Huwebes, Agosto 31, 2023

Larawan ng nakaraan

LARAWAN NG NAKARAAN

"We may have had black and white photos, but you can find here colorful memories."

itim at puti man ang larawan
ay kayraming gunitang nariyan
wala mang kulay kung iyong masdan
ay makulay pa rin kung titigan

ang kanilang mata'y nangungusap
sa pagitan nila'y nag-uusap
tila dinig bawat pangungusap
kahit sila lang ang nagkausap

iyan ang iyong mararamdaman
sapagkat tigib sa karanasan
bawat litrato'y may kasaysayan
na nagkukwento ng nakaraan

namatay na'y muling nabubuhay
ang tumanda'y bumabatang tunay
pawang mga alaalang taglay
na di basta na lang mamamatay

puti at itim man ang litrato
ay may kwentong nagbibigkis dito
na di malilimutang totoo
pagkat makulay kung suriin mo

- gregoriovbituinjr.
08.31.2023

Payo't palaisipan

PAYO'T PALAISIPAN

araw-araw na may pahayagan
binabasa ang isyu't kwentuhan
pati payo't pag-ibig sa tanan
krosword at sudoku'y sasagutan

napakapayak na pamumuhay
bagamat nakikibakang tunay
ang kaisipan ay sinasanay
nang kamtin ang asam na tagumpay

nagbabakasakaling matuto
o madagdagan ang pagkatuto
inunawa, di man saulado
ang samutsaring balita't isyu

minsan ay gagawan ko ng tula
batay sa opinyon ko't akala
ganyan ako bilang maglulupa
didighay na lang pag walang-wala

- gregoriovbituinjr.
08.31.2023

Ang mga kuting

ANG MGA KUTING

nakakatuwa ang mga kuting
tila sa kanila nahumaling
binuhat ko pagkat kagigising
nasa hita ko na't naglalambing

ganyan sila inaalagaan
sapul pa noong sila'y isilang
anong saya kung sila'y pagmasdan
pakakainin maya-maya lang

maigi nang may ganyang alaga
sa bahay ay talagang nawala
ang nagtatakbuhang mga daga
natatakot na baka malapa

bubuwit nga ang nahuli nila
kuko nila'y nandakma talaga
ang kinaing daga nang nakita
tanging ulo na lang ang natira

patakbo-takbo, hilig maglaro
naglulundagan nang may pagsuyo
nagkakalmutan, lambing ng puso
sumusuot sa mumunting dako

- gregoriovbituinjr.
08.31.2023

Martes, Agosto 29, 2023

Kwento - Rali ng maralitang taga-Malipay


RALI NG MARALITANG TAGA-MALIPAY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga sumama sa rali ng mga taga-Malipay sa isang araw nilang pag-iikot at pagpoprograma sa harap ng Senado, Kongreso at sa paanan ng Mendiola. Bunsod iyon ng nangyayari sa kanila na pagtanggal ng kuryente at ang buo nilang komunidad ay binakuran na ng pamilya ng isa sa makapangyarihan at mayamang angkan sa bansa.

“Dumudulog kami ngayon sa Senado upang mapaimbestigahan ang nagaganap sa aming lugar kung saan binakuran na ang aming pamayanan at tinanggalan pa kami ng kuryente kung saan wala na kaming ilaw sa gabi. Walang bentilador ang aming mga anak na kapag natutulog na’y nilalamok. Hindi na rin kami makapag-charge ng aming selpon dahilan upang hindi kami makontak ng aming mga kamag-anak.” Ito ang sabi ng isang lider-maralita habang tangan ang megaphone.

Binulungan din ako ni Ka Tek, ang bise-presidente ng aming samahan, “Pakinggan mo ang kanilang inilalahad. Talagang mula sa puso. Mula sa galit nila sa mga namamanginoon at nang-aagaw ng kanilang lupang tinitirahan.” Napatango na lang ako dahil totoo. Kita mong tahimik lang sila roon ngunit nanggagalaiti na sa galit bagamat nagpipigil.

Sigaw naman ng isang lider-maralita. “Karapatan sa paninirahan, ipaglaban!” At sinabayan din namin ang kanyang sigaw. “Karapatan sa paninirahan, ipaglaban! Karapatan sa paninirahan, ipaglaban”

Nagpa-receive din sila ng liham na humihiling na imbestigahan ng Senado ang nangyayari sa kanila. Subalit may agam-agam sapagkat isang Senador ang kalaban nila sa nasabing lupa at umano’y asawa ng isang talamak na land grabber. Sa isip-isip ko, hindi kaya harangin lang ang sulat? Gayunman, nagpatuloy sila sa pagkilos. Matapos iyon ay nagsilulan na kami sa mga sasakyan upang magtungo ng Mendiola.

Habang daan, napapag-usapan namin paano magpo-programa sa Mendiola, gayong alam naming di na pinapapasok sa makasaysayang tulay ng Mendiola ang sinumang nais magpahayag. 

Bukas ang Mendiola kung saan paroo’t parito ang mga sasakyan habang naglalakad naman papasok ang mga estudyante. Umakyat kami sa footbridge at pagdating sa paanan ng Mendiola ay agad nagladlad ng plakard, nagkapitbisig at nagprograma. Nais talaga ng mga maralita na matugunan ang kanilang problema, dahil buhay, gutom at kawalan ng tirahan ang kanilang kinakaharap. Para sa kanila, makasaysayan ang pagkilos na iyon. At naging bahagi kami ng nasabing kasaysayan.

Agad kaming hinarang ng mga pulis. Itinaboy sa labas ng paanan ng Mendiola. Mukhang napaganda pa ang pwesto, dahil sa mas maraming taong nagdaraan at nakasakay ang makakabasa ng aming mga plakard. At baka maunawaan nila ang aming mga ipinaglalaban.

Binigyan kami ng mga pulis ng labinglimang minuto para sa apat na tagapagsalita. Naglahad doon ng kanilang damdamin ang mga taga-Malipay. Habang ang mga kasama ay matatag na nagkakapitbisig.

Katanghaliang tapat na iyon. Matapos ang pagkilos sa Mendiola ay nagsikain muna kami. May baon ang ilan, habang kami’y kumain sa karinderyang malapit doon. Alauna na ng hapon nang lumarga kami.

