Biyernes, Marso 31, 2023

Ituturo na sa Harvard ang Tagalog

ITUTURO NA SA HARVARD ANG TAGALOG
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang pahayagang Tabloid ang nabili ko nitong Marso 29, 2023 - Bulgar at Tempo. Basta binili ko lang upang may mabasa ako. Nang nasa dyip ako'y aking binuklat ang mga pahayagan. Aba'y nakakatuwa ang mga pamagat ng balita. Ulat sa Tempo: "Harvard to offer Tagalog course". Wow! Ang bigat! Teka, kailan pa nila napansin ang wika natin?

Ang headline sa Bulgar: "Pang-4 sa pinaka-ginagamit sa U.S. TAGALOG, ITUTURO SA HARVARD". Ah, kaya pala. Marahil sa dami ng migranteng Pilipino na nag-uusap sa Tate ay pang-apat ang Tagalog sa sinasalita roon.

Kaya binasa ko na ang mga ulat na nasa front page at pahina 2. Sa Tempo, inanunsyo noong Lunes, Marso 27, ng The Harvard Crimson, na publikasyon ng mga estudyante sa Harvard, na sa unang pagkakataon ay mago-offer ang pamantasan ng Tagalog Language Course. Ayon pa sa Crimson, kukuha ng tatlong magtuturo ang Department of South Asian Studies upang magturo ng Tagalog, Bahasa Indonesia, at Thai para sa academic year 2023-2024. Ito'y tatlong taon ang termino at maaari pang palawigin nang dagdag na lima pang taon.

Sinabi umano ni Executive Director Elizabeth K. Liao na nakakuha ng pinansyal na suporta ang Harvard University Asia Center para sa mga nabanggit na posisyon sa pamamagitan ng fund raising.

Sinabi naman ni James Robson, propesor ng East Asian Languages and Civilizations, at direktor ng Asia Center, na umaasa siyang maipakitang may pangangailangan para sa kursong ito at may mga mag-enroll na estudyante rito upang mas makumbinsi pa ang administrasyon ng pamantasan na patuloy pang suportahan ang Southeast Asian studies sa pangkalahatan at ang pagtuturo ng wika sa partikular. May isang kurso lang umano tungkol sa Pilipinas ang ino-offer ng pamantasan. Ito ang survey course hinggil sa kasaysayan ng Asya.

Ayon naman sa Bulgar, "Nabatid na naghahanap ang Harvard ng native speaker o fluent sa pagsasalita ng Tagalog."

Mabuti naman at may balitang ganito na nakakapagbigay sa tulad kong makata at tagapagtaguyod ng sariling wika. Nais kong magturo at aplayan iyon subalit ang problema, hindi naman ako guro kaya walang kasanayan sa pagtuturo. Kung pagtuturo ng tulang may sukat at tugma ay baka pa.

Sa ngayon, interesado ang mga Kano sa pagtuturo ng Tagalog, habang tayong nasa Pilipinas, nag-uusap man sa Tagalog o sa wikang Filipino, ang lahat naman ng ating mga dokumento ay nasa wikang Ingles. Mula sa birth certificate, diploma, wedding cerificate, lisensya sa pagmamaneho, aplikasyon at pagbabayad sa SSS, GSIS, Pag-ibig, PhilHealth, resibo ng tubig at kuryente, application form sa trabaho, at iba pa, ay nakasulat lahat sa wikang Ingles. Para bang nakakahiya pag isinulat ito sa wikang Filipino.

Buti pa minsan ang mga apidabit hinggil sa mga kasong kinasasangkutan, halimbawa sa palupa, ay naisusulat sa wikang Filipino, subalit ang mga papeles pa rin sa korte ay nakasulat sa Ingles.

Bagamat sa ating Saligang Batas ng 1987 ay nakasulat sa Artikulo XIV, Seksyon 7, ang mga salitang: “For purposes of communication and instruction, the official languages of the Philippines are Filipino, and until otherwise provided by law, English." (Para sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga opisyal na wika ng Pilipinas ay Filipino, at hangga't hindi itinatadhana ng batas, Ingles.)

"Until otherwise provided by law" pala, saka lang gagamitin ang Ingles. Kaya pangunahin ang wikang Filipino sa komukikasyon at pagtuturo, marahil sa pananalita lang at hindi sa nakasulat na dokumento. Dahil ang attendance ni titser, nakasulat sa Ingles. Ang mga class card, nakasulat sa Ingles. Maliban lang yata kung ang eksam ay sa paksang Filipino, saka nagsusulat sa wikang Filipino.

Sa ating bansa, lahat ng nakasulat na batas, mula Constitution, Executive Order, Republic Act, Implementing Rules and Regulations, City Ordinance, Barangay Ordinance, court proceedings, at iba pa. Pati mga pangalan ng lansangan na sa dulo ay may St. na ibig sabihin ay Streer, Ave. o Avenue, Blvd. o Boulevard, o kung eskinita ay ingles pa rin, Alley. Talagang maka-Kano ang ating kultura, at parang tinuturing na bakya ang mga nagsasalita ng wikang Filipino.

Isa sa mga isyu ko bilang manunulat at makata ang usaping wika. Dahil wika ang daluyan ng aming mga tula. Kaya nang makarinig ako ng mga katutubong nakasama ko sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam, na hindi nila maunawaan ang mga dokumentong nakasulat sa Ingles, akin nang ikinampanya na dapat lahat ng batas sa Pilipinas ay may Opisyal na Salin, at ang ahensyang pinakamalapit sa gawaing pagsasalin ay ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Kaya dapat amyendahan ang RA 7104 na nagtayo ng Commission on the Filipino Language (na orihinal na pangalan ng KWF batay sa batas) upang iatas sa ahensyang ito na, dahil sila ang komisyon sa wika, ay sila na ang dapat opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa, mula sa wikang Ingles tungo sa wikang Filipino. At bawat batas na naisalin ay dapat tatakan ng "Opisyal na Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)”.

Napakaraming batas na dapat isalin sa sariling wika. Pangunahin na diyan ang IPRA o Indigenous People’s Rights Act, na kung may opisyal na salin ay hindi agad basta maloloko ang mga katutubo. Sa mga dukha o maralitang lungsod naman ay ang RA 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA) sa karapatan nila laban sa demolisyon at ebiksyon. Gumawa kami ng sariling salin niyon upang maunawaan ng maralita ang batas na iyon, subalit hindi iyon opisyal na salin. Baka sa korte ay matalo kami kung hindi angkop ang mga salitang naisalin. Sa manggagawa ay ang Labor Code. Nariyan din ang RA 9003 o National Solid Waste Management Act, ang RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act, ang RA 11313 o Safety Spaces Act upang mas maunawaan kung paano nababastos ang kababaihan sa simpleng paghipo lang ng balakang at may katapat palang parusa, ang Civil Code, ang Family Code, ang Local Government Code, at marami pang batas na dapat isalin sa wika natin.

Napalawig na ang usapan. Gayunpaman, salamat sa nabasa kong mga balita hinggil sa Tagalog na ituturo sa Harvard. Subalit bago tayo magsaya ay simulan natin ito sa ating sarili, sa ating bansa. At hikayatin natin ang ating mga mambabatas na gumawa ng panukalang batas hinggil sa pagiging opisyal na tagasalin sa wikang Filipino ng KWF.

Magagawa kayang ang lahat ng ating pampublikong dokumento ay masulat sa sariling wika? Halimbawa na lang ang birth certificate, marriage certifivcate, lisensya, at iba pa. O mananatili ang mga itong nakasulat sa Ingles sa mahabang panahon? Kung ganito, ano nang kahihinatnan ng ating wikang Filipino?

Magkarugtong din pala ang bituka't puso

MAGKARUGTONG DIN PALA ANG BITUKA'T PUSO

magkarugtong nga kaya ang bituka't puso?
kaya pag lagi raw busog ang sinusuyo
pag-ibig daw kailanma'y di maglalaho...

kaya ang magkasama'y di lang puso't isip
na karaniwang batid nati't nalilirip
kundi may mas malalim pang dapat mahagip

sa panliligaw pa lang, dapat nang mawatas
na di sapat magbigay ka ng tatlong rosas
kung wala ka raw namang pambili ng bigas!

nakakakilig marinig ngunit kaylalim
nakakagutom kung rosas lang ang masimsim
at baka magdulot pa ito ng panimdim

subalit kung may pasalubong na masarap
dalawang magkasuyo'y gaganahang ganap
magsasamang maluwat, di aandap-andap

- gregoriovbituinjr.
03.31.2023

* litrato mula sa google

Rinorea niccolifera

RINOREA NICCOLIFERA

Rinorea niccolifera, kaygandang itanim
pagkat halaman itong metal pala ang pagkain
salamat, kaalamang ito'y naibahagi rin
upang malutas naman ang maraming suliranin

lalo sa mga lupang kinalbo ng pagmimina
na dapat tamnan ng rinorea niccolifera
kung mamarapatin, sa pagtatanim ay sasama
ambag sa pagbuti ng kalikasang nasira na

ayon sa pananaliksik, ang matindi pa roon:
makikita lang ito sa ating bansa, sa Luzon
halamang nakakapag-alis ng nakalalason
na antas ng nickel sa lupain, kontaminasyon

mahalaga ang ganitong mga pananaliksik
baka lupang sinira ng mina'y mapanumbalik
sa gawaing ganito'y di dapat patumpik-tumpik
buti't may kasagutan na sa lupang humihibik

- gregoriovbituinjr.
03.31.2023

Mga pinaghalawan ng ulat at litrato:
https://www.facebook.com/EsquirePH/photos/a.241192562598048/6308385339212043/
https://www.esquiremag.ph/long-reads/features/rinorea-niccolifera-metal-eating-plant-a00293-20230330?ref=home_aside_popular

Rights of Nature, isyu ng wika, POs, NGOs, gawaing pagsasalin at KWF

RIGHTS OF NATURE, ISYU NG WIKA, POs, NGOs, GAWAING PAGSASALIN, AT KWF
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong Marso 2023 ay dalawang seminar hinggil sa Rights of Nature ang aking dinaluhan. Ang una'y ang dalawang araw na kumperensya ng Commission on Human Rights (CHR) at Philippine Miserior Partnership Inc. (PMPI) hinggil sa Dignity and Rights for ALL noong Marso 14-15, 2023. Ang ikalawa'y ang Rights of Nature General Assembly (RoN GA) noong Marso 21-23, 2023. Kapwa ko dinaluhan iyon sa pamamagitan ng zoom, at nag-participate, bagamat may face-to-face. 

Sa ikatlong araw ng RoN GA, habang kinikritik at ineedit ng mga dumalo ang inihandang pahayag na nakasulat sa Ingles, dito'y narinig kong muli sa isang katutubo ang usaping wika. Sinabi niyang hindi nila maintindihan ang ginagawang pahayag sa RoN GA dahil nakasulat sa Ingles. Kaya sinabi na lang niya ang hinaing ng mga katutubo.

Sa isa pang naunang artikulo ay nabanggit ko ang pangangailangan ng isang ahensya ng gobyerno na mungkahi ko'y maging opisyal na tagasalin sa wikang Filipino ng mga batas ng bansa na nakasulat kadalasan sa wikang Ingles. Dahil naloloko ang mga katutubo dahil lahat ng dokumento ay nakasulat sa Ingles. Halimbawa ng dapat isalin ay ang IPRA (Indigenous People’s Rights Act) upang mas maunawaan pa ng mga katutubo, ang Safety Spaces Act para sa mga kababaihan, at ang UDHA (Urban Development and Housing Act) para sa mga maralita. Gumawa ng sariling salin ng UDHA noon ang KPML upang maunawaan ng maralita ang batas na iyon, subalit hindi iyon opisyal na salin. Baka sa korte ay matalo kami kung hindi angkop ang mga salitang naisalin. 

