Lunes, Oktubre 31, 2022

Tanaga sa kandila

natumba ang kandilâ
at mesita'y nangitim
nangalabit nga kayâ
ang mga nasa dilim

umihip lang ang hangin
sa apoy na sumayaw
tila ba isang pain
sa gamugamong ligaw

- gbj.10.31.2022

Pagpupugay sa manggagawa

PAGPUPUGAY SA MANGGAGAWA

O, manggagawa, kayo ang dapat na pagpugayan
kayo ang lumikha ng tulay, gusali't lansangan
Kongreso, Senado, Malakanyang, at paaralan
nilikha'y lungsod, bansa, ekonomya't kaunlaran

kung walang manggagawa, tiyak walang mga lungsod
mula sa mapagpala ninyong kamay ay hinagod
ang bawat pilas ng daigdig na kinalulugod
ngunit sa sistema ng lipunan, kayo'y binukod

pagkat kayo pa ang patuloy na naghihikahos
sweldo'y di na sapat, kontraktwal pa't binubusabos
nilikha ninyo ang yaman ng mayayamang lubos
ah, kailan ba paghihirap ninyo'y matatapos

baka walang katapusan ang inyong pagpapagal
pagkat misyon ninyong mga manggagawa'y imortal:
ANG BUHAYIN ANG DAIGDIG! kaya di ang magkamal
ng salapi na nagpabundat sa mangangalakal

sa inyo, manggagawa, ang taasnoong papuri
inyong organisahin ang sarili bilang uri
upang maging malakas pang pwersa ng bawat lahi
kayo'y tunay na bayani sa bawat bansa't lipi

- gregoriovbituinjr.
10.31.2022

Linggo, Oktubre 30, 2022

Habambuhay na tungkulin

HABAMBUHAY NA TUNGKULIN

ito ang aking kinagiliwan
bisyo mula aking kabataan
magsulat para sa taumbayan
sa karapatan, sa katarungan

tumula para sa manggagawa
magsulat para sa mga bata
mag-ulat para sa maralita
magmulat para sa kapwa't dukha

mula hilig, ito'y naging layon
ang pag-akda'y niyakap nang misyon
hanggang maging tungkulin na ngayon
upang kapwa dukha'y maiahon

paglilingkod na ang pagsusulat
naging tungkulin na ang magmulat
lipuna'y dapat araling sukat
inuunawa't dinadalumat

pangyayari'y inilalarawan
sa kwento, sanaysay, panulaan,
talakayan, pagbabalitaan
almusal, tanghalian, hapunan

sa banig ng sakit man maratay
sa harap man ng punglo o hukay
ito'y tungkulin na habambuhay
oo, tungkulin hanggang mamatay

- gregoriovbituinjr.
10.30.2022

Sabado, Oktubre 29, 2022

Kwento - Paglilinis sa Bantayog

PAGLILINIS SA BANTAYOG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa agad na nagboluntaryo nang mabatid ko ang plano nilang paglilinis ng Bantayog ng mga Bayani. Magdala raw kami ng gwantes. Subalit di lang gwantes ang aking dinala kundi anim na piraso ng basahan, na nabili ko ng sampung piso sa palengke. Kaya sa petsang nakatakda ay agad akong pumunta. Medyo umaambon pa noon. 

Dumating ako ng alas-dose y media ng tanghali. May mga tao na subalit wala akong gaanong kakilala sa mga nag-organisa. Kaya umupo muna ako sa isang tabi. Pinagmasdan ang mga pangalang nakaukit sa pader, mga pangalan ng mga nangawala, namatay, at mga pinahirapan noong batas militar. Maraming kwento ng karahasan.

Sa ganap na alauna ng hapon ay nagtawag na ang mga organisador upang tipunin ang mga nagsidalo.

“Welcome po sa inyo. Tayo po ay narito ngayon upang maglinis sa Bantayog. Naghanda kami ng walis at pansuro, at may kapote rin dahil baka umulan.” Sabi ni Nestor.

Hanggang sa tinawag na si Aling Ligaya, isang matanda nang aktibista at kasama ang kanyang apo, upang magbigay naman ng pambungad na pananalita.

“Maraming salamat sa mga dumalo. Bagamat maglilinis tayo ng mga kalat, titipunin ang mga tuyong damo, ito’y isang simbolo. Hindi lamang Bantayog ang ating nililinis, kundi ang ating kasaysayang pilit dinudumihan ng mga halibyong o fake news. Lalo na ang tinatawag na historical distortion, o binabago ang kasaysayan na tila ba walang nangyari, at pilit pinababango ang mabantot na kasaysayan ng diktadura. Simbolo ang paglilinis na ito para sa mga susunod na henerasyon.” Ito ang sinabi ni Aling Ligaya.

Mahalagang balikan ang mga batas na ito, lalo na’t lagpas na ng 25 taon nang ito’y isabatas. Ano ang mga susunod na gagawin ng maralita? Abangan.

“Opo, agad akong nagboluntaryo nang malaman ko ito.” Tugon ko.

Bago magsimula ang paglilinis ay pinagbuo kami ng tatlong grupo upang mag-ikot muna sa Bantayog Museum. Bagamat kami’y mga hindi magkakakilala, subalit may pagkakaisa na kami sa layunin bakit kami naroroon: upang linisin di lang ang Bantayog, kundi, gaya nga ng sinabi ni Aling Ligaya, ay linisin ang ating kasaysayan mula sa historical distortion.

Inikot namin ang museyo kung saan naroon ang istorya ng martial law, at may maliit pang selda na replika kung saan ikinulong noon ang mga political prisoners, pati mga pangalan at litrato ng mga biktima ng martial law ay naroroon. Matapos ang labinlimang minutong pag-iikot ay nagtungo na kami sa labas upang hawakan ang walis at pansuro (dustpan sa Tagalog) upang walisin ang mga tuyong dahon, habang ako’y may hawak na basahan upang punasan ang itim na dingding na kinauukitan ng mga pangalan ng mga martir ng bayan. Maulan noon, kaya natigil kami, subalit nagpatuloy sa paglilinis ang ibang may mga suot na kapote. Basa na rin ako, kaya binigyan ako ng tshirt na pampalit na may tatak na Balik Alindog Bantayog. Taospuso pong pasasalamat.

Hanggang magtawag ang organisador ng nasabing aktibidad, “Tigil muna tayo dahil lalong lumalakas ang ambon. Marami nang nabasa sa inyo. Pahinga muna tayo.” Nagkaroon ng munting programa habang nagpapahinga, at sa pamamagitan ng mikropono’y kinapanayam ang ilan sa mga dumalo. “Anong tingin ninyo sa ating aktibidad?”

May mga limang tinanong. At halos nagkakaisa ang sagot. “Nais kong makiisa upang labanan ang mga kasinungalingan sa kasaysayan.”