Nang papunta na kami ng Kongreso ay nadaanan namin ang Commission on Human Rights o CHR. Bakit kaya hindi namin binigyan ng liham iyon? Sa isip-isip ko, baka dahil hindi na kaya sa buong maghapon ang lakarin. Matapos ang Kongreso ay pupunta pa sa Energy Regulatory Commission para hilinging ibalik ang kanilang kuryente.

Dumating kami sa panulukan ng Commonwealth Ave. at Batasan Ave. sa ganap na ikalawa ng hapon. Doon ay hinintay pa namin ang ibang kasamang umano’y nahuli ang sinasakyan. Pasado ikatlo ng hapon ay lumarga na kami. Mga limang sasakyan na lamang kami.

Sa South Gate ng Kongreso ay nagprograma agad kami habang sa North Gate naman nagtungo ang ilang kasama upang magpa-receive ng sulat. Sana nga ay maimbestigahan na, in aid of legislation, masulat ng midya, o kaya’y talagang maresolba na ang kanilang problema.

Hindi madali ang kanilang laban. Wala namang madaling laban. Ngunit ang ipinakita nilang pakikibaka sa ligal na paraan, pagtungo sa Senado, Malakanyang at Kongreso, ay nagbibigay inspirasyon sa iba pa na matutong ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa paninirahan at mapahalagahan ang karapatan ng bawat tao.

Hindi na kami pumunta ng ERC dahil mag-aalas-singko na. Hindi na kami aabot. Gayunman, sana’y maipanalo nila ang kanilang laban.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2023, pahina 18-19.

Linggo, Agosto 27, 2023

Hindi pala bakal ang aking katawan

HINDI PALA BAKAL ANG AKING KATAWAN

kayrami ko nang sakit na nararamdaman
ang akala ko'y bakal ang aking katawan
na tila handa laging bumangga sa pader
habang kasama ang magigiting na lider

na madalas, sa rali'y nasa harap ako
tinatablan pala ng sakit ang tulad ko
tibak na Spartan kasi ang paniwala
subalit ngayon, malimit nang matulala

tila ba napagtanto ko lang ito ngayon
habang ginagampanang mabuti ang misyon
dapat mayroong mentenans na iinumin
huwag na raw kumain ng maraming kanin

upang hindi palaging mataas ang sugar
upang hindi maasar nang wala sa lugar
sumubo lagi ng bitamina't mineral
nang lumakas at hindi laging hinihingal

dapat walong baso ng tubig ang inumin
dapat walong oras na tulog ang gagawin
magpainit sa araw at mag-ehersisyo
mag-jumping jack, mag-push up o mag-otso-otso

uminom din ng pito-pito pag umaga
iyan ang payo sa akin noon ni ama
ah, dama ko, dapat na akong magpalakas
mabuting malusog, di man bakal sa tigas

- gregoriovbituinjr.
08.27.2023

Sabado, Agosto 26, 2023

Ilog

ILOG

kailan tayo mauuntog?
upang alagaan ang ilog
at mga lugar pang kanugnog
pag araw na nati'y lumubog?

kailan pa magkukumahog?
upang alagaan ang ilog
pag tuhod na'y aalog-alog?
at mga kalamnan na'y lamog?

kahit ilog man ay di bantog
pangarap man ay di matayog
ito man lang ay maihandog
sa kinabukasan at irog

- gregoriovbituinjr.
08.26.2023

* alay na tula bilang tugon sa Right of Nature (RoN) page sa fb, sa inilabas nilang "Ang Ilog ay Buhay" na matatagpuan sa kawing na:

Biyernes, Agosto 25, 2023

Mag-aral din ng martial art

MAG-ARAL DIN NG MARTIAL ART

dapat na may alam din tayo sa martial art
sakaling sa atin ay may biglang bumanat
holdaper man o sinumang nais mangkawat
sa panahong tayo'y talagang inaalat

matuto ng wingchun, yaw-yan, nang di masilat
prinsipyo ng jeetkundo't judo'y madalumat
maging listo sa depensa't huwag malingat
baka mahal mo ang ipagtanggol mong sukat

anong dapat kung may kutsilyo ang kalaban?
eskrima't arnis ba'y basta gagamitin lang?
sa magulong mundo'y anong kahihinatnan?
kung magtanggol sa kapwa't sarili'y di alam

- gregoriovbituinjr.
08.25.2023

Sa wala't winalan ng tinig

SA WALA'T WINALAN NG TINIG

ako'y nakipagkapitbisig
sa wala't winalan ng tinig
namumutawi sa'king bibig
sa kanila ako'y titindig

gawin anong kayang magawa
upang bigyang tinig ang dukha
na tinuring na hampaslupa
sapagkat sila'y walang-wala

buong puso ko nang niyakap
ang prinsipyo't aming pangarap
isang sistemang mapaglingap
laban sa tuso't mapagpanggap

itatayo'y lipunang patas
na ang palakad ay parehas
bunga'y di man basta mapitas
ay mayroong magandang bukas

lalaban akong buong husay
upang matupad yaring pakay
ah, ito man ang ikamatay
tanggap na ang palad kong tunay

- gregoriovbituinjr.
08.25.2023

Maling impormasyon sa aklat na "Filipino Food"


MALING IMPORMASYON SA AKLAT NA "FILIPINO FOOD"
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabili ko ang aklat na What Kids Should Know About Filipino Food, Second Edition, sa Fully Booked Gateway, Cubao, QC nito lang Abril 17, 2023. Sinulat ito ni Felice Prudente Sta. Maria, at may mga dibuho ni Mika Bacani. Batay sa pamagat, ang aklat na ito'y para sa mga tsikiting, sa mga bata, nag-aaral man o hindi. Inilathala ito ng Adarna House noong 2016.

Ano nga bang makukuhang aral dito ng ating mga tsikiting kundi tungkol sa pagkaing Pinoy? Mabatid ang iba't ibang pinagmulan at anu-ano ang mga pagkaing Pinoy mula sa iba't ibang dako ng bansa.

Subalit may nakita akong mali sa isang entri. Opo, maling impormasyon. Marahil may iba pang mali subalit hindi natin alam pa. Nakasulat sa pahina 45, sa ilalim ng talaan ng Calabarzon na mula sa Quezon province ang bagoong Balayan. Alam ko agad na mali dahil taga-Balayan, Batangas ang aking ama, at paborito kong sawsawan ang bagoong Balayan.

