Biyernes, Oktubre 04, 2019

Wala na ang amasonang pinangarap ko noon

tinumbok ko ang hamon ng isang malditang manhid
siya'y kasamang nakilala sa malayong bukid
na salita'y kaya niyang ipaglubid-lubid
isang kasama, dilag na tinuring kong kapatid

tulad ko, isa rin siyang aktibistang Spartan
na sinanay upang depensahan ang uri't bayan
ang amasonang pinangarap kong maging katipan
siya'y manhid, hanggang ako'y mag-asawang tuluyan

nasa malayo na siya't kinalimutan ko na
ano't nais niyang sa akin na'y makipagkita
may asawa na ako, siya'y matandang dalaga
tanging nasabi ko sa kanya, wala na bang iba

noon, siya ang amasonang aking pinangarap
na makasama habambuhay sa dusa at hirap
ngayon, may asawa na ako't kinasal nang ganap
at aking tinanggap ang buhay na aandap-andap

wala na ang amasonang pinangarap ko noon
pagkat bagong amasona ang kasama ko ngayon
magkasamang babaguhin ang lipunang nilamon
ng kapitalistang sistemang dapat nang ibaon

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sa ika-32 araw sa ospital

SA IKA-32 ARAW SA OSPITAL di pa kami nakalabas dito sa pagamutan walang pambayad, naghahagilap pa ng salapi ngunit hemoglobin ni misis ay ka...