Miyerkules, Pebrero 17, 2010

Pambungad sa aklat na BIGKIS, Ikalawang Aklat

PAMBUNGAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ANG BIGKIS 2 AT IBA PANG BALAKIN

Ito ang ikalawang aklat ng BIGKIS. Subalit hindi muna tula ang inyong mababasa rito kundi pawang mga sanaysay. Gaya ng nabanggit ko sa unang aklat, ang talipanpan o pseudonym na ginamit ko rito’y Dimas Ugat, na sa kasaysayan ay pagpapatuloy ng napasimulan nina Gat Jose Rizal (Dimas Alang o Dimasalang, bukod sa Laong Laan), Gat Emilio Jacinto (bukod sa Pingkian ay Dimas Ilaw, mula sa Di Masilaw), Dr. Pio Valenzuela (Dimas Ayaran o Di Masayaran), at makatang Ildefonso Santos (Dimas Indak o Di Masindak). Hanga ako sa napiling talipanpan ni Santos. Ang husay mag-isip. Ako naman si Dimas Ugat o Di Masugat.

Ang mga sanaysay na naririto’y pinili ko sa tambak na mga nasulat ko na, subalit inaamag na lang sa sulok ng bahay, o kung sakaling anayin na lang sa taguan, ay tuluyan nang mabubura at mawawala na sa kasaysayan. Kaya naisipan kong muling ilathala ang mga iyon sa librong ito upang mailigtas sila sa pagkalimot.

May mga balak pa akong proyekto lalo na ang pagtataguyod ng ating kalinangan o kultura. Nais kong magsulat at isaaklat ang martial arts na Pinoy, tulad ng arnis o kali, Kuntaw ng Mindanao, Silat Tausug, Bultong ng Cordillera, Sikaran (martial arts mula sa Baras, Rizal), at YawYan (Sayaw ng Kamatayan na itinatag ni Guro Nap Fernandez). Idagdag na rin natin ang Layug ng Cebu, Gabbo ng Ilokos, Lampungan ng Bicol, at Kapulubod ng Maranaw. 

Balak ko ring kumatha ng sandaang tanaga na tatabihan ko ng  bersyong isinulat ko sa Baybayin. Tapos isa pang aklat ng dalit na may katumbas din sa Baybayin. Ang ikatlong aklat naman ay ang pagsasalin sa Baybayin ng lahat ng tula ni Gat Andres Bonifacio, pati salin ko ng tula niya sa Kastila na Mi Abanico. Pangarap ko ring isalin sa Baybayin ang Florante at Laura, Ibong Adarna, at Sa Dakong Silangan, pati tula nina Jose Corazon de Jesus o Huseng Batute, Florentino Collantes (na ang anak ay naging adviser namin sa campus press), Alejandro Abadilla, Eman Lacaba, at Rio Alma. Paumanhin. Pangarap pa lang naman, at hindi ko batid kung sa buhay na ito’y matatapos ko ang mga iyon, bagamat nasimulan na.

Kung may susuporta lamang sa pinansyal ay balak ko ring maglabas ng pahayagang ang lahat ay nakasulat sa Baybayin: balita, pitak o kolum, pangulong tudling o editoryal, mga saliksik, sanaysay, kwento, dagli, at tula. At ang ipapangalan ko sa dyaryo ay Baybayin. At sakaling hindi naman kaya ang arawan tulad ng pangkaraniwang dyaryo, at hindi kaya ang lingguhan, kahit sana buwanan ay may pahayagang Baybayin na mailathala. Simulan muna sa walo o labing-anim na pahina (divisible by eight dapat). Payak na pangarap ng maglulupa tulad ko, na sana’y matupad.

Kaya hindi lang pulos pagtataas ng kamao sa rali, pagsusulat ng polyeto, at pagtangan ng plakard ang ginagawa ko, o nitong makatang wala sa akademya. Hindi ako nakapagtapos sa kolehiyo sa kursong BS Math, dahil agad akong nagpultaym sa kilusang masa. Ngunit nais ko ring magsulat hinggil sa talambuhay ng mga sipnayanon (mathematician), tulad nina Archimedes at Euclid, at isaaklat ito. Pati mga konsepto ng geometry at calculus, integral at differential sa paraang patula. Sunod ang talambuhay at ginawa ng mga aghamanon (scientist) tulad nina Einstein at Nikola Tesla.

Marami rin akong nakathang tula kamakailan, dahil na rin sa kaytinding pagragasa ng bagyong Ondoy na talagang nakaapekto sa ating mga kababayan. Isa na ang tulang aking alay kay Muelmar Magallanes na namatay sa pagsagip sa dalawampung katao sa Brgy. Bagong Silangan sa QC. Doon ko nabatid ang itsura ng punong Dita na kinasabitan ng mga nakaligtas. Naglaho sa baha ang isang sityo sa Lupang Arenda sa Taytay, pati sa Santolan, Pasig, na pinupuntahan ko upang mag-organisa. Kayrami ko ring aklat at babasahing binaha at hindi na nasaklolohan o nailigtas. 

Sa susunod na isyu ng BIGKIS, magkahalong tula, sanaysay at maikling kwento ang inyong matutunghayan. Baka nga kung makasulat ako ng mga pabula at dagli ay isama ko na rin. Subalit hindi pa rin mawawala ang talagang layunin ng BIGKIS bilang aklat ng aktibong aktibista at inaalay sa masa.. Ang isyu ng mga maliliit, nagdarahop, inaapi, at pinagsasamantalahan sa lipunan ang lagi’t laging  mayorya ng paksa.

Maraming salamat sa inyong suporta, lalo sa pagtangkilik ng aking mga katha. Mabuhay kayo!

- sinulat sa Sampaloc, Maynila, Pebrero 17, 2010

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Himagsik sa "Pero"

Hindi natin ginagamit ang sariling salita natin.  ‎Nanganganib mawala ang ngunit, subalit, at datapwat. ‎ HIMAGSIK SA "PERO" ‎ ‎Na...