Bukod sa mga batas na nauna na nating naipahayag sa isang artikulo, dapat pati mga IRR o  Implementing Rules and Regulations ng bawat batas ay isalin din sa wikang Filipino, pati na sa wika ng mga rehiyon, tulad ng Ilokano, Igorot, Kapampangan, Ilonggo, Cebuano, Meranao, at iba pa. At ang ahensyang opisyal na tagasalin dapat ay ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Kaya dapat amyendahan ang RA 7104 na nagtayo ng Commission on the Filipino Language (na orihinal na pangalan ng KWF batay sa batas) upang iatas sa ahensyang ito na, dahil sila ang komisyon sa wika, ay sila na ang dapat opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa, mula sa wikang Ingles tungo sa wikang Filipino.  At  bawat batas na naisalin ay dapat tatakan ng "Opisyal na Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)”.

Isa pa, saan mang  pagtitipon, gaya ng RoN GA, ay hindi naman sa wikang Filipino nakasulat ang mga dokumento, kundi laging nasa Ingles. Ito kasi ang nakagisnan nating wika ng akademya, wika ng umano'y may pinag-aralan, ng elitista, ng makapangyarihan sa lipunan, habang ang wikang Filipino ang wika ng karaniwang tao, tulad ng maralita, manggagawa, mahihirap sa iskwater, atsay, pulubi, o marahil ay walang pinag-aralan. Paano pa ang mga katutubo na may sariling kultura at pinag-aralan, ngunit hindi wikang Ingles ang gamit kundi sariling wika? 

Ayon nga sa Kartilya ng Katipunan, “Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Dios, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.” Ibig sabihin, ang wika ay dangal natin at pagkatao.

Simulan natin ito sa mismong hanay natin. Pagdating sa mga batas ng bansa, dapat ang KWF ang maging opisyal na tagasalin sa wikang Filipino. Habang sa mga POs (people’s organizations) at NGOs (non-government organizations), dapat pag-usapan din ang pagsasalin sa sariling wika ng mga dokumentong ating ipinababasa sa madla. Hindi lang sa wikang Filipino kundi sa wika rin ng mga rehiyon, na nabanggit na natin sa unahan. Paano ang mekanismo upang nagkakaisa tayo sa pagsasalin ng mga dokumento sa wikang nauunawaan ng mas higit na nakararami? Huwag nating hayaang ituring na bakya ang ating wika, ang wikang Filipino. Bagkus ay paunlarin pa natin ito, di lang sa pasalita kundi maging sa mga dokumento, kahit  thesis pa iyan sa pamantasan.

Maraming salamat sa katutubong Dumagat-Remontado na dumalo sa RoN at naihayag niya ang usaping wika. Dahil may batayan na ang tulad kong makata upang payabungin at itaguyod ang pagsasalin at pagsusulat sa sariling wika para sa at kagalingan ng higit na nakararami.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2023, pahina 14-15

Palaisipan sa numero

PALAISIPAN SA NUMERO

kaysarap sagutan ng Aritmetik at Sudoku
subukan mo rin ang palaisipan sa numero
eh, di ka naman nagbibilang ng poste o troso
kundi ang utak mo'y iyo lang ineehersisyo

sa Aritmetik, apat na kahon lang ang sagutan
sa dalawang gitnang kahon, dalawang integer lang
sa unang kahon ay produkto ng dalawang iyan
sa ikaapat na kahon ay sumatotal naman

sa Sudoku ay may padron, walumpu't isang kahon
isa hanggang siyam na numero'y ilagay doon
numero'y h'wag ulitin, pababa't pahalang iyon
gayon din ang gagawin sa blokeng tatluhang kahon

pinakapahinga ko na sa maraming gawain
dama'y pampagaan sa mabibigat na tungkulin
paglipat ng pokus mula sa tambak na sulatin
minsan nga, sa gabi'y makakatulugan mo na rin

lohika lang ang paganahin at sadyang kaysaya
sa ilang saglit lang ay malulutas mong talaga
subukan mo rin, ehersisyong kaiga-igaya
para kang nag-aayos ng samutsaring problema

- gregoriovbituinjr.
03.31.2023

Huwebes, Marso 30, 2023

Salinggogon

SALINGGOGON

kapara'y cherry blossom ng Japan ang salinggogon
na sa Masungi Georeserve makikita roon
aba'y Philippine native tree pala ang mga iyon
na huwag pabayaan kundi protektahan ngayon

sa Masungi at sa Upper Marikina Watershed
ito matatagpuan na may sayang ihahatid
di ito tutubo roon kung may mga balakid
tulad ng sabi'y development na unregulated

at mga gawaing ilegal na dapat labanan
mga lugar iyong nararapat maprotektahan
upang makinabang ang bayan at ang kalikasan
laban sa mapagsamantalang kupal at gahaman

wala pa sa U.P. Diksiyonaryong Filipino
ang salitang salinggogon nang agad tiningnan ko
sa susunod na edisyon sana'y isama ito
bilang malayang ambag sa ating salita rito

O, Salinggogon, ikaw ang cherry blossom ng bansa
na dapat naming ipagmalaki't di makawawa
dapat kang protektahan laban sa tuso, kuhila,
at kapitalistang pagtutubuan ka lang sadya

- gregoriovbituinjr.
03.30.2023

* ang unang litrato'y mula sa Philippine Star fb page, ang ikalawa'y mula sa Inquirer twitter, at ang ikatlo'y sa Masungi Georeserve fb page

Miyerkules, Marso 29, 2023

Kwento - Kapitbisig laban sa demolisyon

KAPITBISIG LABAN SA DEMOLISYON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagulantang kami sa tawag na may demolisyong nagaganap sa isang pamayanan sa Maynila, at kailangan daw nila ng tulong upang masawata ang nasabing demolisyon. Sa ganitong mga pagkakataon ay dapat maagap ang pagkilos at mabilis ang isipan dahil buhay at karapatan ang nakataya. Pag biglang nawalan ng tahanan ang isang pamilyang maralita, tiyak na malaking suliranin ito sa kanila. Saan na sila tutuloy pansamantala habang inaayos ang gusot na ito? Saan na ba titira ang kanilang mga anak? Paano ang eskwela ng mga bata?

Hindi ba’t kaya naman naroon sa iskwater ang pamilyang dukha ay dahil malapit iyon sa kanilang trabaho? Hindi sila titira roon kung malayo iyon sa pinakukunan nila ng ikabubuhay. Subalit nakatira sila sa nakatiwangwang na lupa, na noong una’y tinirhan ng kanilang mga magulang, na mula sa lalawigan ay umalis doon dahil sa hirap ng buhay. 

Nakakita ng trabaho o anumang mapagkakakitaan sa lungsod na umampon sa kanila, sa lungsod ng mga pangarap. Kaya sa lungsod ding iyon nila napiling manirahan kung saan malapit sa pinagkakakitaan nila.

Napakaraming kwento ng pakikipagsapalaran ng maralita upang maabot ang pinapangarap na buhay na maginhawa. Ngunit ngayon…

“Magbarikada tayo, mga kapitbahay! Hindi tayo papayag pasukin nila tayo upang wasakin ang ating mga tahanan at itaboy tayong parang mga daga sa malayo! Dito na tayo isinilang, nagkaisip, nagkaasawa, nagkaapo. Dito natin nakagisnan ang ating mga magulang, tapos ay basta na lang tayo palalayasin dahil nabili na ng isang malaking kumpanya ang kinatitirikan ng ating bahay? Ni wala man lang pag-uusap na naganap kung paano na tayo, kung may relokasyon bang malapit sa ating trabaho? Wala! Tayong mga maralita kasi ay masakit sa kanilang mga mata kaya para tayong hayop na tatanggalan nila ng karapatan at tahanan! May dignidad tayo bilang tao na di dapat binabalewala!” Ito ang mariing sabi ni Ate Lona sa kanyang talumpati sa magkakapitbahay.

Sang-ayon naman ang mga tao. At sinabi naman ni Mang Gusting, “Tama si Ate Lona, tayo ay mga taong may dignidad, may karapatan, may mga pangarap sa ating mga anak. Na kahit tayo’y mahirap, tayo ay may dangal na iniingatan. Kung tatanggalan nila tayo ng ating tahanan, winawasak nila ang ating buhay, kabuhayan at kinabukasan ng ating mga anak. Papayag ba tayo! Hindi! Tara na sa barikada, at ipagtanggol ang ating karapatan sa paninirahan at kinabukasan ng ating mga anak!”

Nasa gayon silang pagkilos nang dumating ang mga lider-maralita mula sa kabilang barangay sa pangunguna ni Ka Linda. Lumakas ang loob ng mga tao. Sina Ka Linda ang isa sa mga nagtagumpay sa pakikipaglaban noon laban sa paggiba sa kanilang kabahayan sa Brgy. 143. Muli nilang itinayo ang kanilang bahay at buhay. Dumating din sina Ka Igme ng Brgy. 147. 

Nakaamba na ang demolition team sa pangunguna ng isang malaking tao. Inihatid nito ang liham na diumano’y order na pinaaalis na sila sa kanilang mga tahanan dahil gigibain na ang mga ito upang bigyang daan ang pagtatayo ng malaking mall sa lugar. Nakapalibot sa kanya ang demolition team na mukha rin namang galing sa iskwater, tulad nilang maralita.

“Hindi kami papayag na mapaalis sa aming mga tahanan!” Sabi ni Ka Lona. Nagkapit-bisig na ang mga tao. Habang naghahanda naman ang iba ng kanilang pandepensa tulad ng binalot na tae at ihi upang ibato sa mga demolition team sakaling umatake na ang mga ito.

Umawat sina Ka Linda at Ka Igme at kinausap ang nagpapademolis na mukhang goons. “Bakit hindi man lang kinausap ang mga maralita tungkol sa proyekto? Wala silang kaalam-alam na may ganyang proyekto. Labag iyan sa UDHA! Dapat may negosasyon muna bago demolisyon! Saan sila titira, kakain at matutulog? Sa kalsada? Paano ang mga bata?” Ani Ka Igme.

“Bahala kayo! Basta sabi ng aking amo, dapat lumayas na kayo sa lupaing ito dahil nabili na niya ito. Maghabol na lang kayo sa korte! Sige, layas!” At sinenyasan ang demolition team na pumasok na. Dumating ang mga midya at kinunan ang nagaganap na tensyon. Patuloy pa ring kapitbisig ang mga maralita. Tila bato silang hindi matinag, habang nasa likod nila ang mga nakaalalay pang maralita sakaling magkaduguan.

Pumagitna si Ka Lona. Nakahanda na rin ang mga tao. Subalit…

Nahupa lang ang tensyon nang dumating ang isang taga-City Hall na pinahihinto ang demolisyon. “Huwag ituloy ang demolisyon, inatasan kami ni Mayora, ihinto na ang demolisyon. May negosasyong naka-iskedyul. Hintayin muna iyon.” Ilang sandali pa’y umalis na ang demolition team. 

Alam nila, pansamantala lang ang tagumpay na iyon. Kailangan pa rin nilang maghanda at maging mapagbantay. Dahil anumang sandali ay maaari pang bumalik ang mga iyon sa araw na hindi nila inaasahan. 

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2023, pahina 18-19.

Kwento - Ito ang ating isyu! Ito ang ating laban!

ITO ANG ATING ISYU! ITO ANG ATING LABAN!
SAMA-SAMA NATING IPANALO ITO!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-usap ang iba’t ibang sektor ng lipunan hinggil sa iba’t ibang isyu nilang kinakaharap.

