Martes, Oktubre 29, 2019

Paghahanap ng katuturan (munting talambuhay)

kung para lang sa pera kaya ka nagtatrabaho
sa pagtatrabaho umiikot ang iyong mundo
ano ka na? ano nang katuturan ng buhay mo?
kung laging trabaho, kumain, matulog, trabaho

iyan lang ba ang esensya ng buhay, ang kumain
matulog, magtrabaho, at magtrabaho, kumain
paikot-ikot, matulog, magtrabaho, kumain
hanggang tumanda, magtrabaho, matulog, kumain

dalawampung anyos pa lang ako'y nagtrabaho na
at nagpatakbo ng makina doon sa pabrika
naging manggagawang regular bilang makinista
tatlong taong singkad, nag-resign, lumipat sa iba

napunta sa opisina, kasama'y matatanda
pawang papel ang hawak, sa trabaho'y natulala
kayraming tiwali, pera-pera, budhi'y napatda
madali lang ang pera kung konsensya'y madadaya

doon na lang ba ako hanggang tumanda sa buhay
sa puntong iyon, talagang di ako napalagay
hanggang may mga nakilalang may prinsipyong taglay
at nakita ko ang tamang daan kaya umugnay

umalis ng walang paalam sa tanggapang iyon
naging aktibistang niyakap ang magandang layon
ako'y kaisa na sa pagbabago't rebolusyon
masayang may katuturan na ang buhay ko ngayon

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sali, salit, salita

SALI, SALIT, SALITA sumasali ako sa pagtula dahil iyan ang bisyo ko't gawa salitan man ang mga salita patuloy na kakatha't kakatha m...