Maya-maya, ang iba’y nag-alisan na dahil ikaapat na ng hapon at may lakad pa sila, habang hindi pa tumitila ang ulan. Ang ilan sa amin ay naghanda na ring umalis nang may kasiyahan sa aming loob, na ang aming munting partisipasyon nawa’y magdulot ng magandang kahihinatnan sa kasaysayan ng ating bayan, at linisin ito mula sa mga kasinungalingan. 

Sa susunod na Balik Alindog Bantayog, kita-kits at magsama ka pa.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2022, pahina 18-19.

Pilipisan

PILIPISAN

akala mo'y nirambol ang titik ng Pilipinas
para bang larong scrabble ng utak-matatalas
ngunit totoo, pilipisan ay salitang wagas
na sa ating lumang wika'y talagang mawawatas

pilipisan yaong magkabilang gilid ng noo
sa pagitan ng kilay at patilya ng buhok mo
nabanggit sa isang kwento ni Liwayway Arceo
na dakilang manunulat ng maiikling kwento

sinabing may gumuhit na ugat sa pilipisan
nang mapangiti ang ama sa anak sa usapan
salitang bihirang gamitin sa kasalukuyan
kaya bago sa pandinig at kaysarap pakinggan

sa Espanyol ay sentido, pilipisan sa atin
temple sa Ingles, sa Hiligaynon ay agigising
sa Sebwano'y agising at sa Waray ay sapiring
kimut-kimutan, malingmingan, at dungan-dungan din

dagdag na kaalaman habang nagbabasa-basa
lalo't bumabagyong sanhi ng baha sa kalsada
bahagi ng mukha'y di lamang noo, mata, tenga,
kilay, bibig, buhok, anit, baba, pilipisan pa

- gregoriovbituinjr.
10.29.2022

* mula sa kwentong "Maganda ang Ninang Ko" ni Liwayway A. Arceo sa kanyang aklat na "Mga Piling Katha", pahina 41
* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 971

Magbasa ng kwento habang bumabagyo

MAGBASA NG KWENTO HABANG BUMABAGYO

kaylakas ng hangin, kaytindi ng bagyo
na ngalan ay Paeng, umaalboroto
habang giniginaw, kinuha ang libro
tinunghayan yaong maiikling kwento

samutsaring tinig na di madalumat
kung di maunawa't babasahing sukat
may kababalaghang tila nagdumilat
may totoong kwentong sa buhay ay lapat

pawang mga awtor nito'y kayhuhusay
na pawang kwentistang inidolong tunay
mga kwento'y batay sa aktwal na buhay
may katatakutang di ka mapalagay

pangalan ng isa'y si Washington Irving
Rosario De Guzman-Lingat, anong galing
kay Rabindranath Tagore, kwento'y gising
kay Liwayway Arceo'y di na humimbing

apat itong librong nasa aking tabi
habang bumabagyo't hangi'y humuhuni
sa pag-iisa man, sa lumbay sakbibi
aklat ay naritong tangi kong kakampi

- gregoriovbituinjr.
10.29.2022

* nasa larawan ang mga aklat na
Mga Piling Katha - ni Liwayway A. Arceo
Si Juan Beterano at Iba Pang Kwento - ni Rosario De Guzman-Lingat
The Legend of Sleepy Hollow and Other Short Stories - ni Washington Irving
Selected Short Stories - ni Rabindranath Tagore

Anibersaryo bente nuwebe

ANIBERSARYO BENTE NUWEBE

kaming naririto'y nagpupugay ng taasnoo
sa ikadalawampu't siyam na anibersaryo
ng grupong Sanlakas na nakikibakang totoo
upang kamtin ng bayan ang lipunang makatao

dalawampu't siyam na taon ng pagkikibaka
para sa karapatan at panlipunang hustisya
para sa kalayaan ng bayan at demokrasya
para mabago't palitan ang bulok na sistema

salamat, naririyan kayo, mabuhay! Mabuhay!
kasamang nangangarap ng isang lipunang pantay
nakibaka upang kalagayan ay mapahusay
kumikilos upang tuparin ang adhika't pakay

anibersaryo bente nuwebe, napakatalas
maraming salamat, nagkatagpo ang ating landas
kapitbisig upang kamtin ang sistemang parehas
walang pagsasamantala, isang lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
10.29.2022

Biyernes, Oktubre 28, 2022

Sagipin ang kalikasan

SAGIPIN ANG KALIKASAN

may awit nga noon, "magtanim ay di biro"
mahalaga pa rin ito't di naglalaho
halina't magtanim pa rin tayo ng puno
pagkat may dala itong pag-asa't pangako

ang aking mamay nga'y may kabilin-bilinan
noong nabubuhay pa't kami'y kabataan
protektahan natin ang ating kalikasan
huwag hayaang gawin itong basurahan

huwag malito na parang bola ng pingpong
na pabalik-balik lang, parito't paroon
sa bawat hakbang, dapat tiyak ang pagsulong
at sadyang tuparin ang niyakap na layon

tulad ng kalikasang dapat maprotekta
ang mga naninira'y dapat iprotesta
tulad ng fossil fuel, coal na nanalasa
lalo na iyang kapitalistang sistema

ang buting ambag sa kalikasan ay gawin
mga iba't ibang bansa'y magpulong na rin
ang isyu ng klima't basura'y talakayin
ang buhay ng tao't ng planeta'y sagipin

- gregoriovbituinjr.
10.28.2022

Salin ng akda hinggil kay Fidel at sa Cuba

SALIN NG AKDA HINGGIL KAY FIDEL AT SA CUBA

akdang sinulat sa Ingles ni Ka Dodong Nemenzo
ay sinikap kong isalin sa Wikang Filipino;
ang "Si Fidel Castro at ang Rebolusyong Cubano"
ay mahalagang ambag sa kasaysayan ng mundo

aking isinalin nang higit pang maunawaan
sa ating bansa ang Cuba't kanilang kasaysayan
paano sila nagtagumpay laban sa kalaban
bansa'y napanatiling di nasakop ng dayuhan

sa kabila ng economic embargo sa bansa
ay nagpatuloy sila sa misyon nila't adhika
silang may pagrespeto sa karapatan ng madla
at di nagugutom ang magsasaka't manggagawa

pagkasalin, ni-layout, dinisenyo ang pabalat
pampletong may dalawampung pahina pag binuklat
salamat po, O. Ka Dodong, sa iyong isinulat
na talagang sa kapwa dukha'y makapagmumulat

- gregoriovbituinjr.
10.28.2022

* Si Fidel Castro at ang Rebolusyong Cubano
Akda ni Dr. Francisco "Ka Dodong" Nemenzo
Isinalin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

Huwebes, Oktubre 27, 2022

Tatlong editoryal sa face mask

TATLONG EDITORYAL SA FACE MASK
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Oktubre 27, 2022, editoryal ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, pahina 4: "Mag-face mask pa rin para makasigurong ligtas".

Oktubre 26, 2022, editoryal ng pahayagang BULGAR, pahina 4: "Piliing maging mas safe kahit boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask".

Isyu ng Oktubre 1-15, 2022, editoryal ng pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), pahina 3: "Magsuot pa rin ng face mask".

Nagkakaisa ang tatlong pahayagan na upang makasigurong ligtas ang mamamayan mula sa virus ng COVID-19 ay dapat pa ring mag-face mask. Napag-usapan ito matapos lagdaan ni BBM ang Executive Order (EO) Blg. 3 noong Setyembre 12, 2022, hinggil sa pagbibigay-pahintulot na boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask. Tingnan ang kawing na https://www.officialgazette.gov.ph/2022/09/12/executive-order-no-3-s-2022/

Ayon sa editoryal ng Bulgar, inaasahang maglalabas pa si BBM ng EO na gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face mask sa indoor, dahil ang nauna umanong EO ay sa ourdoor.

Nagsimula ang pagsusuot natin ng face mask nang manalasa ang abo ng Bulkang Taal noong Enero 2020, at nang magsimula ang mga kwarantina bunsod ng pandemya ng COVID-19 noong Marso 2020.

Maganda ang panukala ng tatlong pahayagan na, bagamat boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask sa publiko, ay magsuot pa rin tayo ng face mask at huwag ipagwalang bahala ang ating kalusugan.

Sa dahilang ito ay kumatha ako ng tula hinggil sa isyu:

MAG-FACE MASK PA RIN

kalusugan ng kapwa'y pangalagaang totoo
lalo na't dumaan ang pandemya sa yugtong ito
ng ating panahon, kaya mag-face mask pa rin tayo
kahit boluntaryo na lang ang pagsusuot nito

kalusugan ay di dapat ipagwalang bahala
lalo na't pandemya'y di natin tiyak na nawala
kung walang face mask, baka mahawa o makahawa
sa di makitang kalabang virus na walanghiya

upang makaligtas sa sakit ay mag-face mask pa rin
nang kapwa't ating pamilya'y mapangalagaan din
mahirap nang sa dusa't luha tayo'y lulunurin
kung isang mahal sa buhay ay nawala sa atin

daghang salamat sa payo ng tatlong editoryal
upang maging ligtas, di tayo tuluyang masakal
ang wala mang face mask ay di man pagpapatiwakal
mabuting mag-ingat upang ang buhay ay tumagal

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022

Sapaw na sibuyas at bawang

SAPAW NA SIBUYAS AT BAWANG

ulam ko ngayong pananghalian
ay sapaw na sibuyas at bawang
pawang pampalakas ng katawan
magaling sa ating kalusugan

sibuyas pala'y allium cepa
sa agham ay katawagan nila
sa niluto'y di lang pampalasa
panlunas din sa sakit ng masa

ang sibuyas ay gamot sa hika
sa ubo, kagat ng surot, pigsa
ilagay sa paa nang mawala
ang lagnat mo, kahit na ng bata

bawang ay allium sativumo
sa agham ay katawagan dito
pampalasa na, gamot pa ito
sa tao'y kayraming benepisyo

sa alipunga nga ito'y lunas
sa cholesterol nakakabawas
sa laksang sakit, makakaiwas
huwag lang labis, sapat ang antas

sibuyas at bawang, pampalusog
sa katawan ay kaygandang handog
ito'y mga pangunahing sahog
sa lutuin nang tayo'y mabusog

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022

Pagmasdan natin ang daigdig

PAGMASDAN NATIN ANG DAIGDIG

halina't pagmasdan ang daigdig
ito pa kaya'y kaibig-ibig?
o ating mundo na'y nabibikig?
sa laksang kalat na hinahamig

bakit sangkatutak ang basura
sa mga ilog, dagat, kalsada?
ang mamamayan ba'y pabaya na
sa tanging mundong tahanan nila?

sinasabi nila noon pa man:
kalikasan at kapaligiran
ay dapat nating pangalagaan!
bakit mundo'y naging basurahan?

ang daigdig ay pagmasdang muli
paano ganda'y mapanauli?
ang alagaan ba ito'y mithi?
adhikain ba itong masidhi?

noon pa'y inawit ng ASIN 'yan
na tanda natin pag napakinggan:
hindi masama ang kaunlaran
kung di sisira sa kalikasan

sana'y gawin natin anong wasto
at sama-samang kumilos tayo
para sa bukas ng kapwa tao't
gumanda ang nag-iisang mundo

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022

Salamat sa mga tumatangkilik

SALAMAT SA MGA TUMATANGKILIK

pasasalamat naming pawa
sa lahat ng tumatangkilik
sa Taliba ng Maralita
na sa ulat at akda’y siksik

sa mga dukha’y aming handog
ang munti naming pahayagan
isyu nilang iniluluhog
mababasa rito ng tanan

dito’y pinapakita naming
sila'y may dignidad na tangan
na dapat nirerespeto rin
ng mahirap man o mayaman

pinaglalaban namin sila
tungo sa lipunang maayos
upang ang bulok na sistema'y
mapawi't tuluyang matapos

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, isyu ng Oktubre 16-31, 2022, pahina 20

Aklat

AKLAT 

sadyang kaysaya ko / sa bigay na aklat
ng isang kasama, / maraming salamat
sa pakiwari ko'y / makapagmumulat
nang umunlad yaring / prinsipyo't dalumat

munting libro itong / kaysarap namnamin
na makatutulong / sa iwing mithiin
upang puso't diwa'y / sadyang patibayin
sa mga prinsipyo't / yakap na layunin

mapaghiwalay man / ang balat sa buto
nawa'y ating kamtin / ang asam sa mundo:
pakikipagkapwa't / pagpapakatao
itayo'y sistema't / bayang makatao

paksa't nilalaman / nito'y mahalaga
na kung maunawa'y / susulong talaga
isinasabuhay / ang pakikibaka
at muli, salamat / sa aklat, kasama

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022

Miyerkules, Oktubre 26, 2022

Saan?

