Miyerkules, Oktubre 23, 2019

Kinakain na lang sa tuwina'y buntong hininga

kinakain na lang sa tuwina'y buntong hininga
habang isyung salot ay patuloy na binabaka
mukhang bilasang isda na itong aking itsura
kumikilos pa rin kahit gutom ang nadarama
nag-oorganisa pa rin kahit butas ang bulsa

makakaraos din balang araw pag nagtagumpay
kaya magpatuloy lang, tindihan ang pagsisikhay
pag-aralan ang lipunan at magsunog ng kilay
magsuri ng kongkretong kalagayan at magnilay
sa pagkilos, tiyakin din ang kalusugang taglay

alagaan ang katawan kahit na kumikilos
huwag magpabaya kahit tayo'y binubusabos
maghanda't huwag hayaang lagi tayong hikahos
may oras ng paglaban, may oras ng pagtutuos
magtagumpay hanggang bulok na sistema'y magtapos

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pipikit na lang ang mga mata ko

PIPIKIT NA LANG ANG MGA MATA KO pipikit na lang ang mga mata ko upang matulog ng himbing na himbing napapanaginipa'y paraiso na lipunang...