Ayon sa isang lider ng mga vendor, “Madalas kaming hinahabol sa aming paglalako ng kalakal. Masama bang mabuhay sa sariling sikap. Nais pa nilang sunugin ang aming mga kalakal. Bakit? Sila ba ang namuhunan dito? Inutang nga lang namin ito sa Bumbay!”

Sabi naman ng isang lider-maralita, “Karapatan sa paninirahan ang aming ipinaglalaban. Subalit lagi kaming nangangamba sa mga banta ng ebiksyon at demolisyon. Madalas pang pag dinemolis ang aming bahay ay biglaan at wala man lang negosasyon. Hindi ba kami tao tulad nila? May dignidad din kami kahit mahirap. Paano na ang aming pamilya pag nawalan kami ng tahanan?”

Anang isang lider-manggagawa, “Nais naming maregular sa pinagtatrabahuhan ngunit hanggang ngayon kontraktwakwal pa rin kami. Paano ba maaalis ang salot na kontraktwalisasyon? Mas mataas pa sa minimum wage sa NCR ang isang kilong sibuyas. Aba, paano na namin mabubuhay ng maayos ang aming pamilya?”

Ayon naman sa isang lider ng transportasyon, “Nakaamba sa amin ang PUV modernization kung saan nais ng pamahalaan na palitan na namin ang aming mga sasakyan dahil mausok daw, at dapat bumili kami ng bagong dyip, na itsurang minibus na milyon naman ang presyo. Aba’y saan naman kami kukuha ng ganoong kalaking salapi? Uutangin pa sa Tsina ang mga bagong dyip. Bakit hindi ang nga gawang sariling atin, na mura na, mas matibay pa?”

“Pamahal ng pamahal taun-taon ang presyo ng edukasyon o ng aming matrikula? Hindi ba prayoridad ng pamahalaan ang abotkaya, siyentipiko, ngunit mataas na kalidad ng edukasyon? Nais pa nilang kursong ipakuha sa atin ay yaong magiging alipin tayo sa ibang bansa? Tama ba ang mga ito?”

Sabi ng isang lider ng mga pulubi, “Kami namamalimos lang pero nagbabayad din kami ng buwis pag bumili kaming noodles.”

Sabi naman ng isang lider-kababaihan, “Hindi lang double burden kundi triple-triple burden ang isyu naming kababaihan. Nagtatrabaho na kami, nag-aalaga pa ng mga anak. Nagluluto pa kami habang heto’t ilang buwan nang buntis. Mahal pa naman ang paospital ngayon. Dapat may naipon ka talagang pera, kundi’y mangungutang ka. Buti kung laging may mauutangan. Gipit din ang mga kakilala ko.”

Ayon naman sa isa pang lider-kababaihan, “Napakamahal na rin ng presyo ng kuryente. Hindi ko na mapagkasya ang sweldo ng asawa ko.”

“Tumitindi pa ang kinakaharap nating pabago-bagong klima,” ayon sa isang kabataan. “Hanggang ngayon ay hindi pa nagbabawas ng kanilang emisyon ang mga Annex I countries. May sinasabing naaprubahang Green Climate Fund subalit paano natin ito matatamasa? Kailan pa magdedeklara ng climate emergency ang pamahalaan? Balita ko po’y may mga nakabinbin pang aplikasyon upang magtayo ng coal plants?”

Sinuri nila ang kanilang mga karaingan, at nagtutugma ang nakita nilang problema. Isang lider-manggagawa ang naglagom ng kanilang mga karanasan. “Ang pamahalaang ito talaga ay hindi nagsisilbi sa kanyang mamamayan kundi sa negosyo. Lahat ng ating problema, tulad ng demolisyon, kontaktwalisasyon, mataas na presyo ng pangunahing bilihin, at iba pa, ay dahil ang sistema natin ay kapitalismo. Ito ang salot. Nangayupapa ang ating pamahalaan sa altar ng globalisasyon, kaya nais isapribado ang mga ospital upang lumaki ang tubo ng mga pribado. Kaymahal ng presyo ng tubig, kuryente, at iba pang serbisyo tulad ng kalusugan, dahil bahala na ang merkado. Wala na kasing kontrol ang gobyerno sa mga bilihin. Nariyan ang Oil Deregulation Law na anumang oras na gustong itaas ang presyo ng langis, itataas. Walang kontrol ang pamahalaan. Habang sa sahod ng manggagawa, kontrolado kung hanggang saan lang ang gusto ng kapitalista na isweldo sa manggagawa, dahil may Regional Wage Board, hanggang doon lang. Kapitalismo talaga ang problema. Kaya magsama-sama tayo at kumilos upang ilantad talaga ang kasamaan ng sistemang ito!”

Nagtanguan ang iba’t ibang lider ng sektor at nagkaisa silang ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Ayon pa sa kanila, “Isyu natin ito! Ipaglaban natin ang mas makabubuti sa higit na nakararami. Sama-sama tayong kumilos upang kamtin ang isang lipunang patas para sa lahat!

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 1-15, 2023, pahina 18-19.

Ka Jimmy Tadeo

KA JIMMY TADEO

anim kaming nakiramay mula sa Ex-D
at umawit bilang parangal kay Ka Jimmy
ng kantang "Detenido" para sa bayani
ng magsasaka, nakiramay nga'y kayrami

sa sasakyan pa lamang patungo sa sadya
munting kwaderno'y kinuha ko't nakagawa
ng dalawang taludtod ng alay na tula
na binigkas ko roon sa harap ng madla:

"Si Ka Jimmy Tadeo, lider-magbubukid
pangarap niya'y paglayang dapat mabatid
paglaya sa hirap na sa atin binulid
ng uring mapang-aping dusa ang hinatid

pagbabago ng sistema'y kanyang adhika
na sa kanya'y isang pangarap na dakila
pagpupugay, Ka Jimmy, ikaw ma'y nawala
ay mananatiling buhay ang iyong diwa"

bertdey din pala niya ang araw na iyon
nang luksang parangal ay idinaos doon
Ka Jimmy, pamana mong diwa'y aming baon
tungo sa lipunang asam at nilalayon

- gregoriovbituinjr.
03.29.2023

* salamat sa kumuha ng litrato na ibinahagi sa Ex-D

Wanted: Pusa

WANTED: PUSA

kaytindi ng pagmamahal sa kanyang pusa
marahil mayaman yaong nag-aalaga
aba'y tatlumpung libong piso ang pabuya
sa makakita sa pusa niyang nawala

sino kayang magkakainteres maghanap
sa pusang kung saan-saan na hinagilap
baka hanapin mo kung ikaw ay mahirap
sa pabuya pamilya'y kakaing masarap

aba'y talagang pinaskil pa ang litrato
wanted! may pabuyang tatlumpung libong piso
magtago na kung may kasalanang totoo
ngunit ito'y pusa, di kriminal na tao

- gregoriovbituinjr.
03.29.2023

* kuha ang litrato sa isang pader ng mga karinderya sa tapat ng SM Fairview

Martes, Marso 28, 2023

Panagimpan

PANAGIMPAN

minsan dapat mo pang mapanaginipan ang paksa
na bigla na lang magigising ng madaling araw
upang isulat agad ang ibinulong ng mutya
hinggil sa usaping lalapatan mo ng pananaw

isusulat ito ng pasalaysay o pakwento
o kaya'y patula na kinagigiliwang gawin
babangon sa banig, kukunin ang pluma't kwaderno
ang paksa'y agad pagmumunihan at nanamnamin

ang bunga ba'y masarap o ang danas ay mapait
ang mangga ba'y manibalang o matamis ang duhat
hinog na ba ang sinigwelas, kasoy at kalumpit
mag-ingat sa talahib, baka matibo ang balat

madaling araw pa lang, araw ay di pa masilip
papikit-pikit sa gitna ng gaserang ilawan
patuloy lang sa pagkatha ng nasa panaginip
maya-maya'y matatapos din ang napagnilayan

- gregoriovbituinjr.
03.28.2023

Lunes, Marso 27, 2023

Heroes Street

HEROES STREET
(LANSANGAN NG MGA BAYANI)

nasa gilid lang ng Bantayog ng mga Bayani
ang Heroes Street o Lansangan ng mga Bayani
para kang tumapak sa tinapakan ng bayani
bagamat di mo iniisip magpakabayani

di iyon mataong lugar, gayong may tao naman
di tulad ng Monumento doon sa Caloocan
o sa Luneta sa lungsod, ang dating Bagumbayan
gitna ng Centris at Bantayog ang maikling daan

Heroes Street, lansangan ng lumaban sa marsyalo
sa Bantayog ng mga Bayani'y naukit dito
ang ngalan ng mga biktima, desaparesido,
mga bayani noong nakipaglabang totoo

ah, minsan kaya'y dumaan ka rin sa Heroes Street
sa Quezon Avenue M.R.T. station malapit
at damhin ang lugar pati kasaysayang kaypait
na idinulot ng diktadurang tigib ng lupit

- gregoriovbituinjr.
03.27.2023

Babasahin

BABASAHIN

pag may panahon, magbasa-basa ng aklat
lalo't may mga paksang ang mata'y didilat
may kwentong katatakutan, may aklat ng math
may hinggil sa awit, may nobelang panggulat

may aklat na nagtatalakay ng pag-ibig
sa panahon ng digma't kaunti ang kabig
may tungkol sa obrerong nagkakapitbisig
upang itayo ang makataong daigdig

paksang tagos sa puso, may nakagigimbal
nakagawian nang magtungo sa National
Book Store, bata pa'y tinambayang kaytagal
nagkaedad man ngunit di pa hinihingal

imbis pulos pagkain, libro ang bibilhin
pagkat diwa naman ang aking bubusugin
sa kababayang awtor ay suporta na rin
lalo't nalathala sa aklat o magasin

- gregoriovbituinjr.
03.27.2023

LI

LI

agad nakita'y tanong sa matematika
sa krosword na madalas sagutan talaga
palaisipang libangan ko sa tuwina
sa libreng oras ay nagbibigay ng saya

animo ako'y sandali ring natigagal
tila matematika'y bigla bang inaral
addition sa krosword? letra ring numerikal
yaong sagot sa dalawang Roman numeral

iyon ang tanong doong agad kong sinagot
agad sinolusyunan, di nakababagot
buti't gayong tanong ay pinahihintulot
palibhasa'y letra ang numerong kasangkot

nakagawian ko nang dyaryo'y makabili
may Tempo, Ngayon, Pang-Masa, Bulgar, Abante
dahil sa palaisipang kawili-wili
na sasagutan pa rin kahit sobrang busy

kaya bukod sa Aritmetik at Sudoku
minsan sa krosword ay may math na ring totoo
ang utak ay talagang naeehersisyo
na tumatanda man diwa'y di nalulumpo

- gregoriovbituinjr.
03.27.2023

* tanong sa krosword sa 4 pahalang ay Roman numeral na XXVI + XXV na katumbas ay 26 + 25 = 51 o LI

Biyernes, Marso 24, 2023

Panambitan

PANAMBITAN

dinggin n'yo yaring tinig, O, madla
na araw-gabi pintuho'y mutya
ng panitik upang makakatha
ng di mamatay-matay na tula

mula sa lunggang kinasadlakan
na animo'y yungib sa karimlan
liwanag ay nais kong mamasdan
pati bituin sa kalawakan

habang narito'y namimintuho
sa mga salitang anong layo
na di sana tuluyang maglaho
na pinagsisikapang mahango

mga katha'y nais kong ihandog
sa madlang nananahan sa nugnog
na lalawigang puno ng niyog
na talagang maalam umirog

may talinghaga bang matatanaw
bakit sa likod ko'y may balaraw
salitang asam sana'y lumitaw
sa landas na kayraming naligaw

