Lunes, Mayo 12, 2025

Tumanog

TUMANOG

nagisnan muli'y bagong salita
sa palaisipang inihandog
nabatid nang sinagutang sadya
iyang duwende pala'y tumanog

duwende'y tila wikang Kastila
at tumanog ay wikang Tagalog
sadyang mayaman ang ating wika
pag kinain ay nakabubusog

sa krosword maraming natatampok
na katagang animo'y kaylalim
na dapat namang ating maarok
at tila rosas na sinisimsim

sariling wika'y ating gamitin
sa mga kwento, tula't sanaysay
katha ng katha ng katha pa rin
hanggang mga akda'y mapaghusay

- gregoriovbituinjr.
05.12.2025

* palaisipan mula pahayagang Pilipino Star Ngayon, Mayo 12, 2025, p. 11

Mga binoto ko sa Dist. 4, Manila

Mga binoto ko sa Dist. 4, Manila
(Sana may pumasok, este, sana may lumabas sa mga binoto ko, sana may manalo)

Mayor - Sam Versoza (para maiba naman)
Vice Mayor - Yul Servo Nieto (siya lang kilala ko sa tumatakbong Vice Mayor)
Congressman - Trisha Bonoan David (independent, ilang beses ko nang ibinoto at nanalo)

6 Councilors:
Science Reyes (ilang taon ko nang sinusuportahan, incumbent councilor)
DJ Bagatsing
Lady Quintos (2 Quintos ang tumatakbo)
Doktora Nieto
Omeng Bagay
Bong Marzan (ang apelyido niya ang pumalit sa Pepin St., na ngayon ay Marzan St.,)

12 Senador:
Jerome Adonis - lider manggagawa
Ka Leody de Guzman - lider manggagawa
Atty. Luke Espiritu - lider manggagawa
Atty. Ernesto Arellano - lider manggagawa
Atty. Sonny Matula - lider manggagawa
France Castro - lider kaguruan
Arlene Brosas - lider kababaihan
Roberto Ballon - lider magsasaka
Danilo Ramos - lider magsasaka
David D'Angelo - kaibigang environmentalist
Roy Cabonegro - siya ang nagdala sa akin sa environmental movement circa 1995
Mimi Doringo - lider maralita na minsang nakapulong at nakasama sa rali sa DHSUD at NHA

Partylist:
#33 Pamilyang Magsasaka
- sila ang mga nakasama ko sa sa mahigit sampung araw na Alay Lakad Laban sa Kaliwa Dam mula Gen. Nakar, Quezon hanggang Maynila

Bumoboto ako sa Moises Salvador Elementary School, simula pa noong binata ako hanggang ngayon. Sino si Moises Salvador? Isa siya sa 13 martyrs ng Bagumbayan na binitay ng mga Kastila.

Linggo, Mayo 11, 2025

Gulunggulungan pala'y Adam's apple

GULUNGGULUNGAN PALA'Y ADAM'S APPLE

batid natin kung ano ang alak-alakan
o likod ng tuhod, nababaluktot naman
batid din natin pati ang kasukasuan
o sugpungan ng mga butong nag-ugnayan

sa Dalawa Pababa ng palaisipan
ang katanungan doon ay gulunggulungan
bago sa pandinig ko, ano kaya iyan?
at ang lumabas na sagot ay lalamunan

sinaliksik ko anong tamang kahulugan
at Adam's apple pala ito kung ituran
salamat sa lumikha ng palaisipan
may sarili pala tayong salita riyan

salamat sa bagong dagdag na kaalaman
na atin ding magagamit sa panitikan
sa pagkatha ng sanaysay, kwento't tula man
lalo sa nobelang aking nais simulan

