Sabado, Enero 30, 2021

Bahay na imburnal?

Bahay na imburnal?

ganito ba ang buhay
ng mga walang bahay?
ngiti ba nila'y tunay?
o sila'y tila patay?

sila ba'y mamamayan
pa ba ng ating bayan?
bakit di matulungan
nitong pamahalaan?

iyan ba'y tahanan na?
iyan ba'y bahay nila?
anong kanilang dama?
nakangiting may dusa?

may sanggol na sinilang
may batang murang gulang
doon na ba nanahan
nang may masilungan lang

di ba kayo naawa
at wala ring magawa
sila ba’y isinumpa’t
ang dangal na’y nawala?

sa pang-imburnal yaon
gagamitin paglaon
pag napalayas doon
saan na paroroon?

* kuha ang litrato mula sa internet

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, pahina 20.

Biyernes, Enero 29, 2021

Ang panawagan ng ZOTO

Ang panawagan ng ZOTO

napakalalim subalit prinsipyado ang pakay
na ipaglaban ang karapatan, tayo'y magsikhay
tungo sa makatao at abot-kayang pabahay
panawagan ng ZOTO na mula sa puso'y tunay

nagtipon-tipon sila roong pinag-uusapan
ang mga hakbangin upang asam nila'y makamtan
kolektibong pagkilos, kolektibong talakayan
upang ito'y ipaglaban at mapagtagumpayan

mabuhay ang ZOTO - Zone One Tondo Organization
sa inaadhika nila't dakilang nilalayon
hindi lang iyan islogan kundi prinsipyo't misyon
na isasabuhay nati't tutuparin paglaon

pagpupugay sa lahat ng mga nakikibaka
upang kamtin ang pangarap na pabahay sa masa

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa dinaluhang asembliya sa Bantayog ng mga Bayani, 12.07.2020

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, pahina 20.

Huwebes, Enero 28, 2021

Soneto sa kalendaryo

walang anumang ginagamit akong kalendaryo
kundi tanging kalendaryong mayroon sa selpon ko
walang kalendaryong nakasabit sa dingding dito
walang natanggap at di rin ako bumili nito

kaya sa dilaw na papel ay isinulat na lang
ang petsa sa kalendaryo sakaling kailangan
kinabit sa dingding, petsa'y agad nang matitingnan
halimbawa'y nasa pulong o nagpaplano pa lang

anong araw tumama ang katorse ng Pebrero?
Lunes ba? Martes ba? Huwebes? Sabado? o Linggo?
kalendaryo'y ginawa lang, may gamit kasi rito
may papel, pentel pen, ayos, diskartehan lang ito

makakatulong ito sa iba, di man maganda
mahalaga'y may impormasyon sa araw at petsa

- gregoriovbituinjr.

Miyerkules, Enero 27, 2021

Sa pasilyo

SA PASILYO

naroroon sa pasilyo ang mga agam-agam
na di madalumat sa pagdatal ng siyam-siyam
lumbay ang kaakibat na animo'y di maparam
subalit nag-iisa man ay walang dinaramdam

dumadalaw ang mutya sa pagsapit ng kadimlan
musa ng panitik na nasa aking panagimpan
kaulayaw ko't tinitipa ang napag-usapan
ngunit siya'y nawawala na kinaumagahan

sa umaga'y lalampasuhin ang pasilyong iyon
na kahit sa pag-iisa'y masayang naroroon
habang nasa isip paano gampanan ang misyon
upang kamtin ng bayan ang dakilang nilalayon

ang pasilyo man ay pugad ng mga agam-agam
pag musa'y dumatal, lumbay ay agad napaparam

- gregoriovbituinjr.