Sa talata ng Batangas, ito ang nakasulat: Batangas adds adobong dilaw, bulalo, maliputo, sinigang na tulingan, and tawilis.

Sa talata ng Quezon ay ito naman: Quezon brings bagoong Balayan, barako coffee, lambanog, pansit habhab, patupad rice cake, paksiw na bituka ng kalabaw, hand-size oval tamales, and sinaing na tulingan.

Sa Batangas ay kilala rin ang barako coffee at sinaing na tulingan. Subalit hindi sa Quezon mula ang bagoong Balayan, kundi sa Balayan, Batangas.

Marahil, ininebenta rin ang produktong bagoong Balayan sa ilang bayan sa Quezon at patok ito roon. Kaya ipinagpalagay ng awtor na ang bagoong Balayan ay mula sa lalawigan ng Quezon, subalit kung nagsaliksik lamang siya, at marahil ang nag-edit ng kanyang aklat, makikitang mali ang entri na iyon sa aklat. Na ang bagoong Balayan pala ay produktong galing sa Balayan, Batangas.

Marahil sa Ikatlong Edisyon ng nasabing aklat ay maiwasto na ang maling entri.

Ginawan ko ng tula ang usaping ito:

KAMALIAN SA LIBRONG "FILIPINO FOOD"

sa aklat na Filipino Food ay may kamalian
mula raw sa Quezon province ang bagoong Balayan
mali po ito't dapat itama, batid ko iyan
pagkat ama ko'y Balayan, Batangas ang minulan

aklat itong nagbibigay ng maling impormasyon
sa mga batang baka nagbabasa nito ngayon
ano bang dapat gawin upang maitama iyon
sikat na Adarna House pa ang naglathala niyon

marahil nang minsang nagpa-Quezon ang manunulat
ay doon nga natikman ang bagoong na maalat
habang kumakain at nagsasaliksik ngang sukat
sa kwadernong dala'y agad niya iyong sinulat

subalit dapat nilaliman ang pananaliksik
lalo't sa impormasyon ang libro'y siksik at hitik
di napansin ng editor? o di na lang umimik?
aba, ito po'y iwasto nang walang tumpik-tumpik

08.25.2023

Huwebes, Agosto 24, 2023

Kalabasa't noodles

KALABASA'T NOODLES

pampatalas daw kasi ng mata
iyang kalabasa, sabi nila
naisip ipaghalong talaga
yaong noodles at ang kalabasa

sa kalabasa'y gumayat ako
ng mumunti lamang, kapiraso
nilagay ko muna sa kaldero
at pinakuluan ngang totoo

saka nilagay ang isang plastik
ng noodles, tila ba ako'y sabik
tinikman ko't kaysarap ng lintik!
parang sa sarap mata'y titirik

masyado namang paglalarawan
ay, tugon kasi sa kagutuman
talaga akong pinagpawisan
at nalamnan ang kalam ng tiyan

- gregoriovbituinjr.
08.24.2023

Ang aking tibuyô

ANG AKING TIBUYÔ

bata pa'y naging ugali ko nang magtipid
at sa tibuyô maglagak ng barya'y batid
na nakagisnan na naming magkakapatid
pagkat tinuro ni Ama ng walang patid

bao ng niyog ang tibuyô namin noon
iba'y biyas ng kawayan ang ginanoon
hanggang magbinata'y tuloy ang pag-iipon
nang magkaasawa'y gawain pa rin iyon

nang magpandemya, mga walang lamang basyô
ng alkohol ay aking ginawang tibuyô
kaysa itapon ang plastik na di mahulô
ay ginamit muli't barya'y doon binuslô

sa dulo ng taon, tiyak ito'y bubuksan
dahil napunô na ng baryang daan-daan
ibabangko kaya ang mga baryang iyan?
o ibibili ng regalo o aklat man?

salamat, Ama, sa tibuyô mong pangaral
kami'y may ipon, maghirap man ng matagal
may madudukot para aming pang-almusal
buti't sa isip namin, ito'y ikinintal

- gregoriovbituinjr.
08.24.2023

* tibuyô - taal na salitang Tagalog (Batangas) katumbas ng salitang Kastilang alkansiya

Kung babangon lang tayo

KUNG BABANGON LANG TAYO

kung babangon lamang tayo
kung kapitbisig lang tayo
kung nagkakaisa tayo
babagsak ang mga tuso

ah, huwag natin hayaang
tayo'y pagsamantalahan
ng burgesya't mayayaman
at naghaharing iilan

dahil di nagkakaisa
ay naaping isa-isa
kung di pa rin magkaisa
lalagi pa ring mag-isa

ah, kung tayo'y babangon lang
ay lalagpak ang gahaman
bundatin silang tuluyan
hanggang pumutok ang tiyan

tara, tayo'y magsibangon
at magsikilos sa layon
bunutin na natin ngayon
ang pangil ng mga leyon

- gregoriovbituinjr.
08.24.2023

* litrato mula sa google

Martes, Agosto 22, 2023

Ang Panuntukan o Pinoy Boxing

ANG PANUNTUKAN O PINOY BOXING
Saliksik, sanaysay, at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang katutubong anyo ng boksing umano ng Pinoy ay tinatawag na "panuntukan". Tiyak na mula ito sa salitang "suntok" na nilagyan ng unlaping "pan" at hulaping "an". Mula sa "pansuntukan' ay uminog ito sa "panuntukan". Hmmm, magandang salita, na maaari nating masabing wastong salin ng boxing sa wikang Filipino.

Malaki umano ang impluwensya ng panuntukan sa Western boxing. Ayon sa isang guro ng eskrima at dating amateur na kampyong boksingero na si Luckly Lucaylucay: "The English style of boxing would almost always lose to the Filipino style," at idinagdag pa niya, "It was just vastly sophisticated." Ang apelyido niyang Lucaylucay ay Pinoy, na sa pananaliksik natin sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 719, ay ganito ang nakasulat: lukay-lukayan [Sinaunang Tagalog]: tanikalang ginto.