SAAN?

saan nga ba patungo yaring mga hakbang?
kundi labanan yaong mga mapanlinlang
na sa kapwa'y mararahas at mapanlamang
sa dugo't pawis ng kapwa nakikinabang

saan na kaya ang panlipunang hustisya?
bakit wala sa lipunang kapitalista?
ah, dapat kayang baguhin na ang sistema?
dahil bulok, ilan lang ang nagtatamasa?

saan matatagpuan ang kaginhawahan?
sa ibang bansa ba o sa sariling bayan?
masarap mabuhay ng may kapayapaan
sa puso't isip, di dahil sa kayamanan

saan ako patungo sa lakbaying ito?
upang asam na hustisya'y kamtin ng tao
sa agham ba, matematika, anong uso?
o sa ating pinanghahawakang prinsipyo?

saan makikita ang halaga ng buhay?
kung laganap ang digmaan at pulos away
sana'y maganda ang tubo ng mga uhay
upang anihin natin ay saya't di lumbay

- gregoriovbituinjr.
10.26.2022

Martes, Oktubre 25, 2022

Taliba ng Maralita

TALIBA NG MARALITA

nagsusulat sa sariling pahayagan ang dukha
nang mabasa ang mga hinaing ng maralita
marunong ding manindigan kahit ang walang-wala
na pinaaabot sa pamahalaan at madla

isang kahig at isang tuka man, di sila mangmang
na marunong ipaglaban ang talagang katwiran
silang handang ipagtanggol ang bawat karapatan
upang kanilang dignidad ay di apak-apakan

kahit hikahos man ay marunong ding makibaka
tila sila'y pader pag lumaban nang sama-sama
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya
upang labanan ang anumang pagsasamantala

inyo lang basahin ang kanilang ginawang dyaryo
ito'y bahagi ng paglilingkod sa kapwa tao
sa Taliba ng Maralita, mababasa ninyo'y
pahayag, balita, tula, kwento, tindig sa isyu

may kolum ang pangulo ng K.P.M.L., basahin
editoryal ay pagsusuri sa lipunan natin
dyaryo'y kapara ng sugat kung inyong nanamnamin
na nagnanasang bawat pagdugo'y maaampat din

- gregoriovbituinjr.
10.25.2022

* ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Bilhin mo lang ang tinapay na gusto mo

BILHIN MO LANG ANG TINAPAY NA GUSTO MO

huwag kang bibili ng tinapay na di mo gusto
kung pinabili ka ng tinapay para sa grupo
na kung di nila kainin, kakain nito'y sino
lalo kung ikaw na bumili ay ayaw din nito

ah, sayang lamang ang tinapay na iyong binili
sayang ang pagod at perang dito'y ipinambili
kung paboritong tinapay ang binili'y mabuti
na kung di nila galawin ay di ka magsisisi

buti kung sinabi nila kung anong gusto nila
pandesal, pandelemon, pandecoco, ensaymada
subalit pag sinabi sa iyo'y bahala ka na
aba, ang bilhin mo'y ang paborito mo talaga

upang kung di man maubos tiyak na may kakain
pag tapos na ang pulong, ikaw ay may babaunin

- gregoriovbituinjr.
10.25.2022

Lunes, Oktubre 24, 2022

Pagsusulat sa pahayagang Taliba ng Maralita

PAGSUSULAT SA PAHAYAGANG TALIBA NG MARALITA
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pag tinatanong ako ng mga kakilalang manunulat kung saang pahayagan ako nagsusulat, ang tanging nasasabi ko ay: "Nagsusulat ako sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)."

Hindi ako nagsusulat sa iba pang publikasyon sa kasalukuyan kundi sa Taliba ng Maralita. Bagamat dati ay nagsusulat ako sa publikasyong Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (2003-2010), magasing Tambuli ng BMP (1998-1999), sa dalawang isyu ng magasing Maypagasa ng grupong Sanlakas (1997 at 1998), sa walong isyu ng magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (2011-2012), isang isyu ng pahayagang Ang Sosyalista ng PLM (bandang 2006 o 2007), sa pitong isyu ng magasing Tambuli ng Dakilang Lahi, na inilathala ng Kamalaysayan (2006).   

May nakabasa raw ng tula kong ambag sa magasing Liwayway, ngunit hindi ko nakita. May ilang artikulong nalathala sa tabloid na Dyaryo Uno (wala na ngayon). Nakapaglathala ng ilang Letter to the Editor sa Inquirer. May nalathalang sanaysay sa ANI 41 ng Cultural Center of the Philippines (CCP). Nagsimula ako bilang staffwriter ng dalawang taon at features and literary editor ng publikasyong pangkampus na The Featinean (1993-1997), at nakapag-ambag sa iba pang publikasyon. Subalit ang Taliba ng Maralita talaga ang nagbigay ng pagkakataon sa akin na magtuloy-tuloy sa pagsusulat. 

Nang magsimula ako sa KPML bilang staff noong 2001 hanggang 2008 ay isa ang Taliba ng Maralita sa aking inasikaso. Lumalabas ito ng isang beses kada tatlong buwan o apat na beses sa isang taon sa sukat na 11" x 17" na spreadsheet. Walong pahina.

Nang ako'y maging sekretaryo heneral na ng KPML noong Setyembre 2018 hanggang sa kasalukuyan, muli kong binuhay ang Taliba ng Maralita, at hindi ko ito pinabayaan. Ngunit hindi na 11" x 17" ang sukat kundi tiniklop na short bond paper, kaya lumiit na ang sukat. Dalawampung (20) pahina na. Noong simulan ito ng Setyembre 2018, ginawa namin itong isang beses isang buwan, hanggang Pebrero 2019. Subalit sa dami ng mga pangyayari, balita, at naiisip kathaing kwento, ay ginawa na namin itong dalawang beses isang buwan. Kaya simula Marso 2019 hanggang sa kasalukuyan ay dalawang isyu na kada buwan ang aming inilalathala. 

Tanging ang isyu ng Hulyo 2019 ang naiiba, isyung pang-SONA, dahil itong isyu lang ang muling naglathala ng sukat na 11" x 17", dahil may nag-sponsor. Walong pahina. Matapos ang isang beses na may naglathalang labas sa KPML, bumalik kami sa sukat ng short bond paper na may 20 pahina.

Sa layout, sa unang pahina lagi ang headline o tampok na artikulo o pangyayari sa loob ng nakaraang dalawang linggo. Ang pahina 2 ay hinggil sa batas at karapatan. Ang pahina 3 ay editoryal, cartoons, at adres ng pahayagan. Ang pahina 4, na maaaring maging pahina 4-5, ay ang kolum ng pambansang pangulo ng KPML. Ang pahina 20 ay pawang tula. Habang may isa o dalawang pahina para sa panitikan. Habang ang mga natira pang pahina ay para sa pahayag ng KPML sa mga isyu, balita maralita, komiks na Mara at Lita, at iba pang sanaysay na dapat ilathala upang mabasa ng mga kasapi ng KPML.

Pinagbubutihan namin ang paggawa nito upang may mabasa ang kasapian ng KPML hinggil sa iba't ibang isyu, balita, at paninindigan ng mga maralita. Dahil nalalathala rito ang kasaysayan at paninindigan ng KPML sa samutsaring isyu ng bayan, pati na mga aktibidad na dinadaluhan ng KPML ay tinitiyak naming may pahinang nakalaan sa mga iyon. Naging daluyan din ito ng mga pampanitikang akda tulad ng maikling kwento at mga tula.

