri
ng aping obrerong dapat magbuklod bilang uri

manggagawa, magkaisa, huwag maghati-hati
hayaang magkapitbisig kayo't magbati-bati
sa paraang iyan kayo tunay na magwawagi

- gregbituinjr.

Huwebes, Pebrero 06, 2020

Popoy Lagman, Leninista

POPOY LAGMAN, LENINISTA

Popoy Lagman, na kilala ring Ka Popoy sa madla
Organisador na Leninista ng manggagawa
Pilipinong rebolusyonaryo, tanyag, dakila
O, bakit ba ikaw ay pinaslang nang walang awa
Yinanig ang bayan sa iyong biglang pagkawala
Leninistang nagturo sa amin ng rebolusyon
Ang tagumpay ni Lenin noon, inaaral ngayon
Gurong tunay si Ka Popoy nang magawa ang layon
Manggagawa, magkaisa kayo sa inyong misyon
Ang itayo n'yo ang lipunang sosyalista ngayon
Nagkakaisang puso, diwa't prinsipyo'y di lingid
Laban sa kapitalismong sadyang sistemang ganid
Edukador ng obrerong ating mga kapatid
Nang kawalan ng hustisya'y tuluyan nang mapatid
Isang pagpupugay kay Ka Popoy ang aming hatid
Nagtataguyod ng Leninistang diwa't prinsipyo
Isinasapuso'y tunay na diwang makatao
Sosyalistang lider siyang may pamanang totoo
Tahakin ang landas ni Ka Popoy, ang Leninismo
At palakasin ang pagkakaisa ng obrero
- gregbituinjr.
02.06.2020

Miyerkules, Pebrero 05, 2020

Ako'y Katipunero ng makabagong panahon

ako'y Katipunero ng makabagong panahon
na sa mga problema ng baya'y makakaahon
kumikilos, nag-oorganisa ng dukha ngayon
mula sa bukangliwayway hanggang sa dapithapon
upang sila'y mamulat din upang magrebolusyon

isinasabuhay ang Kartilya ng Katipunan
upang maging mabuti sa kapwa tao't sa bayan
upang isapuso ang magandang kaugalian
binabasa't ninanamnan ang mga panuntunan
upang maging gabay sa bawat pakikipaglaban

dinidibdib ang dangal ng isang Katipunero
iisa ang pagkatao ng lahat, ang prinsipyo
sa Liwanag at Dilim na inakda ni Jacinto
may disiplinang bakal at kabutihang totoo
itinatayo ang isang lipunang makatao

mananatiling ako'y Katipunero sa diwa,
sa puso't dangal, kakampi ng dukha't manggagawa
laban sa mang-aapi, tiwali't tusong kuhila
aral ni Bonifacio'y niyakap at ginagawa
ako'y Katipunerong sa pakikibaka'y handa

- gregbituinjr.

Wala na silang nabibingwit na isda, wala na

wala na silang nabibingwit na isda, wala na
at di na isda ang nabibingwit nila, plastik na
bakit ganito, ang mga isda'y naging basura
inaasam na pagkain ay wala na, wala na

wala nang isda silang nabibingwit kundi plastik
tinatanggal nila sa lambat ay plastik at putik
sa mga basura ang lawa na'y namumutiktik
sinong maysala, kanino mangingisda'y hihibik?

tila baga ito sa mangingisda'y isang sumpa
plastik na ba ang kapalit ng gutom nila't luha
tila sa buhay nila'y may matinding nagbabadya
mapalad silang makabingwit kahit konting isda

ano nang dapat gawin sa ganitong kaganapan
aba'y dapat malutas ito ng pamahalaan
kung hindi naman ay magkaisa ang mamamayan
nang isda't di plastik ang mabingwit sa katubigan

- gregbituinjr.

Martes, Pebrero 04, 2020

Naninibasib na naman ang mga mapapalad

naninibasib na naman ang mga mapapalad
na kumikita ng ginto sa samutsaring saplad
inilista lang sa tubig ang kasalanang lantad
sa pagpapakatao'y karaniwan silang hubad

dugtong-dugtong ang libog ng nagbabating hunyango
habang nasa diwa animo'y di niya makuro
sa punong walang dahon, mga ibon ay dumapo
tinutungkab ang sangang tila nagbabagang ginto

sa may di kalayuan may nagbabadyang sakuna
sadyang nakasusulasok na ang usok sa planta
kaya nilalayuan iyon ng agila't maya
iyon na yata ang tanda ng nagbabagong klima

o, turan mo, sinta, kung saan tayo daratal
habang nilalakbay natin ang maraming arabal
naririyan kang animo'y diyosa sa pedestal
sasambahin kitang tila ako'y makatang hangal

- gregbituinjr.