Sa kanyang tinuran, aba'y ganoon pala katindi ang panuntukan ng Pinoy. Narito ang isang talatang sinulat ni Perry Gil S. Mallari kung saan binabanggit ang panuntukan, na nalathala sa magasing Rapid Journal, Vol. 6, No. 2, (Book 20, Taon 2001), pahina 45:

Filipino Martial Arts Influence

The Filipino martial arts and Western boxing crossed their paths in the island of Hawaii during the 1920s. Hawaii then, was a volatile territory and a great melting pot of cultures and martial arts. Filipinos in Hawaii during that time practiced their own indigenous form of boxing called panuntukan, whose movements are derived from knife fighting. In an interview conducted by Lilia Inosanto Howe, escrima master and former boxing amateur champion, Luckly Lucaylucay recounted how the Filipino method performed against the established form of Western boxing of that period: "The English style of boxing would almost always lose to the Filipino style," says Lucaylucay, "It was just vastly sophisticated." Thus, after experiencing the efficacy of the Filipino strategy, visiting serviceman and boxers adapted the panuntukan concept. Some believe that the Filipino ingredient aided the transition of boxing's body mechanics from a rigid straight-forward structure to a more fluid and alive form.

Narito naman ang malayang salin ko ng nabanggit na talata:

Impluwensya ng Filipino Martial Arts

Nagkurus ang landas ng Filipino martial arts at Western boxing sa isla ng Hawaii noong 1920s. Ang Hawaii noon, ay hindi pa matatag na teritoryo at lugar na malawak ang paghahalu-halo ng mga kultura at sining-paglaban o martial arts. Ang mga Pilipino sa Hawaii noong panahong iyon ay nagpapraktis ng kanilang sariling katutubong anyo ng boksing na tinatawag na panuntukan, na ang mga galaw ay hango sa pakikipaglaban gamit ang kampit o kutsilyo. Sa isang panayam na isinagawa ni Lilia Inosanto Howe sa escrima master at dating boxing amateur champion na si Luckly Lucaylucay, ikinwento nito kung paano isinasagawa ang pamamaraang Pilipino laban sa matatag na anyo ng Kanluraning boksing noong panahong iyon: "Ang istilong Ingles ng boksing ay halos palaging natatalo sa istilong Pilipino. ," sabi ni Lucaylucay, "Ito ay napaka-sopistikado." Kaya naman, matapos maranasan ang bisa ng istratehiyang Pinoy, niyakap na ng mga dumadalaw na kawal at boksingero ang konsepto ng panuntukan. Naniniwala ang ilan na ang sangkap na Pilipino ay tumulong sa paglipat ng mekanika ng katawan ng boksing mula sa isang matibay na tuwid na istraktura patungo sa isang mas magalaw at buhay na anyo.

Sinubukan kong ilapat sa tula ang naturang saliksik:

PANUNTUKAN

isa palang anyo ng taal na sining-paglaban
ang noon pa ma'y tinatawag nilang panuntukan
ginamit noon sa Hawaii ng mga kababayan
marahil ay salin ng boxing sa kasalukuyan

di nga raw manalo ang kanluraning boksing dito
sa estratehiya't galawan ng ating kamao
na mula sa sining-tanggol na gamit ang kutsilyo
mapapahanga ka sa dagdag-kasaysayang ito

mula salitang ugat ng panuntukan na suntok
kung paanong wikang ugat ng panuluka'y sulok
habang historya'y binasa, kayraming naaarok
panuntukan kaya'y ilan ang noon inilugmok?

salamat sa kasaysayang dapat ipamahagi
taal na salitang buhay pa't dapat manatili
sining na patunay na di tayo basta pagapi
sa sinumang sa atin ay basta mang-aaglahi

08.22.2023

Lunes, Agosto 21, 2023

Pangarap

PANGARAP

iniisip ko pa ring makalikha
ng nobela sa uring manggagawa
o kaya'y isang libro'y iaakda
hinggil sa buhay at danas ng dukha

paano ko kaya ito gagawin
kung laging punumpuno ng panimdim
pulos dusa't lumbay, at nasa bangin
ng kawalan, hinihipan ng hangin

magsanay muna sa maikling kwento
hanggang magamay ang pag-akda nito
pahabain at palamnan pa ito
hanggang nobela'y maakdang totoo

ah, ganoon lang ba iyon kadali?
ngunit paano naman mapapawi
yaong kabulukang nananatili
at nagpayaman sa mga tiwali

kaya ko pa bang maging nobelista
sa panahong tigib ng pagdurusa
o kaya'y magmakata lang talaga
hanggang mamugto yaring mga mata

- gregoriovbituinjr.
08.21.2023

RAMBOLetra

RAMBOLetra

limang letra lang na nirambol ko
ang salitang nabuo na'y tatlo
mula sa app na laro kong bago
na ikinasisiyang totoo

A, B, E, K, at R, limang titik
ay may mabubuo ang matinik
tatlong salita'y BAKERBRAKE at BREAK
sinagot di man lango't nag-BAREK

habang narito sa pahingahan
at walang ibang pagpahingahan
ng nasa loob ng kalooban
ay sumagot ng palaisipan

sa iwing diwa'y nakapagmulat
mula lima'y sinubok ang apat
na titik, aba'y napamulagat
BEAKBAKEBEARRAKE ang nabuong sukat

kakaiba ang bago kong laro
na letra'y pinagbali-baliko
mula rito'y aking napagtanto
ang kaibhan ng banli at banto

- gregoriovbituinjr.
08.21.2023

Word Connect ang pangalan ng app ng larong ito sa selpon

Biyernes, Agosto 18, 2023

Salin ng demystify

SALIN NG DEMYSTIFY
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Wala akong makitang eksaktong salin ng demystify sa wikang Filipino. Wala nito sa UP Diksiyunaryong Filipino, o maging sa English-Tagalog Dictionary ni Leo James English.

Hinanap ko rin sa internet ang eksaktong salin ng demystify, wala rin. Kaya hinanap ko ang etymology o pinagmulan ng salitang demystify. Ayon sa wiktionary.org, ang pinagmulan o etymology ng demystify ay "From French démystifier, or de- +‎ mystify" na ang kahulugan ay "To remove the mystery from something; to explain or clarify."

Gayundin naman, napadako ako sa antonym ng demystify. Nakita ko ang mystify.