Kaya kung may maghahanap ng kasaysayan at mga pahayag ng KPML mula Setyembre 2018 hanggang sa kasalukuyan ay may maipapakita tayo. Kaya sa mga nagtatanong sa akin na mga kakilala at kilalang manunulat kung saan ako nagsusulat, at saan nalalathala ang mga katha kong kwento at mga tula, aba'y ipinagmamalaki kong sabihing sa Taliba ng Maralita! Ang pagsusulat dito'y aking pinagbubutihan dahil ito lang ang tanging publikasyong naglalathala sa aking mga kwento, sanaysay, tula, at iba pang akda. Maraming salamat, Taliba ng Maralita, sa pagbibigay ng pagkakataon sa tulad kong manunulat.

Maraming salamat sa lahat ng mga sumusuporta sa Taliba ng Maralita! Mabuhay ang mga kasamang bumubuo ng ating publikasyon! Mabuhay din ang lahat ng mambabasa ng Taliba ng Maralita!

Tuliro

TULIRO

wala na naman sa huwisyo, utak ay magulo
sa dami ng alalahaning nakakatuliro
lubak-lubak ang mga daan, di pa aspaltado
kayraming atat sa tubo na di pa makuntento

ito ba'y uunahin o iyon muna'y gagawin
kayhirap kung sa trabaho'y maraming mabibitin
tadtad ng dedlayn, mga manok muna'y patukain
bago diligan ang tanim, tiyan muna'y palamnin

noon nga'y nagagawa kong sa panahon ng sigwa
ay iulat ang nakikita, agad ibalita
ngunit ngayon, dapat munang magkonsentra sa paksa
upang di sala-salabid ang talata't salita

minsan, nasa diwa'y ganyan nga ba ang manunulat
at ang makatang yaong paksa'y di makapanggulat
pagpahingahin din ang diwa sa maraming kalat
linisin ang isip upang maampat yaring sugat

- gregoriovbituinjr.
10.24.2022

Linggo, Oktubre 23, 2022

Pagdalo sa Balik-Alindog, Bantayog



PAGDALO SA BALIK-ALINDOG, BANTAYOG
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ang inyong lingkod sa agarang tumugon sa "Balik-Alindog, Bantayog" na proyekto ng Bantayog ng mga Bayani. Kaya inabangan ko ang petsang Oktubre 22, 1pm.

Ayon nga sa paanyaya ng Bantayog ng mga Bayani: "KITAKITS! Sama na sa first cleanup day sa Bantayog ng mga Bayani Foundation! Welcome ang bata o matanda. Tayo nang maglinis para sa katotohanan. Magsuot ng tamang damit. Magdala ng gwantes. Magdala ng kaibigan."

Nagdala ako ng gwantes at basahan upang mayroong magamit naman  at hindi nakatunganga. Dumating ako roon ng ika-12:30 ng tanghali, naghintay, hindi ko mga kilala ang mga naroon. Wala ang mga taga-PAHRA, PhilRights, BlockMarcos at iba pang grupong kilala ko. Gayunman, nang makita ako ng Executive Director ng PAHRA na si Ms. Mae ay kinumusta niya ako at buti raw ay nakarating. Sa kanyang talumpati ay binanggit niya ako bilang makata na dumalo sa nasabing pagtitipon.

Nagsalita roon si Atty. Chel Diokno na siyang Chairman ng Bantayog. At nag-emcee si Jun "Bayaw" Sabayton, na nang makita ako ay sinabing "O, nandito ka pala." Naroon din si Prof. Xiao Chua, na siya ring unang kumausap sa akin, "Hindi ba, nagkasama tayo sa Climate Reality? May bago ka bang libro diyan?" Ang sagot ko'y oo. Tamang-tama naman na may dala akong 101 Poetry at Liwanag at Dilim ni Jacinto, na binili naman niya.

Naglibot muna kami sa Bantayog Museum, bago ang paglilinis. Doon kami naglinis sa harap ng Bantayog ni Inang Bayan. Habang kami'y nagwawalis ng mga kalat na dahon, ay biglang umulan kaya natigil kami sa paglilinis, na ang mga nagpatuloy ay yaong mga nakakapote. Naubusan na ng kapote kaya wala akong nakuha, na sana'y patuloy din sana ang paglilinis ko.

Sumilong muna ang mga walang kapote, at nakita ako ng isa sa mga nag-organisa na basa ang tshirt, kaya binigyan niya ako ng tshirt na pula, na may tatak na Balik-Alindog, Bantayog, na may maliit na letrang @bantayogngmgabayani sa itaas ng malalaking letra.

Dahil sa patuloy na paglakas ng ulan, tinapos na ang programa bandang ika-3:30 ng hapon. Bago matapos ang programa ay nag-interbyu pa si Jun Sabayton, at isa ako sa natawag. Tanong niya: "Bakit mahalaga ang ginagawa nating ito?" Ang naging tugon ko, "Mahalaga ang paglilinis sa Bantayog kung gaanong mahalaga rin ang kasaysayan, at linisin din natin ito sa mga historical distortion."

Ako naman ay nagpaalam na bandang ikaapat ng hapon upang umuwi. Nang makauwi na'y naghanda ako ng tula hinggil sa aktibidad na ito na taospuso kong inaalay sa bawat nakiisa.

BALIK-ALINDOG, BANTAYOG

kaygandang layunin ng Balik-Alindog, Bantayog
tanggalin yaong duming sa puso'y nakadudurog
linisin ang kasinungalingan sa bayang irog
na kay Inang Bayan ay maibalik ang alindog

pagmamahal sa bayan ang paglinis nito ngayon
simbolo ng paglaban sa historical distortion
ating handog sa mga susunod pang henerasyon
mula sa mga pasakit, bayan ay maiahon

pagkilos ito ng mamamayang kumakandili
sa katotohanang ipinaglalabang matindi
sa mga naging martir na sa bayan ay nagsilbi
sa nakatayo nang Bantayog ng mga Bayani

ah, ibalik ang alindog ng Bantayog na ito
sagisag ng laksang buhay na naisakripisyo
para sa bayan, hustisya't karapatang pantao
sa sama-samang pagkilos ay kakamting totoo

- gregoriovbituinjr.
10.22.2022

Huwebes, Oktubre 20, 2022

Pansurò pala ang Tagalog ng dustpan




PANSURÒ PALA ANG TAGALOG NG DUSTPAN
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Binabasa ko ang maikling kwentong "Mga Tinig sa Dilim" ni Rosario De Guzman-Lingat sa kanyang aklat na "Si Juan: Beterano at iba pang kwento", pahina 85-99, nang mapuna ko ang isang salita, na sa tingin ko'y lumang Tagalog sa dustpan. 

Karaniwan kasi nating alam sa dustpan ay pandakot, subalit may iba pa pala. Ang pandakot kasi ay hindi lang dustpan kundi maaaring pala na pandakot ng buhangin. Mukhang eksakto ang pansurò para sa dustpan upang hindi maipagkamali sa pala.