Martes, Enero 26, 2021

Mag-yosibrick at upos ay hanapan ng solusyon

MAG-YOSIBRICK AT UPOS AY HANAPAN NG SOLUSYON

Master, sa titisan ilagay ang titis at upos
halimbawang sinigarilyo'y tuluyan nang naubos
sana'y maging malusog ka pa't hindi kinakapos
ng hininga kahit sunog baga ka pa't hikahos

maging disiplinado sa upos mong tinatapon
huwag ikalat at pitikin lang kung saan ayon
upang sa laot di isda ang dito'y makalulon
mag-yosibrik tayo't baka makatulong paglaon

paggawa ng yosibrik ay upang ipropaganda
na dapat gawing produkto ang sa upos ay hibla
kumausap ng imbentor kung ating makakaya
o kaya'y siyentipiko, bakasakali baga

kaya nga upos ng yosi'y huwag basta itapon
baka paglaon ay may makagawa ng imbensyon
mula sa hibla ng yosi, mayari ay sinturon
o kaya'y bag, sapatos, tsinelas, ito ang layon

hindi ba't nagagawang barong ang hibla ng pinya
nagagawa namang lubid ang hibla ng abaka
sa hibla ng upos ng yosi'y may magagawa pa
aralin natin ito bakasakaling magbunga

ikaw, sa problema ng upos, anong iyong tugon?
tara, tulong-tulong tayong gumawa ng solusyon
lutasin na ang basurang upos at titis ngayon
at kung anuman ang iyong mungkahi'y turan iyon

- tula't litrato ni gregoriovbituinjr.

Lunes, Enero 25, 2021

Ngayong Zero Waste Month, mag-ekobrik at mag-yosibrik

matinding panawagang huwag magpatumpik-tumpik
pagkat dagat at tao'y nalulunod na sa plastik
dahil din sa pandemya'y nagkalat na rin ang plastik
ngayong Zero Waste Month, mag-ekobrik at mag-yosibrik

halina't para sa kalikasan tayo'y lumahok
plastik ay gupitin ng maliliit at ipasok
doon sa loob ng boteng plastik ating isuksok
mga plastik naman ay basurang di nabubulok

hanggang maging tila brick na di madurog sa tigas
at gawin din natin ang yosibrik baka malutas
iyang problema ng upos na ating namamalas
na lulutang-lutang sa dagat, sadyang alingasngas

ngayong Zero Waste Month, lumahok tayo't magsikilos
sagipin ang bayan sa basurang plastik at upos
sa usaping ito'y may magagawa tayong lubos
sa kayraming basura'y halina't makipagtuos

- gregoriovbituinjr.
01.25.2021

* Ang buwan ng Enero ay Zero Waste Month. Idineklara ito sa pamamagitan ng Proclamation No. 760 ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2014.

Ang paggawa ng yosibrik

nag-ipon muna ako ng delatang walang laman
saka ginawang ashtray, sa Tagalog ay titisan
upang mga upos at titis ay may paglalagyan
na noong una nga'y labis kong pinandidirihan

ngunit dapat may gawin sa mga upos ng yosi
pagkat sa laot naglulutangan itong kayrami
ang madla'y walang magawa sa basurang sakbibi
na nilalamon ng mga isda't di mapakali

tulad ng ekobrik ay naisip kong mag-yosibrik
kung ekobrik ay pagsiksik ng ginupit na plastik
sa yosibrik naman, pulos upos ang sinisiksik
gamit ang glab at sipit sinuot sa boteng plastik

anong dahilan? bakasakaling may paggamitan
ang hibla ng upos, baka may imbensyong anuman
upang magamit din ang hibla't maging kagamitan
halimbawa'y bag, sinturon, o anumang lagayan

ipapakita kong maraming nagawang yosibrik
upang makumbinsi ang syentipikong magsaliksik
upang upos ay di na maging basurang sumiksik
sa laot, sa lansangan, sa basurahan nga'y hitik

ngayong Enero, Zero Waste Month, tayo na'y lumikha
nitong yosibrik bilang tugon sa problemang sadya
huwag nating gawing basurahan ang ating bansa
iyan ang aking panawagan, kaya ba? sige nga!

- gregoriovbituinjr.
01.25.2021

* Ang buwan ng Enero ay Zero Waste Month. Idineklara ito sa pamamagitan ng Proclamation No. 760 ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2014.