Ayon sa English-Tagalog Dictionary ni Leo James English, p. 645, ang mystify ay verb: to bewilder purposely; puzzle; perplex: Magpataka, papagtakhin. The magician's tricks mystified the audience: Nakapagtataka sa mga tao ang mga dayâ (panlilinlang) ng salamangkero.

to bewilder purposely, ibig sabihin, may layunin na pagtakahin o magtaka tayo

Sa English-Pilipino Dictionary nina Consuelo Torres Panganiban at Jose Villa Panganiban, pahina 155, ang kahulugan ng mystify ay verb: mistipikahin (papagtakhin).

Kung mystify ay may layuning magtaka tayo, ang demystify ay may layuning huwag tayong magtaka. Ibig sabihin, may layuning magpaliwanag. May paliwanag.

Wala namang mystify sa UP Diksiyonaryong Filipino, sa pahina 805, na dapat nasa gitna ng mga salitang mysticism at mystique.

Kaya sa artikulong "Demystifying Contractualization: Why Manpower Agencies are Useless?" ni Atty. Luke Espiritu, na inilathala niya sa socmed noong Mayo 24, 2018, ito ay isasalin ko nang "Pagpapaliwanag sa Kontraktwalisasyon: Bakit Walang Saysay ang mga Ahensyang Kumukuha ng Trabahador?"

Isa pa iyan, ang manpower agencies ay isinalin ko sa "mga ahensyang kumukuha ng trabahador".

Lahat ng ito ay malayang salin, na ang pangunahing layunin ay mas maunawaan ng karaniwang masa ang buong artikulo.

Isa sa pinagkaaabalahan kong proyektuhin ang malayang salin ng buong artikulong "Demystifying Contractualization: Why Manpower Agencies are Useless?" ni Atty. Luke Espiritu, upang mas maunawaan pa ng masa ang isyung ito ng kontraktwalisasyon. At mailathala ang salin nito sa limang papel na talikuran at i-staple ko sa gitna, upang ipamahagi sa higit na nakararaming manggagawa.

Bahagi rin ito ng pagsisikap nating maitaguyod ang wikang Filipino, lalo na ngayong Agosto, ang Buwan ng Wika, upang mas higit pa tayong magkaunawaan.

08.18.2023

Lunes, Agosto 14, 2023

Kwento - Anak, pag-aralan mo rin ang lipunan


ANAK, PAG-ARALAN MO RIN ANG LIPUNAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kinagabihang umuwi ang anak mula sa paaralan, naikwento nito sa kanyang ama na tinanggal na pala sa kolehiyo ang pagtuturo ng wikang Filipino at Kasaysayan.

“Itay, bakit nangyari iyon? Wala na bang saysay ang mga paksang iyan sa atin? Ang mga iyan pa naman ang paborito kong subject.”

Humihigop noon ng kape habang nagbabasa ng pahayagan ang kanyang ama nang kanyang kausapin. Napatingin sa kanya ang ama, napakunot ang noo, at marahang ibinaba sa hapag-kainan ang tasa ng ininom na barakong kape. Saka sa kanya bumaling ng tingin.

“Ang inyong edukasyon kasi, anak, sa ngayon ay nakabalangkas na sa kapitalistang globalisasyon, kung saan dapat ang mga gradweyt ay manilbihan sa mga mayayamang bansa. Kaya sa inyong K-12 noon, pulos mga pagsasanay na bokasyunal at teknikal ang tinututukan. Dahil iyon ang kailangan sa ibang bansa. Kaya hindi nakapagtatakang tanggalin ang mga subject na Filipino at Kasaysayan dahil wala naman daw iyang paggagamitan pag nagtrabaho na kayo sa ibang bansa. May tinatawag nga kami noon na brain drain, dahil ang mga magagaling nating gradweyt ay kinukuha at binabayaran ng malaking sahod ng mga banyaga upang magtrabaho sa kanilang bansa, kaya tayo nawawalan ng magagaling na magsisilbi sana sa ating bayan.”

“Paano na ang mga tulad ko, Itay? Nais kong maging guro upang makapagturo pagkagradweyt ko. At nais kong ituro ang wikang Filipino, Kultura, Panitikang Bayan, at lalo na ang Kasaysayan. Kung tinanggal na iyan, di ko na maituturo iyan sa kolehiyo. Magiging batayang paksa na lang sila sa elementarya. Malamang ay mga estudyante sa elementarya ang turuan ko. Para bagang hanggang doon na lang ang mga subject na iyon. Wala na bang halaga sa pamahalaan na matutunan ng mga mag-aaral ang wika at kasaysayan? Lalo na ngayong buwan ng Agosto, na Buwan ng Wikang Pambansa, at Buwan din ng Kasaysayan.”

“Alam mo, anak, may mga pag-aaral ding hindi mo makukuha sa apat na sulok ng paaralan, dahil ayaw itong ituro ng mga kapitalistang edukador. Tulad halimbawa ng kung ano ang totoong ugat ng kahirapan, na hindi naman kamangmangan, kapalaran, populasyon o katamaran. Iyon naman ang tinuturo namin sa aming mga kasama sa pabrika, sa unyon, pati sa mga komunidad. Palagay ko, anak, aralin mo rin iyon.”

Napatitig ang anak sa ama, “Ano naman ang halaga niyan sa aming mga estudyante? Eh, hindi naman iyan subject sa eskwelahan?”

“Ang tanong mo kasi, anak, ay kung bakit tinanggal ang wikang Filipino at Kasaysayan sa kolehiyo. Aba’y iIlang taon nang nangyayari iyan. May kaugnayan din ang pag-aaral mo ng lipunan sa kung bakit nawala na ang mga paborito mong subject. Sa globalisadong mundo kasi, balewala na sa merkado ang kung anu-anong hindi naman nila magagamit upang umunlad ang kanilang mga korporasyon. Kaya nagkaroon kayo ng K-12 upang mas ang pag-aralan na ninyo ay ang mga bukasyunal at teknikal, at hindi na ang hinggil sa usaping pambansa, tulad ng Kasaysayan at Wika.”

“Ah, eh, salamat, Itay, sa mga paliwanag, pag-iisipan ko po iyan.”