- gregoriovbituinjr.
03.24.2023

Parak-manggagahasa

PULIS-MANGGAGAHASA

mabuti't nakatakas ang estudyante
sa kamay ng dalawang parak na peste
habang tulog ay ginahasa ang pobre
buti't nagising ang kawawang babae

siya't nakawala't humingi ng tulong
sa mga kaibigan agad nagsumbong
dalaga'y nagsampa ng kaso't sinuplong
ang dalawang parak na ngayon na'y kulong

kurikong kagaw ang kanilang kapara
o baka anay sa hanay ng pulisya
o ulupong na nanunuklaw ng iba
na baka hanap lagi'y mabibiktima

ang tulad nila'y di dapat pamarisan
marahil dapat mabulok sa piitan
mabuti't gumagalaw ang katarungan
na sa biktima'y nabigay ng agaran

- gregoriovbituinjr.
03.23.2023

* headline sa pahayagang Pang-Masa, Marso 23, 2023: "2 Pulis-Cavite Inaresto sa Rape", at sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 23, 2023, p. 9: "Grade-12 student ni-rape ng 2 pulis"

Huwebes, Marso 23, 2023

Aliwalas

ALIWALAS

kay-aliwalas ng umaga pag iyong pagmasdan
anong ganda ng daigdig na ating kinagisnan
sadyang mapapahanga ka sa kanyang kagandahan
tila ba walang polusyon sa ating kalunsuran

kaya napapatula, wala man sa toreng garing
kundi lapat sa lupa kasama ng magigiting
na mga makakalikasang kay-agang gumising
na di payag mundo'y pagsamantalahan ng sakim

anong ganda ng umagang animo'y di babagyo
habang binabantayan ng haring araw ang mundo
habang climate emergency'y panawagang totoo
habang Rights of Nature ay pinag-uusapan dito

kay-aliwalas ng kalangitan, mapapatula
at kayganda rin ng daigdig, mapapatulala
kalikasan ay huwag nating hayaang masira
ng kaunlarang para sa iilan, di sa madla

- gregoriovbituinjr.
03.23.2023

* kinatha sa ikatlong araw ng pagdalo sa Rights of Nature General Assembly, Marso 21-23, 2023

Miyerkules, Marso 22, 2023

Sa narinig kong tumulang katutubo

SA NARINIG KONG TUMULANG KATUTUBO

nadama ko ang kaygandang tula
dini sa puso'y nakahihiwa
upang laban nila'y maunawa
sana'y marami pang ganyang katha

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

* ang tulang ito'y ibinahagi ko sa comment box at binasa ng moderator ng Rights of Nature General Assembly

Tarang mananghalian

TARANG MANANGHALIAN

mga 'igan, tarang / mananghali dine
kamatis, sardinas, / talbos ng kamote
pam-vegetarian daw, / ito yaong sabi
dama ko'y lumakas / at biglang lumiksi

pagkat pampalusog / ang ulam na gulay
kamatis at talbos / na nakadidighay
at humihinahon / sa maraming bagay
kaya nagagawa / ang taglay na pakay

maraming salamat / sa nalutong ulam
ininom na tubig / nama'y maligamgam
saluhan n'yo ako / sa hapagkainan
at damhin ang sarap / ng pananghalian

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

Kwento

KWENTO

patuloy ang pagninilay sa bawat araw
habang nagbabasa'y mayroong lumilinaw
kayraming kwentong yumayanig sa pananaw
na dapat unawain upang di maligaw

dapat nga sa kapwa'y nakikipagkwentuhan
upang ang ikukwento'y may pinagbatayan
di putok sa buho o inimbento lamang
maliban kung pantasya ang kwentong minulan

magbigay tayo't suriin ang halimbawa
ng mga malaganap na kwentong pambata
hari't reyna, prinsipe't prinsesa ang katha
bakit palasak na kwento'y laging banyaga

burahin natin ang hari't reyna sa kwento
pagkat walang hari't reyna sa bansang ito
ang mayorya'y maralita't uring obrero
mayorya'y bata at kababaihan dito

magandang isulat sa kwentong makakatha
ang kwento ng masisipag na manggagawa
ang buhay ng katutubong mapagkalinga
ang tiyaga't sipag ng mga maralita

kathain ang kwento ng pamayanan natin
kwento ng mga lider nating magagaling
kwento ng pagbaka ng mga inapi rin
ng tusong banyaga't kapitalistang sakim

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

Pahalagahan ang tubig

PAHALAGAHAN ANG TUBIG
(Marso 22 - World Water Day)

pinagsamang hydrogen at oxygen
ang karaniwang iniinom natin
at napuno rin ng tubig ang ating
katawan kaya tayo'y malakas din

kung walang tubig, saan patutungo
tiyak di tayo makakapaligo
at di rin tayo makakapagluto
baka wala tayo rito't naglaho

kaytindi ng oil spill sa Mindoro
saribuhay at tao'y apektado
karagatan ay nasirang totoo
may dapat talagang managot dito

di sagot ang proyektong Kaliwa Dam
para sa tubig ng Kamaynilaan
dahil mawawasak ang kabundukan
pati na lupang kanunu-nunuan

huwag gawing basurahan ang ilog,
sapa, lawa't katubigang kanugnog
dahil tubig ay búhay, umiinog
tubig ay buháy, sa atin ay handog

dinggin natin ang lagaslas ng tubig
damhin mo ang pagluha niya't tinig
palahaw niya't atin bang narinig
siya'y dinumhan, siya'y nabibikig

sa World Water Day ay ipanawagan
tubig ay dapat nating ipaglaban
huwag dumihan, huwag pagtapunan
at huwag gamitin sa kasakiman