Nasaan si misis?

tanong nila, nasaan si misis, kasama mo ba?
oo, tanging nasabi ko, lagi siyang kasama
at nagtanong uli sila, e, nasaan nga siya?
narito, narito sa puso ko ang aking sinta
di lang siya nasa puso ko, ang puso ko'y siya

- gregoriovbituinjr.

Libay

ikaw lang ang aking libay ng buong kalupaan
kung saan labis kong minamahal at hinangaan
dahil sa busilak na puso't angking kabutihan
at tigib na kagandahan pag iyong nakagisnan

-gregoriovbituinjr.

* libay - babaeng usa, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 693

Linggo, Enero 24, 2021

Kwento: Pagpapakatao



PAGPAPAKATAO
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

“Iisa ang pagkatao ng lahat.” Ito ang aking nabasa sa akdang Liwanag at Dilim ng ating bayaning si Gat Emilio Jacinto. Napakaganda ng isinulat niyang ito, na halos kawangki ng isinulat niya sa Kartilya ng Katipunan. “Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao.”

Kaya naiisip ko kung marahil ang lahat ng tao ay nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao, baka wala nang pagsasamantala ng tao sa tao, baka wala nang sistemang kapitalismo na ang pangunahing layunin ay lagi nang pagsamantalahan ang manggagawa upang magkamal ng limpak-limpak na tubo. Tinanong ko ang ilang sektor hinggil dito, at anong pakahulugan nila sa pagpapakatao.

“Kung ako ang kapitalista,” sabi ng manggagawang si Kulas, “aba’y gagawin kong regular ang aking mga manggagawa, at babayaran ko ng tama ang kanilang lakas-paggawa. Sa ganito man lang ay makita nilang kahit ako’y kapitalista, ako’y makatao at mahusay makipagkapwa.”

“Aba, kung ako naman ang manedsment sa isang kumpanya,” ang sabi naman ng regular na manggagawang si Igme, “Ipapantay ko ang minimum na sahod sa living wage o nakabubuhay na sahod na nakasaad sa Konstitusyon ng bansa.”

“Ang gaganda ng inyong panukala,” ikako naman, “kung kayo ang kapitalista o manedsment ng kumpanya, kaso hindi eh. Kaya panaginip lang ang lahat ng iyan. Kalikasan kasi ng kapitalismo na durugin at lamunin ang kanyang mga katunggali sa negosyo. Kaya nga pinatatanggap nila sa atin ang salitang kumpetisyon, imbes na kooperasyon. Hindi kasi sila kikita ng malaki o magkakamal ng limpak-limpak na tubo kung pulos kooperasyon sila sa kanilang katunggali. Aba’y pababaan nga sila ng sahod ng manggagawa. Iyan ang kumpetisyon sa kanila. Kung ganyan ang kalikasan ng isinusuka nating sistema, paano ang sinasabi nating dapat silang magpakatao o makipagkapwa?”

“Tama ka,” sabat naman ni Aling Tikya, “hangga’t bulok ang sistema, hangga’t nangingibabaw ang patriyarkal na sistema, mananatili pa ring second class citizen kaming mga babae. Itinuturing na pambahay lang at tagapag-alaga ng mga bata. Disin kasi kami’y nagbubuntis at kayong mga diyaskeng lalaki ay hindi! Aba’y dapat lang baguhin ang sistemang bulok!”

“Kung nagpapakatao ang mga taong gobyerno, dapat mas buwisan nila ang mga mayayaman, kaysa mahihirap. Sa ngayon, dahil sa VAT, pare-pareho lang ang kaltas sa mga binili ng mahirap at mayaman. Tax the rich, not the poor. Sa totoo lang, ang pulubing maghapong kumita sa panlilimos, pag bumili ng pamatid-gutom na noodles para sa kanyang pamilya, aba’y may buwis agad. May 12% VAT agad na kaltas kasi sa bawat produkto,” sabi naman ng gurong si Mang Ramon.

“Pati nga ang karapatan sa edukasyon at kalusugan ay may presyo sa ilalim ng ganitong sistema ng lipunan. Karapatan na iyon, ha?” dagdag pa ni Mang Ramon. “Kaya ano ang sinasabi nating magpakatap at makipagkapwa tao ang mga nasa educational system natin, gayong sila ang hindi kikita o sasahod kung hindi magbabayad ng mahal sa edukasyon ang mga estudyante. Lalo na ang mga ospital na nais isapribado. Ang matindi pa sa ganitong sistema, pag isinugod mo sa ospital ang misis mong maysakit, hindi kayo agad tatanggapin kung wala kayong pandeposit, iyan ba ang pagpapakatao at pakikipagkapwa?

“Kung talagang nagpapakatao at nakikipagkapwa ang kapulisan, o mismong pamahalaan natin, sana’y buhay pa ang aking anak. Sana dinaan nila sa wastong proseso ang ginawa nilang pagsupil sa mga nagdodroga, upang makita nilang hindi nagdodroga ang anak ko. Kung may kasalanan man siya, dapat siyang makulong, at bilang ina ay nais ko siyang madalaw kahit sa kulungan upang ipakita ang pagmamahal ko bilang ina, hindi ang madalaw siya upang tirikan ng kandila sa sementeryo,” may halong galit at luha ang mahabang paliwanag naman ni Aling Nanette.

Natahimik kaming lahat sa kanyang tinuran.

Matitindi ang samutsaring ideyang nagsisilabasan na talaga namang nakapupukaw ng kaisipan. Malayo pa ang ating tatahakin upang talagang matamasa natin ang tunay na pagpapakatao at pakikipagkapwa.

Nakasakay ako sa dyip minsan patungo sa isang pulong nang mapansin ko kung paano ba nagpapakatao at nakikipagkapwa ang bawat isa. Sa loob ng dyip ko iyon nakita: Sa pagbabayad ng pamasahe at pag-aabot ng sukli ng mga taong hindi magkakakilala subalit kapwa naglalakbay. Aabutin ang bayad at ibibigay sa drayber, at ibabalik naman ang sukli sa pasahero nang hindi kinukupit ang pera. May katapatan sa puso’t diwa na ibalik ang sukli. Ah, naisip ko lang, may pag-asa pa.

Kung sa bayad-sukli ay may tapat na pagdadamayan na ang mga tao, hindi malayong ang inaasam nating pagkakatao at pakikipagkapwa tao ay masilayan natin talaga. Baka hindi sa panahon ng pananalasa ng bulok na sistemang kapitalismo, kundi sa susunod na yugto nito. Sa ibang sistema.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2021, pahina 16-17.

Abo sa lupa laban sa salot

nakatulong ang payong lagyan ng abo ang lupa
upang mapigilan ang dahilan ng pagkasira
ng mga dahon ng kamatis na sadyang nawala
may maliliit na susô raw sa lupa'y gumawa

mabuting may tirang abo ng yosi sa titisan
at siya kong inilagay sa lupang aking tinamnan
ng kamatis at napansin kong ito'y napigilan
sana salot na yaon ay mawala nang tuluyan

kinakain ng kulisap ang dahon, akala ko
kaya tanim ay inilayo ng may limang metro
dingding ang pagitan, sadyang inilayo ng pwesto
at humingi rin ng payo sa facebook dahil dito

ngayong may pandemya'y natuto na akong magtanim
upang mawala ang alinlangan sa ambang lagim
buti't tanim kong sili'y di nagalaw ng rimarim
na salot sa lupang dahilan nitong paninimdim

salamat sa mga magsasakang nagpayo niyon
sa facebook, kamatis ko sana'y magbunga paglaon
salamat na rin sa nagyoyosi't nagkasolusyon,
bukod sa proyektong yosibrick ay may bagong misyon

- gregoriovbituinjr.

Paghuhugas ng pinggan sa umaga

paghuhugas ng pinggan, kutsara, tinidor, baso't
iba pa tuwing umaga'y akin nang ehersisyo
pagkat sa umaga malakas ang tulo sa gripo
lalo't sa gabi'y antok na't wala pang tulo ito

paghuhugas nito'y panahon din ng pagninilay
naiisip ang samutsaring paksang makukulay
pulitika, matematika, karaniwang bagay
at pag-alagata sa awit ng pagsintang tunay

habang nagsasabon, mga isyu ng maralita
habang nagbabanlaw, balita't usaping paggawa
habang nagsasalansan, kababaihan at bata
habang nagpupunas, isyu't karapatan ng madla

ang daigdig ay tingnan sa paraang positibo
nakatingala man sa langit o nasa lababo
may pandemya man, tuloy ang laban, tuloy ang bisyo
kong pagkatha ng buhay, tula, sanaysay, at kwento

magandang ehersisyo ang paghuhugas ng pinggan
lalo't kayraming nagkakarambola sa isipan
samutsaring ligaya, libog, agam, alinlangan
paraan din ito ng pagtanggal ng alinsangan

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Enero 23, 2021

Batas ng Kapital

Batas ng Kapital
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakamura. Kailangan lang maglibot at mag-ikot. Walong tali ng okra, P5 isang tali, pito ang laman. Sa talipapa katapat ng palengke. Habang sa loob ng palengke, P10 isang tali, apat ang laman.

Kaya imbes P80 sa walong tali ng okra, nabili ko ito ng P40 lang. Kinapa ko at binali ang dulo, mura pa at di magulang.

Nakamura sa paboritong okra. Marahil, napakarami nito sa pinanggalingan. Law of supply and demand. O kaya, malaki ang bayad sa stall sa loob ng palengke kaya may patong sa presyo ng okra. At maliit ang bayad sa stall sa talipapa kaya mura ang okra.

#buhayvegetarianatbudgetarian

Isuot nang tama ang face mask

nag-selfie ako sa nadaanan kong karatula,
na "Wag Kang Pasaway!" na ang pinta pa'y pulang-pula
at "Isuot nang tama ang iyong mask!" ang sabi pa
pagkat bilin nilang ito sa masa'y mahalaga

nitong panahon ng pandemya'y may banta sa ating
kalusugan kaya dapat na mag-social distancing
face mask at face shield nati'y suutin ang tanging hiling
ito'y paggalang na rin sa iba, sa kapwa natin

tiyaking may alkohol kang dala't laging maghinaw
ng kamay upang kalusugan nati'y di mamanglaw
kaydaling sundin, mag-face mask ka, huwag kang pasaway
igalang ang ating kapwa't kayrami nang namatay

kung di ka man naniniwala sa coronavirus
huwag kaming idamay sa paniwala mong lubos
"Wag kang pasaway!" kahit sumama ka lang sa agos
huwag pasaway pagkat magkasakit ay magastos

- gregoriovbituinjr.

Miyerkules, Enero 20, 2021

Ako'y makikiisa kung may Diliman Commune Part Two

Ako'y makikiisa kung may Diliman Commune Part Two
Upang maging bahagi ng bagong kasaysayang ito
Upang labanan ang anumang ligalig at pasismo
Lalo't ako'y aktibista mula paa hanggang ulo

Hindi ako naging estudyante ng U.P, ah, hindi
Ngunit ang tulad ko'y kaytagal ding doon namalagi
Pag may paseminar ang Sanlakas, BMP't kauri
Pag may pagtitipon ang Laban ng Masa'y kabahagi

At sa paseroksan doon, mga libro ko'y ginawa
Doon nagpraktis ang Climate Walk bago mangibang bansa
Kaya bahagi ang U.P. ng pagkatao ko't diwa
Pag ito'y sinaling, sa bagong Komyun kaisang diwa

- gregoriovbituinjr.
01.20.2021

Matapos mabasa ang mga balita sa kawing na:

Huwebes, Enero 14, 2021

Kwento: Pagsalubong sa Bagong Taon


PAGSALUBONG SA BAGONG TAON
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Sinasalubong ng mamamayan ng daigdig, saanmang bansa nagmula, anumang lahi ang pinanggalingan, anumang kulay ng kanilang balat, ang pagsapit ng Bagong Taon. Sinasalubong nila ito sa pamamagitan ng mga makukulay na paputok. Madalas na Enero a-Uno ng madaling araw ay ipalalabas na sa balita sa telebisyon ang mga Bagong Taon sa iba’t ibang panig ng mundo, na ang madalas ipakita ay pawang mga paputok.

Habang sa Pilipinas, mapapanood mo sa mga ulat sa telebisyon ang mga kabataang naputukan ng daliri. Halos taun-taon na lang ay nadarag-dagan ang bilang ng mga naputukan. Maaaring mas mababa ang bilang ng naputukan ngayon kumpara noong nakaraang taon subalit walang nabawas sa bilang. May Bagong Taon pang may nabaril na bata. Namatay. Ah, dapat ngang ipagbawal ang pagpapaputok ng baril pag Bagong Taon.

Tingnan natin ang kwento ng dalawang kakilala ko. Magkaiba sila ng dahilan kung paano sila nawalan ng daliri. Si Inggo ay nawalan ng daliri noong nakaraang Bagong Taon dahil naputukan ng malakas na paputok, iyon bang Goodbye Philippines kung tawagin. Kaya iyon, Goodbye Daliri rin siya. Si Igme naman ay nawalan ng daliri nitong nakaraang taon din lang, bagamat hindi Bagong Taon, Kalagitnaan ng taon nang maipit ng makina ang kanyang tatlong daliri, ang hintuturo, ang hinlalato at ang palasinsingan. Naiwan na lang sa kanya ang hinlalaki at kalingkingan. Ah, paano ba natin sinasalubong ang Bagong Taon? Nagtanong-tanong ako.

Sabi ni Aling Rosa, “Dapat sa media noche pa lang ay marami na kayong mga prutas na bilog sa inyong lamesa. Tapos, magsuot din kayo ng mga kamisetang may tatak o disenyong bilog-bilog. Ito kasi ang sabi ng mga matatanda sa amin noong araw. Swerte raw ang mga bilog-bilog.”

Ayon naman kay Mang Kiko, “Noong araw, noong bata pa kami, asayment namin sa eskwela ang pagsulat ng mga New Year’s resolution. Ginagawa naman namin, hindi ang pagsasabuhay ng resolusyon, kundi ‘yung asayment, para makapasa naman kami at tumaas ang grado.”

“Nagpapahula naman ako pag Bagong Taon,” ani Impong Nena, “Ano bang kakaharapin ko ngayong taon? Bakasakaling tumama sa lotto ang mga numero ko.”

“Alam mo, Utoy,” ani Tata Bestre, “Kaya nagpapaputok ang mga tao sa Bagong Taon, dahil sa paniwalang tinataboy nito ang mga masasamang espiritu, at mawala ang mga kamalasan. At salubungin natin ay swerte.”

Marami pang mga kwentong kaugnay sa Bagong Taon. At ito ang matindi, nang makausap ko na’y manggagawa, tulad ni Ka Pilo, isang lider-manggagawa at pangulo ng isang unyon ng manggagawa sa Pasig.

“Bagong Taon? Bagong petsa lang naman iyan sa kalendaryo. Pero lumang sistema pa rin! Kung nuong nakaraang dalawa o limang taon ay kontraktwal na manggagawa ka, kontraktwal ka pa rin naman ngayon. Hindi nasusunod ‘yung patakarang pag nakaanim na buwan ka na, dapat maging regular ka nang manggagawa. Kaya nga walang pagbabago sa Bagong Taon. Pagbabago lang iyan ng petsa, hindi pagbabago sa buhay at kalakaran ng bulok na sistema ng lipunan!” Ito ang mariing sinabi ni Ka Pilo nang aking makausap.

Ayon naman kay Ka Miguel, na kanyang bise-presidente sa unyon, “Wala talagang pagbabago kahit Bagong Taon. Tingnan mo na lang ang sahod ng manggagawa, napakababa kumpara sa sinasabing living wage sa Konstitusyon na dapat sahod na makabubuhay. Ano pa? Magkakaiba rin ang pasahod sa bawat rehiyon. Kung dito sa NCR ay P519 ang minimum wage o natatanggap ng manggagawa, sa Laguna ay P400 lang, sa Visayas ay P310 lang, at sa Davao ay P300 lang. Aba’y dahil iyan sa mga Regional Wage Board na nagtatakda ng sahod. Aba’y nakokontrol ng pamahalaan ang sahod ng mga manggagawa ngunit hindi nila makontrol ang presyo ng mga bilihin. Nakakapikon, di ba? Kaya anong ipagsasaya natin sa Bagong Taon maliban sa nagbagong petsa?”