“Ang tanging maipapayo ko sa iyo, anak, pag-aralan mo ang lipunan. Aralin mo ang kasaysayan ng mga nagdaang lipunan at itanong sa sarili bakit ba may mayamang iilan habang laksa-laksa ang naghihirap sa ating bayan, kundi man sa buong daigdigan. Bakit may mga korporasyon at bakit kailangang magtayo ng samahan ang mga manggagawa? Bakit tinanggal ng mga kapitalistang edukador ang mahahalagang subject? Bakit ba laging taas ng taas taun-taon ang tuition fee? Na bukod sa pahirap sa mag-aaral ay pahirap din sa mga magulang na iginagapang sa hirap ang mga anak makapag-aral lamang. Yayain mo ang mga kapwa mo estudyante at nang kaming mga manggagawa ay makapagbigay sa kanila ng pag-aaral - talakayan  hinggil sa lipunan.”

“Sige po, Itay. Maraming salamat po sa payo ninyo. At sasabihan ko na rin ang mga kaklase ko para maisama ko sila sa talakayan. Baka sa labas na, Itay, hindi sa loob ng paaralan. Baka masita kami.”

“Salamat, anak, at ako’y iyong naunawaan. Malawak naman ang ating bakuran para pagdausan ng pag-aaral, maaari na roon. Ayusin mo lamang ang iskedyul kung kailan, at nang maisaayos ko rin ang aking iskedyul, at nang mapaghandaan din ang pag-aaral na ibibigay.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2023, pahina 18-19.

Linggo, Agosto 13, 2023

I-repeal ang Oil Deregulation Law! Oil Regulation Act, Isabatas!

I-REPEAL ANG OIL DEREGULATION LAW!
OIL REGULATION ACT, ISABATAS!

pagkukunwari lang ba ang lahat?
kunwa'y isip-isip ng paraan
laban sa patuloy na oil price hike

batas ang Oil Deregulation Law
kaya di mapigil ng gobyerno
ang pagsirit pataas ng presyo

liban kung batas na ito'y i-repeal
ang pagtaas ng presyo'y mapipigil
pati kapitalistang mapaniil

Oil Regulation Act na'y isabatas!
iyan ang talagang paraang patas
at sa masa'y masasabing parehas
negosyante man ay may maipintas

ang tanong: magagawa kaya nila?
kung tatamaan ang kapitalista
baka mawalan sila ng suporta
sa ambisyon nilang pampulitika

- gregoriovbituinjr.
08.13.2023

* tugon ng makatang gala sa editoryal ng pahayagang Bulgar, Agosto 6, 2023

Sabado, Agosto 12, 2023

Parian

PARIAN

tanong: PALENGKE sa una, pahalang
buti't ang tugon dito'y natandaan
kaya ang sagot ko agad: PARIAN
tulad sa Calamba na isang lunan

marahil di PARI ang pinagmulan
na binebenta'y pawang pansimbahan
kundi mula sa salitang PARIYAN
tulad ng PARITO't PAROON iyan

lumang salita iyon sa PALENGKE
na ibinabalik pagkat may silbi
kung saan madla'y doon namimili
ng kailangan sa araw at gabi

madalas ngang PUMARIYAN ang masa
gagala, bibili ng nais nila
PUMAPAROON din ako tuwina
upang tumingin ng mga paninda

- gregoriovbituinjr.
08.12.2023

* parian - [Sinaunang Tagalog] - plasa o pook na ginagamit na pamilihan, UP Diksiyonaryong Filipino, p. 939

Huwebes, Agosto 10, 2023

Imbes plastik na balutan, ibalik ang garapa!

IMBES PLASTIK NA BALUTAN, IBALIK ANG GARAPA!

madalas akong bumili ng bitaminang iyon
na nakalagay sa bote, ngunit wala na ngayon
at sasabihin ng tindera, "Walang istak niyon
eto na lang na nakabalot, at iyan ang meron!"

tadtad na ng basurang plastik ang kapaligiran
ginagawa ng kumpanya'y tila kabaligtaran
sa botika'y wala nang mga garapang lalagyan
pulos nakaplastik na ang bibilhin mong tuluyan

bukod sa magastos na't mas mahal ang binibili
bawat tableta'y sa plastik siniksik, anong paki
nga ba nila kung sa basurang plastik mahirati
ganitong puna sana'y huwag namang isantabi

anong gagawin kung kumpanya mismo ang may gawa
pinararami ang basura nilang nililikha
mabuti pang nasa bote ang bitaminang sadya
upang mabawasan ang basurang plastik na likha

mungkahi ko'y ibalik ang garapa sa botika
upang paglagyan ng tableta, lalo't bitamina
ikampanya natin nang mabawasan ang basura
imbes na plastik na balutan, ibalik ang garapa!

- gregoriovbituinjr.
08.10.2023

Kuwatro kantos

KUWATRO KANTOS

Kuwatro Kantos agad ang napansin
kaya mabilis kong sinagot ng GIN
sa palaisipang bisyong laruin
at pinakapahinga sa gawain

tulad sa mga pakikipagtuos
paano iraos at maging manos
bawat problema'y lulutasing lubos
na di masagot ng kuwatro kantos

apat daw kasi ang sulok ng bote
kaya kuwatro kantos yaong sabi
sa lasenggo nga ba ito'y may silbi?
sangkilong bigas nga'y di makabili?

ako nama'y di mahilig bumarik
at sa pagtoma'y di na nasasabik
buti pang sumagot ng walang tumpik
ng krosword na sa kaalama'y hitik

- gregoriovbituinjr.
08.10.2023

* Kuwatro kantos - 23 PAHALANG

Huwebes, Agosto 03, 2023

Ang Balatas o Milky Way

ANG BALATAS O MILKY WAY

Balatas pala ang Milky Way sa sariling wika
ayon sa diksyunaryo'y Hiligaynon na salita
sa Ilokano'y Ariwanas kung tawaging sadya
sa Waray ay Silid, animo'y kwarto ang kataga

Milky Way ay mula sa Griyegong salita naman
galaktikòs kýklos - milky circle ang kahulugan
malagatas na pagkabilog pag pinag-isipan
tila salita'y hinggil sa Malagatas na Daan

ang Balatas ay yaong nagkukumpulang bituin
sa kalawakan kabilang ang ating solar system
maganda ring minsan ang astronomiya'y aralin
at pag gabi na, ang langit ay pakasuriin din

ikalabimpitong siglo iyon nang ang Milky Way
ay matagpuan noon ni Galileo Galilei
sa pamamagitan ng teleskopyo, yaong sabi
natuklasang isa lang iyon sa mga galaxy

salamat at may pag-aaral sa ganitong paksa
hinggil sa astronomiyang animo'y mahiwaga
paano nga ba ang uniberso ay nagsimula
at ang lagay natin sa kalawaka'y maunawa