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

Madaling araw

MADALING ARAW

madalas akong nagigising ng madaling araw
pagkat musa ng panitik ang laging dumadalaw
at may paksang binubulong kundi man sinisigaw
sa kwaderno'y isusulat ang nasa balintataw

anong lamig ng panahon habang pabiling-biling
nang ikaapat ng madaling araw na'y gigising
animo yaong tinig ng musa'y tumataginting
kaya agad babangon mula sa pagkakahimbing

upang isulat ang masasalimuot na paksa
tulad nitong nakaambang demolisyon sa dukha
ang salot na kontraktwalisasyon sa manggagawa
ang dinanas na baha't luha matapos ang sigwa

anupa't ang madaling araw ko'y tigib ng buhay
pagkat kakathang may saya, libog, luha, o lumbay

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

Karumal-dumal

KARUMAL-DUMAL

karumal-dumal na krimen sa bata!
estudyanteng Grade 4 ang ginahasa!
may pari pang ganyan din ang ginawa!
nakapanggagalaiting balita!

pagkatao ng bata'y niluray na
siya pa'y pinaslang! isinako pa!
pari'y nanggahasa ng dalagita!
paano kung ama ka ng biktima?

tiyak manggagalaiti sa ngitngit
sa naganap na sadyang anong sakit!
hustisya'y ihihiyaw mo sa galit!
baka sugurin mo ang nagmalupit

di maitatago habang panahon
ang krimen ng sinumang nandaluhong
ang maysala'y tukuyin at isuplong!
dakpin, bitayin, kundi man, ikulong!

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

* Pinaghalawan: Dalawang balita sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 6, 2023, pahina 9, na may pamagat na "Grade 4 ginahasa na, pinatay pa" at "Pari na pinaaaresto sa rape, sumuko"

Martes, Marso 21, 2023

Pananagutan

PANANAGUTAN

pagbangon para sa karapatan
paglingon sa ating nakaraan
pagbaka para sa katarungan
tungo sa maayos na lipunan

labanan ang kawalang hustisya
huwag pabayaan ang biktima
magpatuloy tayong makibaka
tungong makatarungang sistema

anong mekanismong nararapat
upang gumaling ang bawat sugat
pag may tortyur, sa utak ang pilat
na di basta malimutang sukat

dapat lang pag-usapan ang isyu
hinggil sa karapatang pantao
kaninong pananagutan ito
pag nilabag na itong totoo

mga pagdukot, mga pagpatay, 
pag-tortyur at iba pang paglabag
lalo sa karapatan sa buhay,
laya, seguridad, at dignidad

dulot nito'y takot at bangungot
sistema ba ang dapat managot
hustisya ba'y saan mahuhugot
nang mapanagot ang mga buktot

- gregoriovbituinjr.
03.21.2023

Alay ngayong World Poetry Day

ALAY NGAYONG WORLD POETRY DAY

namumutawi dini sa dila
ang mga nilalaman ng diwa
ginagagap ang mga salita
na ilalangkap sa kinakatha

kayrami nang tulang nagsikalat
na talagang nakakapagmulat
talinghaga ma'y di madalumat
binibigkas nang may tugma't sukat

parang agila sa himpapawid
na kung makukuro'y mababatid
ngunit di ka basta padadagit
sa mga salitang matatamis

dakilang araw ng tula ngayon
at muling pagnilayan ang hamon
tula ng makata ng kahapon
ay basahin nitong henerasyon

habang kasalukuyang makata
ay nagpapatuloy sa pagkatha
habang pinauunlad ang wika
ay itinataguyod ang tula

sa lahat ng makata, MABUHAY!
kami'y taospusong nagpupugay!
ang inyong katha ng tuwa't lumbay
sa salinkahi'y pamanang tunay

- gregoriovbituinjr.
03.21.2023

Lunes, Marso 20, 2023

Pagdalo sa Rights of Nature General Assembly

PAGDALO SA RIGHTS OF NATURE GENERAL ASSEMBLY

dadaluhan ko'y Rights of Nature General Assembly
nang mabatid ito'y di na ako nag-atubili
kinontak sila't ako'y talagang agad nagsabi
dahil kahalagahan ng isyu'y aking namuni

dalawa't kalahating araw itong talakayan
mga tagapagsalita'y pakikinggang mataman
lalo sa usaping karapatan ng kalikasan
na noon pa'y nadama ko nang dapat pag-usapan

ang mga ilog nga'y di lang bagay pagkat may buhay
dumihan mo ito't maraming isdang mamamatay
tulad ng Ilog Pasig na basura'y nahalukay
at wala nang mga isdang doon ay nabubuhay

ang karagatan ay tinadtad ng basurang plastik
na napagkakamalang pagkain at sumisiksik
sa tiyan ng lamang dagat at isdang matitinik
di ba't ang kalikasan ay marunong ding humibik?

nariyan din ang bundok tulad ng Sierra Madre
na may karapatang manatili sa ating tabi
sumasangga sa kaylakas na unos, nagsisilbi
sa atin bilang kalasag sa bagyong matitindi

tapunan ba ng upos ng yosi ang mga sapa
ang mga katubigan ba'y tapunan ng basura
kinalbo ang mga bundok dahil sa pagmimina
hanggang kapaligiran nito'y tuluyang nagdusa

kaya sa pagtanggap sa akin, maraming salamat 
makakadalo rito't sa iba'y makapagmulat
Rights of Nature ay karapatang dapat madalumat
upang kalikasan ay mapangalagaang sukat

- gregoriovbituinjr.
03.20.2023

* Ang Rights of Nature General Assembly (RoN) ay gaganapin mula Marso 21 hanggang 23, 2023. Pinangungunahan ito ng Global Alliance for the Rights of Nature (GARN), NASSA/Caritas Philippines, Philippine Misereor Partnership, Inc. (PMPI), at Rights of Nature PH

Ang maikling kwento sa Taliba ng Maralita

ANG MAIKLING KWENTO SA TALIBA NG MARALITA Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. May ilan pang isyu ng  Taliba ng Maralita , ang...