- gregoriovbituinjr.
05.11.2025

* palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Mayo 11, 2025, p. 14

Sabado, Mayo 10, 2025

Tahimik na pangangampanya sa ospital

TAHIMIK NA PANGANGAMPANYA SA OSPITAL

naisuot ko lang itong t-shirt kagabi
na bigay sa akin sa Miting de Avance
nina Ka Luke Espiritu at Ka Leody
de Guzman na Senador ng nakararami

ngayon na ang huling araw ng kampanyahan
at tahimik akong nangangampanya naman
bagamat bantay kay misis sa pagamutan 
habang siya'y nasa banig ng karamdaman

dapat magwagi ang dalawang kandidato 
upang may kasangga ang dalita't obrero 
bagong pulitika na ito, O Bayan ko
lilong dinastiya't trapo'y dapat matalo

sa pasilyo ng ospital naglakad-lakad 
sa kantina o parmasya ay nakaladlad
itong t-shirt, sa billing man ay magbabayad
sa physical therapy mang pawang banayad

dahil huling araw na, dapat may magawa
makumbinsi ang kapamilya, ang kadukha
kapuso, kumpare, sa layuning dakila
ipanalo ang kandidato ng paggawa

- gregoriovbituinjr.
05.10.2025

Tatlumpung segundong katahimikan, ani Ka Leody

TATLUMPUNG SEGUNDONG KATAHIMIKAN, ANI KA LEODY

tatlumpung segundo ang hiningi ni Ka Leody
kaunting katahimikan sa Miting de Avance
upang alalahanin ang pagpaslang sa Supremo
dahil kinabukasan ang anibersaryo nito

salamat, Ka Leody, sa iyong sinabing iyan
paggunita sa kinakalimutang kasaysayan
na sa tatlumpung segundo'y nakiisa ang madla
pati na nagsidalong manggagawa't maralita

kaarawan ng Supremo tuwing Nobyembre Trenta
ay sasabayan natin ng pagkilos sa kalsada
ngunit araw ng pagpaslang, bihirang gunitain
kagabi lang, buti't nasabi ni Ka Leody rin

maraming salamat sa paalala niyang iyon
sobra na ang kataksilan, lalo't mag-eeleksyon
burgesyang nagpapatay sa Supremo'y nararapat
mawala pati dinastiya'y mangatalo lahat

- gregoriovbituinjr.
05.10.2025

* naganap ang Miting de Avance nina #21 Ka Leody de Guzman at #25 Luke Espiritu para Senador sa Liwasang Bonifacio, Maynila, Mayo 9, 2025, kasabay ng ika-150 kaarawan ni Gregoria "Oriang" de Jesus, asawa ng Supremo at Lakambini ng Katipunan

* Mayo 10, 1897 nang pinaslang ng tropang Aguinaldo ang magkapatid na Procopio at Gat Andres Bonifacio sa Bundok Buntis, Maragondon, Cavite

Sariling magulang, kinatay ng anak

SARILING MAGULANG, KINATAY NG ANAK

dalawang magkaibang balita
na sadya namang nakabibigla:
nanay, anak pa yaong sumaksak
mag-asawa, pinatay ng anak

anak na walang utang na loob
sa isip anong nakakubakob
mental health problem ba'y masisisi
kung bakit ang ganito'y nangyari

mga suspek kaya'y nakadroga
kaya magulang ay biniktima
sa Saranggani't Albay naganap
ang mga pangyayaring kaysaklap

anang ulat, isa'y may depresyon
nang iniwan ng asawa iyon
ang isa'y posibleng naingayan
nang magising, ina'y tinarakan

para bang batas ay inutil
paanong ganito'y mapipigil
baka di sapat ang Mental Health Act
lalo't nangyari'y nakasisindak

- gregoriovbituinjr.
05.10.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Mayo 8, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Sa ika-128 anibersaryo ng pagpaslang sa Supremo

SA IKA-128 ANIBERSARYO NG PAGPASLANG SA SUPREMO

pag-alala sa kamatayan ng Supremo
at ating bayaning Gat Andres Bonifacio
kasama ng kapatid niyang si Procopio
pinaslang sila ng pangkating Aguinaldo

kaya inaral ko ang ating kasaysayan
na sa wari ko'y pilit kinakaligtaan
bakit kapwa Katipunero ang dahilan
ng pagpaslang sa Supremo ng Katipunan

Mayo a-Nwebe, kaarawan ng maybahay
na si Oriang, Mayo a-Dyes, siya'y pinatay
ng mga taksil sa ating bayan, niluray
pati kanyang pagkatao, nakalulumbay

marahil si Oriang siya na'y hinahanap
sa kaarawan nitong dapat ay kalingap
kinabukasan pala'y napatay nang ganap
hanggang huli'y di man lang sila nagkausap

taaskamaong pagpupugay kay Gat Andres
sa adhikain nila't pakikipagtagis
upang lumaya ang bayan, di na magtiis
sa lilong burgesya't dayong mapagmalabis

- gregoriovbituinjr.
05.10.2025

Biyernes, Mayo 09, 2025

Kay-agang nawala ni Maliya Masongsong, 4

KAY-AGANG NAWALA NI MALIYA MASONGSONG, 4

kay-aga mong nawala, doon pa sa NAIA
dahil sa isang di inaasahang disgrasya
amang paalis ay hinatid lang ng pamilya
ngunit nabangga kayo ng isang sasakyan pa

"Anak ko iyan! Anak ko 'yung nasa ilalim!"
sigaw ng ama, si Maliya'y napailalim
sa itim na Ford Everest, sadyang anong lagim
na sa puso'y nakasusugat ng anong lalim

sadyang nakaiiyak ang ganitong nangyari
di mo mawaring magaganap ang aksidente
si Maliya ay tiyak may pangarap paglaki
ngunit wala nang lahat iyon, aking namuni

ang tsuper ay hawak na ng kapulisan ngayon
subalit sa pagninilay, kayrami kong tanong:
paano ba maiiwasan ang nangyaring iyon?
anong sistemang marapat? anong tamang aksyon?

nang di na mangyari ang maagang pagkawala
ng buhay, tulad ni Maliya, nakaluluha
kung anak ko siya, ang dibdib ko'y magigiba
sa ganyan, kalooban ninuman ay di handa

- gregoriovbituinjr.
05.09.2025

* ulat mula sa pahayagang Tempo, Mayo 6, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Garapalan sa halalan

GARAPALAN SA HALALAN

dalawang komiks istrip mula sa
pahayagang kilala ng masa
na naglalarawan sa halalan
at sa kandidato't dinastiya
sa kampanyahang garapalan na

pawang magaling mag-analisa
yaong sumulat at dibuhista
hinggil sa parating na eleksyon
di raw boboto sa magnanakaw
kundi sa nagbigay ng ayuda

pawang mga patama talaga
sa pulitiko't sa pulitika
kaya dapat nang may pagbabago
upang magkaroon ng hustisya
ang masa't mabago ang sistema

- gregoriovbituinjr.
05.09.2025

* komiks na may petsang Mayo 8, 2025 mula sa pahayagang Remate, p.3, at Bulgar, p,5 

Saplad at lantod

SAPLAD AT LANTOD

sa diksyunaryong Ingles-Tagalog nakita
na ang salin nitong dam ay prinsa o saplad
nakasalubong muli sa palaisipan
kaya agad nasagutan ang hinahanap

lantod naman ay narinig ko sa probinsya
ni ama, na singkahulugan pala'y landi
kaya sa palaisipan ay madali na
nasagot na nang walang pag-aatubili

mga payak na salita ito kahapon
na nahalukay muli sa matandang balon
ng kaalaman, magagamit muli ngayon
sa mga tula, kwento, sanaysay at layon

pawang salitang di mo sukat akalain
na bigla na lang lilitaw sa harap natin
patunay na walang luma kung gagamitin
tulad ng makatang ang tula'y tulay man din

- gregoriovbituinjr.
05.09.2025

* krosword mula sa pahayagang Bulgar, Mayo 8, 2025, p.9

Huwebes, Mayo 08, 2025

Kampanyador nagbabantay man sa ospital

KAMPANYADOR NAGBABANTAY MAN SA OSPITAL

bagamat nasa ospital at tensyonado
si misis ay nasa banig ng karamdaman
ay ginagawa pa rin ang mga layon ko
upang ipagwaging tunay ang kinatawan

ng mga manggagawa't dukha sa Senado
ipanalo sina Ka Leody de Guzman
at Luke Espiritu, mga lider-obrero
na pawang kasangga ng taong karaniwan

kaya kapag may pagkakataong lumabas
ang ilang polyeto'y ipinamamahagi
at ipinakikilala ang bagong landas
manggagawa naman sa Senado'y magwagi

mga simpleng kataga: sila'y ipanalo!
upang sa Senado'y may tinig ang paggawâ
Ka Leody de Guzman at Luke Espiritu
tiyak na may magagawa sa ating bansa!

- gregoriovbituinjr.
05.08.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa isang lugar na nadaanan

Sabado, Mayo 03, 2025

Isang buwan na ngayon sa ospital

ISANG BUWAN NA NGAYON SA OSPITAL

Abril a-Tres noong isinugod si misis
sa ospital sapagkat di na maigalaw
ang kanang kamay, braso, hita, binti, paa
na-istrok na pala, sabi ng mga doktor

aba'y ang petsa na ngayon ay Mayo a-Tres
isang buwan na pala kami sa ospital
hanggang ngayon, may kaba, pagdurusa'y ramdam
lito, naghahanap, nagugulumihanan

isang buwan din pala akong nakatira
sa ospital dahil nagbabantay sa kanya
ang asam ko'y tuluyan nang gumaling siya
habang naghahanap ng pambayad, ng pera

isang buwang singkad sa ospital na ito
matagal na gamutan pa raw na totoo
gagaling ka, lagi kong sabi sa misis ko
gagaling ka, nawa'y magdilang anghel ako

- gregoriovbituinjr.
05.03.2025

Ilang araw nang di makatula

ILANG ARAW NANG DI MAKATULA

ilang araw na rin pala akong di nakatula
planong bawat araw isang tula'y di na nagawa
ano kayang sanhi bakit di agad makakatha?
tensyonado't nasa ospital pa? natutulala?
gayong sa paligid ay kayrami ng isyu't paksa

nagtatampo ba sa akin ang musa ng panitik?
di na ba niya madama ang sa puso ko'y hibik?
dahil sa nangyari kay misis ay di makaimik?
dahil pag-usad ng pluma'y wala nang pagkasabik?
nangangayayat na't katawan ba'y tila titirik?

o dahil araw-araw ay pagod sa paglalakad
upang Guarantee Letter ay matanggap niring palad
upang maghanap ng perang sa ospital pambayad
laging pagod, mabilisang kilos, bawal makupad
ang nangyayari'y sa tula na lang nailalahad

- gregoriovbituinjr.
05.03.2025

Huwebes, Mayo 01, 2025

Kung bakit nga ba sa St. Luke's ginagamot si misis

KUNG BAKIT NGA BA SA ST. LUKE'S GINAGAMOT SI MISIS

Mahal sa St. Luke's, sabi ng mga kakilala, kasama, at ilang kaibigan ko sa akin. Bakit hindi na lang kayo nag-public hospital?

Natanong nila iyon dahil totoo. Mahal nga naman sa St. Luke's at kami'y hindi naman mayaman. Ako nga'y pultaym na aktibista, at halal na sekretaryo heneral ng dalawang organisasyon - ang pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) at ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI). Dalawang samahan na pawang maralita ang kasapian. Sekretaryo rin ng grupong Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan (KAMALAYSAYAN). Kahit ang pagiging editor ko sa pahayagang Taliba ng Maralita ay di naman sapat ang kinikita. Kahit ang pagiging pangulo ko ng Saniblakas ng Inang Kalikasan (SALIKA) ay boluntaryong gawain at walang sahod. Tapos sa St. Luke's ko dinala si misis. Bakit nga ba?

Nais kong sagutin ang mga ganitong katanungan. Nagkakilala kami ni misis dahil sa environmental movement. Noong kagaya kong boluntaryo sa mga organisasyon si misis, pag sumasakit ang kanyang tiyan ay sa public hospital talaga siya nagpapadala. Ang natutukoy na sakit niya ay acid reflux, GERD, at gall stone. 

Nobyembre 2021 ay nagkatrabaho si misis bilang registered social worker sa isang ahensya ng gobyerno, at nagkaroon ng plantilla position. Bukod pa iyon sa kanyang pagiging facilitator sa mga NSTP students sa kolehiyo. Sinabi niya sa akin na dahil may sapat na sweldo na siya, upang malaman niya at matukoy talaga kung ano ang sakit niya, sa St. Luke's na kami magpatingin. Kahit magkautang-utang, basta malaman niya talaga kung ano ang kanyang sakit. At sabi pa ni misis na kung mamamatay man daw siya, at least ay alam niya kung bakit.

Madaling araw ng Oktubre 23, 2024 ay sumakit ang kanyang tiyan, at nagpadala na siya sa St. Luke's QC, at doon ay nag-MRI at nag-CT Scan na siya, at nakitang may blood clot siya sa bituka. Ibig sabihin, malapot ang kanyang dugo sa bituka na dahilan ng bara at pananakit ng kanyang tiyan. Sabi pa ng mga doktor, stable naman daw ang kanyang gall stone at hindi iyon ang problema. Nakita ring mayroon siyang mayoma.

Inoperahan siya noong Oktubre 26, 2024, at mula noon ay binibigyan ng blood thinner. Nagtagal pa kami sa ospital dahil nagkaroon siya ng hospital-acquired pneumonia na 14 na araw ang gamutan. Tumagal pa ng ilang araw upang mapapirmahan sa 14 na doktor ang isang promissory note. Hanggang sa makalabas kami matapos ang 49 na araw sa ospital, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao 2024.

Enero 7, 2025 ay muli siyang naospital at nagpadala siya sa Quezon City General Hospital, sa payo ng doktor na kinonsulta niya, dahil di bumababa ang kanyang blood pressure na umabot ng 180. Enero 15, 2025 ay nabayaran na ang professional fees ng 14 na doktor matapos makapangutang sa isang kooperatiba.

Unang linggo ng Pebrero, di ko tiyak ang saktong petsa (maliban kung titingnan ko ang petsa sa reseta), ay muli siyang nadala sa QC General Hospital, nang tinanggihan siya ng una naming pinuntahang public hospital, sa Kidney sa East Avenue, dahil wala raw available na kwarto. Sumakit kasing muli ang kanyang tiyan at panay ang suka. Balak niyang sa Kidney magpaospital dahil public hospital ito, at kahit paano'y hindi katulad ng presyo ng St. Luke's ang gamutan.

Pebrero 26, 2025, galing sa kanilang opisina, ay isinugod siya sa St. Luke's dahil muling sumakit ang kanyang tiyan. Sinabihan siya ng doktor na magpa-admit, subalit ayaw niya. Dumating ako roon bandang ikaanim ng gabi. Nakapagbayad na sila, kasama ang kanyang katrabaho, at muling bumalik sa kanilang opisina upang mag-out. Kinabukasan ay pumasok pa rin siya sa kanilang opis gayong dapat ay magpahinga siya ng 24 oras batay sa bilin ng doktor.

Abril 3, 2025 ng madaling araw, di na niya maigalaw ang kanang bahagi ng kanyang braso, kamay, hita, binti, hanggang paa. Kaya tinawagan ang kanyang doktor sa St. Luke's at sinabihan kaming isugod na siya sa ospital. Sa Emergency Room ay agad dumalo ang Stroke Team batay sa nakasulat sa likod ng kanilang damit. Nagkaroon ng blood clot sa pagitan ng artery at vein sa kanyang utak.

Abril 8, 2025 ay inoperahan na siya sa ulo dahil sa pamamaga ng utak, at kung hindi tatanggalin ang buto sa kaliwang bahagi ng ulo, ay baka mapipi ang mga ugat sa utak at tuluyan siyang ma-comatose. Kaya inoperahan siya agad sa ulo, at sumunod ay sa tiyan dahil sa abscess, o mga nana sa loob ng tiyan. Nang matapos ang operasyon, ipinakita ng doktor na ang nakuhang nana sa tiyan ay halos kalahati ng karaniwang mineral bottle.

Mahal man ang presyo ng pagpapaospital subalit buhay si misis. Ngayon ay nakakapagsalita na siya at nagpapagaling. Narito pa rin kami sa ospital at tinutulungan siya ng mga physical therapist, occupational therapist, at nagsasagawa ng swallowing training sa kanya. Sa ngayon kasi ay naka-NGT siya kung saan may tubo sa ilong kung saan dumadaloy ang kanyang pagkain. Hindi pa siya makalunok.

Sa ngayon ay nagpapatulong ako sa mga kasama't kakilala upang maibsan ang gastusin sa ospital na ang hospital bill ay umabot na sa P1.9M as of Abril 28, 2025 na Statement of Account (SOA), at di pa kasama rito ang professional fees ng mga doktor.

Noong 49 days namin sa ospital ng 2024, labing-apat na doktor niya ay umabot ng P900,000. Kaya halos P3M ang binayaran namin. Marami pa kaming utang na dapat bayaran sa una niyang pagkakaratay sa banig ng karamdaman. Sunod ay nitong Abril, at mag-iisang buwan na kami sa ospital sa Mayo 3.

- gregoriovbituinjr.
05.01.2025

Martes, Abril 29, 2025

Dalubkatawan pala'y anatomiya

DALUBKATAWAN PALA'Y ANATOMIYA

bagong kaalaman, bagong salita
para sa akin kahit ito'y luma
na krosword ang pinanggalingang sadya
tanong sa Una Pahalang pa lang nga

Dalubkatawan, ano nga ba iyan?
Anatomiya pala'y kasagutan
sa sariling wika'y katumbas niyan
at gamit din sa medisina't agham

na sa pagtula'y magagamit natin
pati na sa gawaing pagsasalin
laksang salita ma'y sasaliksikin
upang sariling wika'y paunlarin

salitang ganito'y ipalaganap
di lang sa agham, kundi pangungusap
sa anumang paksang naaapuhap
sa panitikan ma'y gamiting ganap

- gregoriovbituinjr.
04.29.2025

* palaisipan mula sa pahayagang Pang-Masa, Abril 28, 2025

Lunes, Abril 28, 2025

Diskriminasyon (?) sa unang araw sa ospital

DISKRIMINASYON (?) SA UNANG ARAW SA OSPITAL

Abril 3, 2025 ng umaga nang isinugod namin si misis sa ospital. Hindi na niya maigalaw ang kanyang kanang braso, kamay, hita, binti hanggang paa.

Dinala siya sa Emergency Room. Nagkaroon na pala siya ng stroke, ayon sa mga doktor na tumingin sa kanya. Kaya pala, nasa likod ng kanilang jacket ay nakasulat ang Stroke Team.

Nandito rin kami sa ospital na ito ng 49 na araw noong Oktubre hanggang Disyembre 2024 dahil sa nakitang blood clot sa kanyang bituka. Makakalabas lang kami, ayon sa head ng billing section, pag nabayaran na namin ng buo ang hospital bill, at sa professional fees ng mga doktor ay kung papayag sila. Tumagal kami ng ilang araw pa sa ospital dahil upang mapapirmahan sa 14 doktor niya ang promissory note na magbabayad kami ng professional fee sa Enero 15, 2025, na nagawa naman. P2.1M sa hospital bill, at P900,000 sa professional fee ng mga doktor. Na P3M kung susumahin.