- gregoriovbituinjr.
08.03.2023

Balatas - Hiligaynon sa Milky Way, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 116

Ang Wika ng Buwan sa Buwan ng Wika

ANG WIKA NG BUWAN SA BUWAN NG WIKA

nakatingala ako sa buwan nang magsalita
ito sa akin tungkol sa kanyang nasasadiwa
anya: "Agosto'y Buwan ng Kasaysayan at Wika
sa buwan bang ito'y anong inyong balak magawa?"

ang tugon ko: "Oo, Buwan ngayon ng kasaysayan
dahil buwan ito nang mag-alsa ang Katipunan
kasabay din nito'y Buwan ng Wika nitong bayan
pagpupugay kay Quezon sa kanyang kapanganakan"

anang Buwan: "sa paggunita'y pagbati sa madla
pagtuunan ninyo ang kasaysayan ng nitong bansa
subalit ang wika, paunlarin ninyo ang wika
nang sunod na salinlahi, historya'y maunawa"

anya pa: "wika ba'y bakya dahil gamit ng bayan?
habang nag-iingles ang trapo, burgesya't iilan?
hindi, hindi, ang wika ninyo'y dakila't uliran!
gamit ng ninuno nang tayo'y magkaunawaan"

"sariling wika'y gamit ng manggagawa't dalita
lalo na upang bakahin ang banyaga't kuhila
upang ang bayan sa mapagsamantala'y lumaya
kaya ang inyong wika'y paunlarin ninyong kusa"

tugon ko: "O, Buwan, maraming salamat sa payo
ang munting bilin ninyo'y sasabihin ko sa guro,
sa manggagawa, magsasaka, at iba pang dako
wikang bibigkis laban sa mapang-api't hunyango"

- gregoriovbituinjr.
08.03.2023

Nagtagpo sa panulat

NAGTAGPO SA PANULAT

sa panulat tayo nagkita, aking musa
sa aking mga kataga'y nilikha kita
upang maging inspirasyon ka sa tuwina
at sa panulat ko rin ba'y mawawala ka

nagtagpo tayo sa panulat, aking mutya
habang kahalubilo ko ang mga dukha
pinapangarap ay bayang mapagkalinga
na lipunang makatao'y nais malikha

sinta, ikaw ang musa ng aking panitik
sa kathang kwento mutya kang nakasasabik
ang alindog mo sa tula ko'y natititik
di mo ba narinig ang aking mga hibik

ako'y bilanggo mang patiwarik binitin
ngunit alay ko sa iyo'y mga bituin
sa langit tinirintas, lalambi-lambitin
ako ma'y nais nilang ihulog sa bangin

- gregoriovbituinjr.
08.03.2023

Miyerkules, Agosto 02, 2023

Pagpitik sa kamera

PAGPITIK SA KAMERA

minsan, kailangang matuto paano pumitik
sa kamera upang lumabas na kasabik-sabik
ang larawang kinunan, ang haligkik o pag-imik
kung pangit ang litrato, uulit ka sa pagpitik

anuman ang kamera, digital, SLR, Canon, 
single lens, Kodak, Pentax, Fujifilm, Sony, o Nikon
o kumuha ka ng litrato gamit lang ang selpon
mahalaga'y ang kalabasan ng litratong iyon

kaya mabuti ring may gabay sa paglilitrato
at kung paano kamera'y gamitin mo ng wasto
nauunawaan mo ba kung Rules of Third ba'y ano?
pagtitimpla ng kulay at liwanag ba'y paano?

ano ang exposure at flash, bakit may shutter speed?
view finder, control, megapixel, bakit dapat batid?
focal length, aperture, manual focus ba'y anong hatid?
prime lens, zoom lens, ikaw ba'y may nakikitang balakid?

may kwento ba sa iyong litratong kinunang tunay?
anong naiiba o tampok sa litratong taglay?
sa history ba, litrato'y may salaysay at saysay?
o nais lang kunan dahil may saya itong bigay?

kung maging potograpo na'y iyong kinagiliwan
dapat pamilyar ka sa sarili mong kasangkapan
nang lumabas na kaiga-igaya ang larawan
habang sa iyong puso'y dama mo ang kasiyahan

- gregoriovbituinjr.
08.02.2023

Martes, Agosto 01, 2023

Tabol at tanglo

TABOL AT TANGLO

nakita ko sa dalawang palaisipan
ang mga salitang ngayon ko lang nalaman
ang TABOL pala'y MASAMANG HANGIN SA TIYAN
at ang TANGLO ay PULUBI ang kahulugan

kaya ngayon ay gagamitin kong totoo
sa kwento, tula't sanaysay ang mga ito
at sa U.P. Diksiyonaryong Filipino
ay tiningnan ko kung kahulugan ay wasto

baka kabag din ang tabol kung tutuusin
dahil ang tiyan ay napuno din ng hangin
tanglo naman ay pulubi kung iisipin
na dapat kaawaan o tulungan natin

salamat sa mga palaisipang iyon
mga lumang salita'y biglang nakaahon
mula sa kanilang nahihimbing na kahon
halina't sa tula'y gamitin natin ngayon

- gregoriovbituinjr.
08.01.2023

Pinaghalawan:
* dalawang palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 31, 2023, p.15
* Unang krosword, 23 Pababa: Masamang hangin sa tiyan - Tabol
* Ikalawang krosword, 22 Pababa: Tanglo - Pulubi 
tabol Medisina: hangin sa tiyan na lumilikha ng kakaibang tunog kapag tinapik; liyok; mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1197
tanglo - [Sinaunang Tagalog]: pulubi; mula sa UPDF, p. 1226

Ang aklat ng mga kwento ni Manuel Arguilla

ANG AKLAT NG MGA KWENTO NI MANUEL ARGUILLA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi na ako nagdalawang isip na bilhin ang aklat na "The Essential Manuel Arguilla Reader" nang minsang mapagawi ako sa Malabon City Square sa Letre. Nito lang Hulyo 17, 2023, nang manggaling ako sa tanggapan ng Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO) sa Navotas, at nang pauwi na ay nilakad ko mula roon hanggang sa MC Square.

