SA RELOKASYON, MAY POSO, WALANG TUBIG, MAY POSTE, WALANG KURYENTE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Napag-uusapan nang madalas ng mga maralita ang kalagayan sa mga relokasyon. Akala nila’y tutuparin ng pamahalaan ang mga pangako nito pag nadala na sila sa relokasyon, subalit kabaligtaran pala ang lahat.
Si Ipe, na dating mandaragat sa Navotas, at ang kanyang pamilya, ay nadala sa isang relokasyon sa Towerville, sa kabundukan ng San Jose del Monte sa lalawigan ng Bulacan. Bukod sa may kalayuan na, mahal pa ang pamasahe, nailayo pa sila sa pinagkukunan ng ikinabubuhay, Aba’y saan naman nila gagamitin ang kanilang mga bangka doon sa kabundukan?
Ani Ipe, nang minsang dinalaw ko sila sa Towerville, “Ang hirap dito sa kalagayan namin, dinala kami rito sa talahiban. Kami pa ang nagtabas ng mga damo, nagpatag ng lupa, hanggang matayuan ng bahay. Talagang literal na itinapon kami ritong parang mga daga. May nakita nga kaming poso rito subalit walang tubig. May mga poste ng kuryente subalit walang kuryente. Ang matindi pa, malayo ang palengke, na lalakarin mo pa ng ilang kilometro upang makabili. Buti nga sa ngayon, nagtayo ng munting tindahan si Mareng Isay kaya nakakabili na kami ng pangangailangan. Bagamat medyo mahal dahil kinukuha pa sa malayo.”
“Kaytindi po pala ng inyong nararanasan.” Sabi ko.
Naroon din si Isko, na agad sumabat sa usapan. “Siyang tunay, Igor, nagbago talaga ang buhay namin. Mula sa pagiging mandaragat ay nagmistula kaming pulubi ritong nanghihingi ng limos. Mabuti ‘t maayos ang pamumuno ni kasamang Ipe sa amin, kaya kami’y nagtutulungan dito. Sayang nga lamang ang aming mga bangkang pinaghirapan naming pag-ipunan upang makapangisda’t mapakain ang aming mga anak.”
“Tara muna sa tindahan ni Isay at nang makapagmeryenda,” yaya ni Mang Ipe. Tumango naman ako at sumunod.
“May kanton diyan, ipagluluto ko kayo,” ani Aling Isay. “Maigi’t napadalaw ka sa amin, Igor. Kaytagal na ring di tayo nagkausap. Kumusta na nga pala ang KPML?”
“Mabuti naman po. Nahalal po pala akong sekretaryo ng KPML nitong Setyembre. Si Ka Pedring pa rin po ang nahalal na pangulo.” Ang agad ko namang tugon.
“Alam mo, mahirap talaga ang mapalayo sa kinagisnan mong lugar.” Ani Aling Isay. “Kung di ako magtitinda-tinda, aba’y gutom ang aming aabutin dito ng mga anak ko.”
Patango-tango lamang ako sa kanilang ikinukwento, dahil dama ko na’y di na mapalagay. Bakit ganoon? Natahimik ako ng ilang sandali. At nang magkalakas ng loob na akong magsalita ay saka ako nagtanong.
“Di po ba nakalagay sa UDHA, sinumang nilagay sa relokasyon ay may pangkabuhayan. Ano na pong nangyari roon?”
Napailing si Inggo, na kanina pa nakikinig, “Sa totoo lang, iyan din ang inaasahan namin. May pangkabuhayan. May trabahong magigisnan. Subalit wala, wala. Gaya nga ng nabanggit kanina ni Ipe, para kaming mga dagang basta itinaboy dito. Kami pa ang nagpaunlad ng komunidad na ito nang walang anumang tulong mula sa gobyerno.”
Iniabot na ni Aling Isay ang niluto niyang pansit kamton. Tigisa kami nina Mang Ipe, Isko at Inggo. Tahimik lang kaming kumain, habang nagpatuloy sa pagkukwento naman si Aling Isay.
“Malayo pa ang iskwelahan dito. Sana’y nag-aaral pa ang mga anak ko. Sana, may maitayo nang paaralan sa malapit upang makapag-aral muli sila. Pati ospital, para naman sa mga maysakit. Malayo din kasi ang health center na malapit. Nasa kabilang barangay pa.”
Hindi pa ako tapos kumain ay nakahanda na ang aking munting kwaderno at isinulat ko ang mga sinabi nila. Maya-maya’y narinig ko na lang sa radyo ni Aling Isay sa tindahan ang awitin ni Gary Granada, na pinamagatang Bahay.
“Parang pinagtiyap ng pagkakataon, kumakanta ng Bahay si Gary Granada,” sabi ko, “na para bang patunay ng mga sinabi po ninyo.”
“Ay, oo,” sagot ni Mang Ipe, “pag ninamnam mo ang kahulugan ng kantang iyan, parang kami noong nagsisimula pa lang dito.”
Maya-maya, nang matapos nang kumain ay nagpaalam na ako. “Tuloy po muna ako, pupuntahan ko pa po sina Ate Fely at si Neneng sa kanilang bahay. Mangungumusta rin po.”
“Sige, Igor, mabuti at nabigyan mo kami ng isyu ng pahayagang Taliba ng Maralita, at may mababasa kami tungkol sa mga ginagawa ng KPML. Pakikumusta mo na lang kami kina Ka Pedring.” Ani Aling Isay. “Ingat ka, at baka ka gabihin sa daan. Mahaba pa ang lalakarin mo.”
Tumango ako, “Salamat po, ingat din po kayo.”
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 2018, pahina 18-19.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento