Sabado, Agosto 02, 2025

Higit P17 Trilyong utang ng bansa, higit P1M utang ng bawat Pinoy

HIGIT P17 TRILYONG UTANG NG BANSA
HIGIT P1M UTANG NG BAWAT PINOY

labimpitong trilyong piso na pala
ang utang ng Pilipinas kong mahal
ito ang napabalita talaga
kaya ba mga bilihin na'y mahal?

isandaan labing-anim na milyong
Pinoy na itong ating populasyon
i-divide natin ang utang, kaluoy
higit sangmilyong piso bawat Pinoy

ano nang gagawin, kamanggagawa
ibebenta'y kaluluwa ng bansa
paano na ba ang kinabukasan
nitong bayan, ng lupang tinubuan

sana'y may makasagot nitong tanong
lalo't may Freedom from Debt Coalition
sa utang paano tayo lalaya?
may magandang bukas pa ba ang bansa?

kwenta:
P117,267,000,000,000 / 116,869,595 Pinoy
P1,003,400.413939999 bawat Pinoy

- gregoriovbituinjr.
08.02.2025

* ulat mula sa pahayagang Sagad, Agosto 1, 2025, p.2

Lola, inakalang mangkukulam, pinaslang

LOLA, INAKALANG MANGKUKULAM, PINASLANG

panahon pa ba ng pamahiin
kultura'y may mangkukulam pa rin
tulad ng napaulat na krimen
lola'y pinatay at sinunog din

pinagpapalo yaong matanda
ng tangkay ng niyog hanggang siya'y 
mawalan ng malay, tinabunan
ng tuyong dahon at sinilaban

karumal-dumal ang inihasik
o may mental health problem ang suspek
o sugapa pa sa gamot, adik
kaya kung kumilos ay may saltik

sa imbestigasyon ng pulisya
iniwanan siya ng asawa
kaya depresyon ang danas niya
subalit idinamay si lola

hustisya sa matandang pinaslang
na pinagbintangang mangkukulam
sana hustisya'y kanyang makamtan
at ang suspek ay maparusahan

- gregoriovbituinjr.
08.02.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar at Pilipino Star Ngayon, Hulyo 31, 2025

Biyernes, Agosto 01, 2025

Minsan, umaawat ang napapatay

MINSAN, UMAAWAT ANG NAPAPATAY

umawat lang sa away, nasaksak pa
nandamay pa ang kainuman niya
kayhirap kung sa inuman, may away
ang umawat, siya pa ang napatay

sa ganyang away, huwag nang manood
tumawag na lang ng barangay tanod
batid nila paano ba aawat
at magdepensa upang di masilat

kaya sa inuman, maging alerto
baka mag-iba ang timpla ng ulo
ng kainuman at mapagbalingan
ka't maging dahilan ng kamatayan

ingat lagi sa ganyang pagbabarik
baka iba ang sa iyo'y ibalik
makiramdam, tagay mo man ay konti
buti nang magpaalam at umuwi

- gregoriovbituinjr.
08.01.2025

* ulat mula sa pahayagang Sagad, Agosto 1, 2025, p.2

Higit P17 Trilyong utang ng bansa, higit P1M utang ng bawat Pinoy

HIGIT P17 TRILYONG UTANG NG BANSA HIGIT P1M UTANG NG BAWAT PINOY labimpitong trilyong piso na pala ang utang ng Pilipinas kong mahal ito ang...