Sa sangay ng National Book Store sa MC Square ko nakita ang nasabing aklat na nagkakahalaga ng P250.00, at agad ko iyong binili. Klasiko na kasi sa panitikang Pilipino ang awtor, at bihira na ang koleksyon ng kanyang mga akda. Mabuti't natyempuhan ko iyon. Kilala siya dahil ilang beses na siyang nababanggit sa mga sanaysay hinggil sa panitikang Pilipino sa wikang Ingles bago pa ang panahon ng pananakop ng Hapon sa ating bayan. Inilathala iyon ng Anvil Publishing noong 2019. 

Si Manuel Arguilla ang isa sa mga manunulat na Ilokano sa wikang Ingles noong panahon bago mag-Ikalawang Daigdigang Digmaan (WWII). Popular na nababanggit sa ilang mga sanaysay ang kanyang maikling kwentong "How My Brother Leon Brought Home a Wife," kung saan nagwagi iyon ng unang gantimpala sa Commonwealth Literary Contest noong 1940.

Ayon sa likod na pabalat ng aklat, karamihan sa kanyang mga kwento ay naglalarawan ng buhay sa Nayon ng Nagrebcan, sa Bauang, La Union, kung saan siya isinilang noong 1911. Nagtapos siya ng Bachelor of Arts in Education noong 1933 sa Unibersidad ng Pilipinas. Naging kasapi siya at sa kalaunan ay naging pangulo ng UP Writers' Club at naging patnugot ng Literary Apprentice. Napangasawa niya si Lydia Villanueva na isa ring magaling na manunulat, at nanirahan sila sa Ermita, Maynila.

Nagturo si Arguilla ng malikhaing pagsusulat sa Unibersidad ng Maynila at nagtrabaho sa Bureau of Public Welfare bilang managing editor ng Welfare Advocate hanggang 1943. Hanggang siya'y mahalal sa Board of Censors. Sa kalaunan, lihim niyang itinatag ang isang yunit paniniktik ng gerilya noong panahon ng digmaan laban sa Hapon. Noong Agosto 1944, nadakip ng mga kalaban si Manuel Arguilla at pinatay ng mga Hapon.

Ang nasabing aklat ay may Pambungad ni Jose Y. Dalisay Jr., isa ring manunulat at nakapaglathala na ng nasa higit tatlumpung aklat. Ayon kay Dalisay, may labingsiyam na kwento si Arguilla sa koleksyon nito noong 1940, na pinamagatang "How My Brother Leon Brought Home a Wife and Other Short Stories".

Gayunman, may nadagdag na anim na akda sa "The Essential Manuel Arguilla Reader" na binubuo ng  dalawampu't apat na maikling kwento at isang sanaysay. Talagang kasasabikan mong basahin ang mga ito, hindi lang dahil magaganda ang mga kwento, kundi dahil kakaunti lang ang mga manunulat na Pilipino sa wikang Ingles ang nalathala bago magkadigma. Kumbaga, mga klasikong kwento talaga. Pinagsikapan talaga ng tagapaglathala ng aklat na hanapin pa ang ibang akda ni Arguilla.

Narito ang pamagat ng 25 akda ni Arguilla sa nasabing aklat, batay sa talaan ng nilalaman, kung saan dalawampu't apat ay kwento, habang may isang sanaysay - ang Rereading the Noli, Fili.
1. Midsummer
2. Morning in Nagrebcan
3. Ato
4. Heat
5. A Son is Born
6. The Strongest Man
7. How My Brother Leon Brought Home a Wife
8. Mr. Alisangco
9. Though Young He is Marries
10. The Maid, the Man, and the Wife
11. Elias
12. Imperfect Farewell
13. Felisa
14. The Long Vacation
15. Caps and Lower Case
16. The Socialists
17. Epilogue to Revolt
18. Apes and Men
19. Rice
20. Grit
21. Misa de Gallo
22. Epilogue to a Life
23. Seven Bedtime Stories
24. Rereading the Noli, Fili
25. Rendezvous at Banzai Bridge

Sa http://pinoylit.webmanila.com/filipinowriters/arguilla.htm ay nasaliksik natin ang 19 na kwento sa "How My Brother Leon Brought Home a Wife and Other Short Stories", at ang nadagdag na anim sa "The Essential Manuel Arguilla Reader" ay ang huling anim na kwento nito - ang Grit, Misa de Gallo, Epilogue to a Life, Seven Bedtime Stories, Rereading the Noli, Fili, at ang Rendezvous at Banzai Bridge. Mabuti't ang anim na iyon ay natagpuan pa ng mga makabagong mananaliksik upang ating mabasa at manamnam ang iba pa niyang akda. Maraming salamat.

Sa pagninilay, sinubukan kong gawan ng tula si Manuel Arguilla, batay sa ilang mga saliksik:

MANUEL ARGUILLA, MAHUSAY NA MANUNULAT
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

isang mahalagang moog ng ating panitikan
si Manuel Arguilla, manunulat mula Nagrebcan
sa Bauang, La Union; sa kanyang angking kahusayan
ay nakapagsulat ng kwentong sadyang kainaman

siya ay Ilokanong nagsulat sa wikang Ingles
inilarawan ang Nagrebcan sa akdang makinis
ikinwento ang buhay ng dukhang sa dusa'y labis
pati magsasakang sa pagkadalita nagtiis

B. A. in Education ang kursong tinapos niya
naging kasapi't pangulo ng U.P. Writers's Club pa
sa Literary Apprentice naging patnugot siya
naging managing editor ng Welfare Advocate pa

labingsiyam na kwento ang una niyang koleksyon
na sa atin ay pamana ng kanilang kahapon
dalawampu't apat na kwento't 'sang sanaysay ngayon
anim na bagong saliksik na sa aklat tinipon

sa huling bahagi ng buhay sa bayan naglingkod
sa mga gerilyang Pilipino'y naging gulugod
nilabanan ang mga Hapon, kasamang sumugod
hanggang dakpin siya't pinaslang ngunit di lumuhod

mabuhay ka, Manuel Arguilla, at iyong sulatin
bawat akda'y pamana sa henerasyong parating
maraming salamat sa kwento, bayaning magiting
at di ka na maglalaho sa panitikan natin

08.01.2023

Ang maikling kwento sa Taliba ng Maralita

ANG MAIKLING KWENTO SA TALIBA NG MARALITA Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. May ilan pang isyu ng  Taliba ng Maralita , ang...