Bandang ikalima o ikaanim ng gabi ng Abril 3, dumating ang taga-inhouse billing ng ospital. Naroon si Mr. M. na head ng billing at si Ms. MA na staff doon. Sinabi nilang walang bakanteng kwarto, tulad ng sinabi ng taga-ER. Subalit kasunod noon ay sinabi niyang dahil walang kwarto, maaari kaming umalis at kumuha ng kwarto sa ibang ospital. Lohikal naman ang sinabi niya, kung hindi kami naospital doon noon.

Sa isip ko lang naman, sa isip ko lang: Noon kasing 49 days namin noong 2024, na-redtag na kami ng dalawang beses sa ospital, at nakalabas lang kami thru promissory note noong Disyembre 10, 2024.

Kaya marahil, naiisip ng mga ito, ito na naman ang dalawang ito na walang kadala-dala. Maraming utang at hindi makabayad sa tamang oras.

Marahil iyan ang nasa isip nila kaya nasabi nilang lumipat kami ng ospital dahil walang kwartong available. Hindi ba diskriminasyon iyan, o wasto lang ang sinabi nila upang hindi kami mahirapan sa pagbabayad?

Hindi lang ako ang kausap, bagamat sa akin nakatingin. Naroon din ang ka-officemate ni misis, at si misis mismo habang nakahiga. Pagkaalis ng mga taga-billing, napag-usapan namin ni misis iyon. Tanong niya, lilipat ba tayo? Na di ko agad nasagot.

Kung gagamitin ang emergency na sasakyan ng ospital tungo sa isang ospital, ayon sa taga-ER, P18,000.

Lumabas muna ako at naiwan ang ka-officemate ni misis na si R upang magbantay dahil isa lang ang pwedeng bantay sa ER.

Maya-maya, tinawag ako ni R na may kakausap sa akin. Si Dr. O na dating doktor ni misis, bakit hindi pa raw kami mag-decide na magpa-admit, maghintay lang ng kwarto. Dahil doktor iyon ni misis, sumang-ayon agad ako, at pumirma ng admission.

Maya-maya, dumating na rin ang kuyang panganay ni misis. Bandang ikasampu ng gabi ng Abril 3, nadala na si misis sa NeuroCritical Care Unit ng ospital. Di kami pwedeng magbantay at dadalaw na lang sa visiting hours.

04.28.2025

Pag di na ako nakatula

PAG DI NA AKO NAKATULA

sabi ko sa kanila, pag ako'y di na tumulâ
mag-alala na't baka may nangyari sa makatâ
baka ako'y naospital, patay na, o nawalâ
lalo't adhika ko, bawat araw may tulang kathâ

ngunit sino ba naman ang nagbabasa sa akin?
may pakialam ba sila sa tula ko't gawain?
madali lang naman nila akong balewalain
makatang laging tulala, na di dapat pansinin

nais ko lang sa manggagawa't bayan ay mag-ambag
ng kakayahan kong inaalay nang buong tatag
lalo na't bawat tula'y tulay sa pagpapahayag
upang bako-bakong daan ay tuluyang mapatag

maraming salamat sa lahat, maraming salamat
habang itinutula ko anumang madalumat

- gregoriovbituinjr.
04.28.2025

Linggo, Abril 27, 2025

Asukal na ama

ASUKAL NA AMA 

ang tanong sa Dalawa Pababa
ay Sugar Daddy, ano nga kaya?
Asukal na Ama ba'y sagot ko?
sapagkat tinagalog lang ito

lahat muna'y aking sinagutan
mga tanong Pababa't Pahalang
at sa kalaliman ay nahugot
ang di agad natingkalang sagot

at di pala Asukal na Ama
kaytamis mang ngiti ng dalaga
Palabigasan ang Sugar Daddy
huthutan ng pera ng babae

parehong labing-isa ang titik
nasagot gaano man katarik
sa diwa ang metaporang iyon
sa palaisipang mapanghamon

- gregoriovbituinjr.
04.27.2025

* palaisipan mula sa pahayagang Abante, Abril 25, 2025, p.7

Tumanog

TUMANOG nagisnan muli'y bagong salita sa palaisipang inihandog nabatid nang sinagutang sadya iyang duwende pala'y tumanog duwende...