Basahin natin ang dalawang talata na binabanggit ang pansurò sa pahina 86 ng nasabing aklat:

(1) May dala nang walis at pansurò ang babae nang magbalik. Maingat na tinipon ang durog na salamin, winalis sa pansurò. "Kumusta nga pala ang pinsan ninyo, Itay? Dumalaw kayo kangina, di ba?"

(2) Nailagay na ng babae ang lahat ng salaming basag sa pansurò. May kunot ng pag-aalala sa kanyang noo nang humarap sa kausap. "Bakit hindi pa ipasok sa pagamutan ng mga baliw? Higit siyang matutulungan doon."

Ipinakita ko ang usapan sa bawat talata, hindi lang ang pangungusap, upang mabatid natin paano ba isinulat ang kwento nang lumitaw ang salitang "pansurò" kaya natiyak nating dustpan ang tinutukoy.

Nagsaliksik pa tayo. Tiningnan natin sa makapal na UP Disksiyonaryong Filipino ang salitang pansurò, na binubuo ng unlaping "pan" at salitang ugat na "suro". Sa pahina 930 nito ay walang "pansurò" sa gitna ng mga salitang "pansuri" at "pant". Kaya tiningnan natin ang salitang ugat na "suro" sa pahina 1189, kung saan nakasulat:

su-rò png 1: salok na patulak, 2: pagtulis ng nguso, 3: [Sinaunang Tagalog] kutsara. Makikita sa titik o na may tuldik na paiwa sa taas na ito'y may impit ngunit mabagal ang bigkas, may diin sa "su". At sa kahulugan ay hindi lapat ang ikalawa at ikatlong kahulugan, subalit marahil ay ang una, dahil ang dustpan ay pandakot, na sumasalok na patulak, upang makuha ang dumi.

Marahil nga ay lumang Tagalog na hindi na ginagamit. Subalit kaygandang nakita natin ito na may sariling wika pala tayo para sa dustpan.

Napag-alaman natin sa Rizal Library website na si De Guzman-Lingat ay nabuhay mula 1924 hanggang 1997. Nakasulat doon: "Rosario de Guzman-Lingat (1924 – 1997) was a prolific Filipina author, producing the bulk of her writings from the 1960s to the 1970s.  Her works included novels and short stories that came out in the popular magazines of the time, scripts for television drams, essays, and poetry." http://rizal.library.ateneo.edu/index.php/node/796

Kaya ang salitang "pansurò" ay ginagamit noong bandang dekada singkwenta hanggang sisenta. Ayon sa kanyang talambuhay na sinulat ni Soledad Reyes, "Lubusang nanahimik si Lingat noong dekada walumpu subalit patuloy pa rin siyang bahagi ng sinumang magbabasa ng kanyang mga akda..."

Ngayon ay maaari na nating gamitin ang salitang "pansurò", at hindi lang "pandakot" (na magagamit din sa pala) para sa dustpan. Kumatha ako ng munting soneto hinggil dito.

PANSURÒ
Munting soneto ni GBJ

nabanggit sa isang kwento ang walis at pansurò
katumbas ng dustpan na salitang di pa naglahò
sa kwento ni Rosario De Guzman-Lingat nahangò
tila siya sa pag-unlad ng ating wika'y sugò

halina't Tagalog ng dustpan ay ating gamitin 
bilang ambag upang sariling wika'y payabungin
payak mang salita ngunt may katumbas sa atin
na ginamit ng husay ng mga ninuno natin

kaya pagpupugay, taos-pusong pasasalamat
ang ating paabot kay Rosario De Guzman-Lingat
kanyang mga kwento'y kaylalim mang kapara'y dagat
sa panitikang pambansa'y isa siyang alamat

teka, gagamitin ko muna ang pansuro't walis
upang mga alikabok sa paligid ay mapalis

10.20.2022

Sa bawat hakbang

SA BAWAT HAKBANG

sa bawat hakbang, patuloy pa ring nakikibaka
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya
itatag ang sistemang walang pagsasamantala
ng tao sa tao, walang kaapihan ang masa

sa bawat hakbang, kinakapa anong nasa budhi
kundi ang kabutihan ng kapwa't bayan kong sawi
durugin ang mapagsamantalang sistemang sanhi
ng laksa-laksang kahirapan ng maraming lipi

sa bawat hakbang, kalikasa'y pangangalagaan
kapaligiran ay di dapat maging basurahan
huwag minahin ang lupang ninuno't kabundukan
lutasin ang polusyon sa hangin at kalunsuran

sa bawat hakbang, sinasabuhay, sinasadiwa
ang prinsipyong makatao't makauring adhika
di nakalutang sa hangin, ang paa'y nasa lupa
para sa bayan, kapwa dukha't uring manggagawa

sa bawat hakbang, naglalakad sa daang maputik
o sa tigang na lupang pagkadukha'y natititik
sa kawalan ng hustisya, puso'y naghihimagsik
katarungan para sa lahat yaring aking hibik

- gregoriovbituinjr.
10.19.2022

Miyerkules, Oktubre 19, 2022

Mga aklat ng kwento

MGA AKLAT NG KWENTO

kailangan kong magbasa-basa ng mga kwento
upang ako'y maging pamilyar sa pagkatha nito
makilala ang may-akda't ang kanilang estilo
kung bakit kwento nila'y kinagiliwan ng tao

si Liwayway Arceo ay may "Mga Piling Katha"
kay Maximo Ramos ay kwento niyang saling wika
kay Rosario De Guzman-Lingat na kwentong kinatha
kay Rabindranath Tagore na kwento niyang akda

paano nga ba ang maiikling kwento'y gagawin
una, kwento nila'y basahin at sadyang namnamin
ang saya, lungkot, libog, tunggalian, luha'y damhin
upang makatas ang buod na isip ay pukawin

namnamin upang malasap yaong kaibuturan
ng kwentong kinatha sa kanilang kapanahunan
pagbabasa ng talata't anong nasa pagitan
upang pagkatha ng sariling kwento'y magampanan

sa mga may-akda ng kwento'y maraming salamat
dahil ang kanilang estilo'y nakakapagmulat
prinsipyo't lakang akda nila'y nadaramang sukat
na sa aking puso't diwa'y tila kulog at kidlat

- gregoriovbituinjr.
10.19.2022

* litrato ng mga aklat mula sa aklatan ng makata

Martes, Oktubre 18, 2022

Patuloy

PATULOY

patuloy pa rin ang pagsinta
ng mag-partner at mag-asawa
magiging anak ay biyaya
pagsinta'y pag-asa't ligaya

patuloy pa ring magkasandig
sa bawat isa'y umiibig
sa mga isyu'y tumitindig
sa mga mali'y di palupig

patuloy ang pagsasamahan
binubuo nila'y tahanan
pangarap sa kinabukasan
nawa'y mapagtatagumpayan

- gregoriovbituinjr.
10.18.2022

Lunes, Oktubre 17, 2022

Salamisim

SALAMISIM

nagtago ang buwan sa kabila ng mga ulap
tila ba ako'y di masambit ang mga pangarap
mayroong simuno't panaguri sa pangungusap
upang mabanggit ang nakalutang sa alapaap

nangingilid pa rin sa luha ang tangan kong pluma
bakit di pa rin lumalaya sa hirap ang masa?
mahirap pa rin ang masisipag na magsasaka
o ang talagang problema'y ang bulok na sistema?

dinig ko pa rin ang hunihan ng mga kuliglig
habang sa lamig ang katawan ko'y nangangaligkig
alagaan natin ang kalikasan at daigdig
at sa uring manggagawa'y makipagkapitbisig

patuloy akong susulat para sa uri't bayan
magpapahinga lang sa pagdatal ni Kamatayan

- gregoriovbituinjr.
10.17.2022

Linggo, Oktubre 16, 2022

Sa landas ng pagkatubos?

SA LANDAS NG PAGKATUBOS?

nahuling anak ng Sekretaryo
ng Kagawaran ng Katarungan
sangkilong kush o dwarf marijuana
yaong sa suspek ay nakumpiska

naulat na sabi ng Kalihim:
"I wish my son a path to redemption!"
kaypalad ng anak, di natokhang
napiit man, buhay hanggang ngayon

subalit sa maraming natokhang
mga pamilya'y nagtatangisan
walang due process, basta pinaslang
at sinabi lang sila'y nanlaban

dahil nga ba sila'y mga dukha
kaya wastong proseso ay wala
ang mga ina'y nangungulila
path to redemption ba'y nahan na nga?

ang redemption pala'y pagkatubos
tulad daw ng nangyari kay Hesus
bakit ang tinokhang, dito'y kapos?
hustisya ba'y may piring at gapos?

katarungan sa mga pinaslang!
panagutin ang maysala't halang!
path to redemption kaya'y may puwang?
kung dugo'y tigmak sa lupang tigang

- gregoriovbituinjr.
10.16.2022

Pinaghalawan:
redemption - 1. pagkatubos, pagtubos; 
2. sa teolohiyang Kristiyano, pagkakaligtas sa mga kasalanan
mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1044

Ka-birthday ko'y desaparesido

KA-BIRTHDAY KO'Y DESAPARESIDO

ka-birthday ko'y desaparesido
human rights worker siyang totoo
subalit dinaklot ng kung sino
noon, sa panahon ng marsyalo

Oktubre Dos nang sinilang siya
Mahatma Gandhi'y ka-birthday niya
sa active non-violence nanguna
tinuring na bayani sa Indya

Albert Enriquez ang kanyang ngalan
Top Ten student sa paaralan
sa Student Council naging chairman
nagsilbi ng mabuti sa bayan

nang siya'y pauwi na'y dinukot
na umano'y militar ang sangkot
yaong nangyari'y nakakalungkot
baka buhay na niya'y nilagot

hanggang ngayon, di pa nakikita
yaong katawan o bangkay niya
nahan na ang asam na hustisya
sana bangkay niya'y makita pa

ito pa rin ang sigaw ng madla:
panagutin ang mga maysala!
hustisya kay Abet na winala
katarungan sa bawat winala!

- gregoriovbituinjr.
10.16.2022

3 magkakasunod na araw na magkakaugnay

3 MAGKAKASUNOD NA ARAW NA MAGKAKAUGNAY

Oktubre 15
International Day of Rural Women
Idineklara dahil sa World Food Day

Oktubre 16
World Food Day
Pagkain para sa lahat! Kagutuman ay Solusyonan!

Oktubre 17
International Day for the Eradication of Poverty
Pagkain para sa Lahat! Kahirapan ay Labanan!

tatlong magkakasunod na araw
na pandaigdigan ang lumitaw
na kung dadalumatin mong tunay
ang pananaw ay magkakaugnay

kababaihan sa kanayunan
ang nagtatanim sa kabukiran
upang lutasin ang kagutuman
upang labanan ang kahirapan

halina't ating alalahanin
di ipagdiwang kundi kilanlin
ang magsasaka'y bayani natin
lumilikha ng ating pagkain

upang malutas ang kagutuman
upang labanan ang kahirapan
ang sistemang bulok na'y palitan
ng isang makataong lipunan

bayang walang pagsasamantala
pamayanang walang palamara
na ang umiiral na sistema'y
para sa lahat, para sa masa

- gregoriovbituinjr.
10.16.2022

Sabado, Oktubre 15, 2022

Awit

AWIT

pagpupugay sa mga mang-aawit ng uri't bayan
sa kanilang makabuluhang kanta sa sambayanan
itinataas ang moral ng mga kababaihan
ng uring manggagawa, ng maralita't kabataan

kanilang inilarawa'y sistemang puno ng dugo
sa panahong pulos dahas na buhay ang iginupo
na pati karapatang pantao'y dinuduro-duro
sistema ng bu-ang ay dapat tuluyan nang maglaho

bakas sa awit ang prinsipyo nila't paninindigan:
"Labanan ang karahasan! Igiit ang katarungan!"
nakita nilang sistema'y dapat baguhing tuluyan
at lipunang makatao'y itayo ng sambayanan

mabuhay kayong mang-aawit, tunay na inspirasyon
salamat sa inyong mga liriko't mabuting layon
dignidad ng uri at ng bayan ay iniaahon
mula sa kumunoy ng sistemang dapat nang ibaon

- gregoriovbituinjr.
10.15.2022

Biyernes, Oktubre 14, 2022

Kwento - Anong lamig ng katanghaliang tapat

ANONG LAMIG NG KATANGHALIANG TAPAT
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makulimlim ang langit. Tila nagbabanta na naman ang malakas na ulan. Narinig nga ni Aling Ligaya sa radyo na may bagyong paparating.

“Hoy, Luningning,” sabi niya sa anak, “ipasok mo na ang mga sinampay at mukhang uulan na. Nangingitim na ang mga ulap. Itaas na rin natin ang mga gamit at baka magbaha, tulad ng naranasan nating Ondoy noon, na biglaan. Nagulantang na lang tayong basa na lahat ng ating kagamitan.”

Naalala pa niya ang mga nakaraan. Kung paanong dinaklot ng Ondoy ang kanilang kabuhayan, Setyembre 26, 2009, labingtatlong taon na ang nakararaan. Sinasabi ng mga eksperto na dahil dito’y nagbabago na nga ang klima. Habang noong Nobyembre 8, 2013 ay nanalasa ang Yolanda sa pinanggalingang lalawigan na higit limang libong katao ang namatay.

Kamakailan lang ay dumalo sila sa patawag na pag-aaral ng grupong Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), kung saan tinalakay kung bakit nga ba nagbabago ang klima, at anong dapat nating gawin.

Naalala ni Aling Ligaya ang sinabi ng isang tagapagtalakay nito, na may mga usapan na sa pandaigdigang saklaw. “Nakikipaglaban at nagrarali tayo upang ipanawagan sa maraming bansa sa mundo na huwag nang paabutin pa sa 1.5 degree Celsius ang pag-iinit pa ng mundo. Noon ngang Okrubre 2018 ay sinabi na ng mga siyentipiko na labingdalawang taon na lang ang nalalabi upang ayusin natin ang mundo, kundi’y mapupunta na tayo sa tinatawag na ‘point of no return’ o hindi na tayo makakabalik sa dati. Baka lumubog na ang maraming isla. 2022 na, kaya walong taon na lang. Dapat tigilan na ang paggamit ng mga fossil fuel at pagsusunog ng coal, lalo na iyang nakakahumalingan nila ngayong natural gas, na lalong magpapalala sa pagbabago ng klima, at lalo pang pag-iinit ng mundo.”

Tinanong pa niya noon, “Ano pong dapat nating gawin, lalo na kaming mga maralita, na wala namang kakayahan upang makausap ang mga sinasabi ninyong lider ng mga bansa. Pagkain pa nga lang ay hirap na kami kung saan kukunin. Tapos, mananawagan pa kami ng climate justice?”

“Maganda ang tanong mo,” sabi ng tapapagtalakay, “Hindi totoo na dahil mahirap lang kayo ay wala kayong magagawa. Kung marami tayong sama-samang kikilos at mananawagan ng Climate Justice, at ang ating panawagang mag-shift na tayo sa renewable energy, mas maiparirinig natin ang ating tinig dahil sama-sama tayong nananawagan. Ang inyong pagdalo sa ating mga pagkilos ay malaking bagay na.” Tumango siya habang ramdam niya ang sagad sa butong lamig ng katanghaliang tapat.

Nasa gayon siyang pagmumuni nang naglagitikan na sa bubungan ang mga malalaking patak ng ulan. Kaluluto pa lang niya ng pananghalian ngunit hindi pa sila kumakain nang manalasa na ang bagyong Karding.

Binabaha pa naman ang kanilang lugar sa kaunting tikatik pa lamang. Barado na kasi ang kanal dahil sa mga basurang plastik, na kung kaya lang gawin ng pamahalaan ang tungkulin nito ay hindi sana sila binabaha. Iba pa ang usaping klima, na dahilan naman ay mga maruruming enerhiya.

“Nay, akyat na kayo dito sa ikalawang palapag ng bahay. Bumabaha na po!” Hinakot naman ni Aling Ligaya ang iba pang gamit upang dalhin sa itaas na silid. Buong tanghaling tapat na umulan. Mabuti’t tumila agad ang ulan at hindi nabuo ang kinatatakutang bagyo sa kanilang lugar.

Kinahapunan ay tinawagan si Aling Ligaya ng nagtalakay sa kanila noon hinggil sa klima. May pagkilos kinabukasan. Sumang-ayon naman si Aling Ligaya na isasama niya ang kanyang anak at ilang kapitbahay sa nasabing pagkilos.

Kinabukasan, sa tapat ng tanggapan ng Asian Development Bank (ADB), kasama ang ibang grupo, ay nakiisa sila sa panawagang huwag nang pondohan ng ADB ang mga dirty energy, tulad ng fossil fuel, coal at natural gas dahil palalalain lang nito ang pag-iinit pang lalo ng mundo,

Naging tagapagsalita ang kanyang anak na si Luningning, na nagsabi, “Saksi po ako sa mga nagaganap na pagbabago ng klima, dahil sa Ondoy at Ulysses, na kung ititigil ang pagpopondo sa mga fossil fuel ay baka bumuti pa ang ating kalagayan. Mag-shift na tayo sa renewable energy!”

Magaling nang magsalita ang kanyang anak, at nadama ni Aling Ligaya na mula sa puso at karanasan ang sinabi ni Luningning. “Tiyak magiging mabuting lider balang araw ang aking anak,” ang nasasaisip niya.

Natapos ang pagkilos, na ang nadarama ng kanilang kapitbahay ay pagmamalaki, dahil ang dalagitang tulad ni Luningning ay tulad ng isang bayaning pinaglalaban ang kinabukasan ng bayan at kanilang henerasyon.

Alam nila, mararanasan pa rin nila ang init ng katanghaliang tapat.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 1-15, 2022, pahina 18-19.

Pagsirit ng pamasahe

PAGSIRIT NG PAMASAHE

Mayo, pamasahe pa ri'y nwebe
Hunyo, sampu na ang pamasahe
Hulyo, pamasahe'y naging onse
Oktubre, ang minimum na'y dose

upang madagdagan din ang kita
nilang tsuper na namamasada
gaano man kasakit sa bulsa
ng pasaherong hirap talaga

mga nangyari'y napakabilis
nang sumirit ang presyo ng langis
buti't masa pa'y nakakatiis
inis na'y di makita ang inis

galit na'y di makitang magalit
bagamat lihim na nagngingitngit
karapatan ay di maigiit
baka maridtag ng mga pangit

pamasahe na'y nagtataasan
ngunit walang magawa ang tanan
magtipid at magtiis na lamang
habang wala pa ring welgang bayan

- gregoriovbituinjr.
10.14.2022

Tatsulok



TATSULOK

napakahirap din sa pamilya ng mayayaman
na ang anak ay mahuli't makulong sa piitan
lalo na't nakuha'y kush o dwarf marijuana naman
halos isang kilo, milyon ang halaga, O, Bayan

anak ng Kalihim ng Katarungan ang nadakip
na marahil madaragdag sa kulungang masikip
lumaya kaya agad kung may perang halukipkip?
hustisya kaya'y laruin nang anak ay masagip?

mabuti't nahuli, di pinaslang, tulad ng iba
na sa "War on Drugs" ay kayraming buhay ang wala na
patuloy pa ring lumuluha ang maraming ina
dahil pinaslang ang mahal na anak at asawa

ang anak-mayaman, nahuli na, ngunit kulong lang
sa dukha'y walang proseso, agad na pinapaslang
sabi pa'y nanlaban, kaya daw binirang tuluyan
hanggang ngayon, hanap ng mahal nila'y katarungan

"at ang hustisya ay para lang sa mayaman", sabi
sa awiting Tatsulok, ganito ba'y nangyayari?
katotohanang awit nang bata'y di magpagabi?
ah, tatsulok na'y baligtarin ng nakararami!

- gregoriovbituinjr.
10.14.2022

* mga litratong kuha sa google

Pagsulat ng nadalumat

PAGSULAT NG NADALUMAT laging abala ang aking diwa nakaraan ay sinasariwa kasalukuyan ay pulutgata hinaharap ay bagong simula paano babasahin...