Alagaan ang mundo

Alagaan natin itong mundong tanging tahanan
Lalo't klima'y pabagu-bago na sa daigdigan
Ating labanan ang mapanira ng kalikasan
Gawaing pagprotesta'y tuloy laban sa minahan
At sa mga nakasusulasok na coal powerplant.
Ang kalikasan din ay may karapatang mabuhay
Ngunit patuloy na winawasak, tayo'y magnilay
Agad na pag-usapan ang bawat nating palagay
Na makabubuti sa lahat, uri, sektor, hanay
Gibain ang sistemang sadyang mapamuksang tunay.
Mundong ito'y alagaan, tanganan ang prinsipyo
Usigin ang walang budhi't mapanirang totoo
Nawa para sa kagalinga'y magkaisa tayo
Dapat patuloy nating pangalagaan ang mundo
O hayaan ito sa kapitalistang barbaro?
- gregbituinjr.

Mga tanaga sa dukha

K.P.M.L., pag-asa
ng maralitang masa
sistemang sosyalista
ang adhikain nila

nagtataas-kamao
kaming mga obrero
pangarap na totoo:
gobyernong proletaryo

pagkaisahing diwa
sa lipunang malaya
ang uring manggagawa
at masang maralita

maglulupa man ako't
kumikilos ng husto
ang tulad ko'y sinsero
tungo sa pagbabago

tapat akong umibig
mahal, kita'y magniig
ikukulong sa bisig
ang sintang masigasig

layon para sa bayan
ay di suntok sa buwan
hustisyang panlipunan
dapat kamtin ng bayan

sekretaryo-heneral
man ako'y nagpapagal
nawa ako'y tumagal
sa laban, walang angal

iyo bang matatanggap
na tayo'y naghihirap
kahit nagsusumikap
iba'y nagpapasarap

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Pebrero 1-15, 2020, p. 20

Lunes, Pebrero 03, 2020

Pangitain ng makatang naging obrero

kayod ng kayod sa asam na milyung-milyong piso
upang pagaanin ang buhay ng pamilya rito
nais makawala sa kahirapang todo-todo
kaya ang makata'y napilitang maging obrero

at mababalewala na ang prinsipyong niyakap
nagpalamon na sa sistema't naging mapagpanggap
wala na sa katinuan pag iyong nakausap
ang nangyayari animo'y di pa niya matanggap

nangangarap kasi si misis na yumaman sila
asam na umalwan ang buhay ng buong pamilya
wala namang masama sa pinapangarap nila
mabuti nga iyon upang lahat sila'y sumaya

habang sa trabaho, makata'y nagmistulang robot
wala nang mga tula, buhay na'y kabagot-bagot
tulog na ang isip, laging puyat, nakalilimot
tila sa bawat katanungan ay di makasagot

sana ang trabaho'y may kaugnayan sa pag-akda
magsulat sa magasin o mag-ulat ng balita
pagkat nasa pagsusulat ang kanyang puso't diwa
lalo na't siya'y makatang tunay na naglulupa

- gregbituinjr.

Linggo, Pebrero 02, 2020

Ilang pitik ng diwa nina Balagtas at Lenin

Balagtas: "sa loob at labas ng bayan kong sawi"
noon pa'y "kaliluha'y siyang nangyayaring hari
ani Lenin: "nangyayari'y tunggalian ng uri"
"sa kongkretong kalagayan, dapat tayong magsuri"

noon pa'y problema na ang kahirapan ng buhay
dahil may naghaharing uring nagdulot ng lumbay
di pinauunlad ang magsasakang nagsisikhay
di umunlad ang manggagawang kaysipag na tunay

patuloy na namumuno ang lilong pulitiko
patuloy ang pananagana ng kapitalismo
namamayagpag din ang mga negosyanteng tuso
pigang-piga na ang lakas-paggawa ng obrero

nais ng mga kapitalista'y "industrial peace"
habang karapatan ng manggagawa'y tinitiris
bawal magreklamo kung hindi'y dapat kang umalis
karapatang mag-unyon ay agad na pinapalis

dapat pag-aralan ang lipunang kinasadlakan
aralin paano lipunang bulok ay palitan
huwag tayong mabubuhay ng walang pakialam
habang nagpapasasa sa yamang bayan ang ilan

bakit ba tunggalian ng uri'y patuloy pa rin
habang iilan sa yaman ng mundo'y umaangkin
mayorya'y naghihirap, ngunit sino ang salarin?
kundi ang bulok na sistemang dapat nang baguhin!

- gregbituinjr.

Ang maikling kwento sa Taliba ng Maralita

ANG MAIKLING KWENTO SA TALIBA NG MARALITA Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. May ilan pang isyu ng  Taliba ng Maralita , ang...