“Kung nais nating ipagdiwang ang Bagong Taon,” hirit ko, “dapat pala bago na rin ang sistema. Pag naipanalo na ng uring manggagawa ang inaasam niyang pandaigdigang lipunang makatao, isang lipunang walang pang-aapi at walang pagsasamantala ng tao sa tao, isang lipunang nangangalaga sa kalikasan at kapaligiran, isang lipunang ang bawat isa’y nagpapakatao at nakikipagkapwa tao.”

“Iyan, tama ka, iho.” Sabi ni Ka Pilo, “Kaya patuloy tayong magmulat at mag-organisa upang makamit natin ang lipunan nating pinapangarap.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2021, pahina 13-14.

Tanagà laban sa pagsasamantala

TANAGA LABAN SA PAGSASAMANTALA

1
aping-api ang dukha
at uring manggagawa
inapi ng kuhila
pagkat mayamang sadya

2
ano bang dapat gawin
upang ito’y tapusin
bayan muna’y suriin
lipunan ay aralin

3
umano sanhi nito’y
pag-aaring pribado
pagkat mayroon nito’y
siyang haring totoo

4
pribadong pag-aari
ay di kapuri-puri
kung ito yaong sanhi
ng dusa sa kalahi

5
napagsamantalahan
ang mga walang yaman
at naghahari naman
yaong tuso’t gahaman

6
ipunang sosyalista’y
pangarap sa tuwina 
obrero, magkaisa
baguhin ang sistema

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, pahina 20.

Miyerkules, Enero 13, 2021

Huwag mahirati sa facebook

HUWAG MAHIRATI SA FACEBOOK

huwag kang mahirating sa facebook nakikibaka
nanunuligsa ng mali gamit ang social media
bagamat walang mali rito pagkat may pandemya
mabuting sa masa'y harapan ding makipagkita

tama lamang na social media'y imaksimisa mo
lalo't may protokol upang di mahawa ang tao
ngunit kung ito lang, nasisikmura mo ba ito?
iba pa rin pag ang masa'y kaharap na totoo

gamitin ang facebook upang balita'y maihatid
gamitin ang social media kung may ipababatid
gamitin ang teknolohiya't labanan ang ganid
at mapagsamantala sa ating uri't kapatid

huwag kang mahirating sa facebook lang kumikilos
mabuting tingnan mo ang buhay na kalunos-lunos
at kausaping personal ang maralita't kapos
at palakasin ang loob nilang mga hikahos

- gregoriovbituinjr.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2021, pahina 20.

Martes, Enero 12, 2021

Puspusang pakikibaka

PUSPUSANG PAKIKIBAKA

ayokong dumako sa sentro ng katiwalian
lalo na’y nakakasira ng ating katauhan
na winawalis lang yaong salapi sa hangganan
hinihigaan ang perang galing sa kabang bayan

naroroon lang ako, nakikibakang totoo
kasama ang mga dukha’t laksa-laksang obrero
upang itayo ang isang lipunang makatao’t
yugyugin ang mapagsamantalang kapitalismo

puspusang paglilingkod, puspusang pakikibaka
nangangarap ng pagbabago kasama ng masa
kolektibong kumikilos, walang idolong isa
wala ring manunubos na inaasahan nila

pagkat nasa kamay ng uring manggagawa’t masa
ang pinapangarap nating panlipunang hustisya
tuloy ang laban, patuloy tayong mag-organisa
hangga’t tunay na lipunang makatao’y kamtin na

- gregoriovbituinjr.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2021, pahina 20.

Lunes, Enero 11, 2021

Ang salin ng tenant sa wikang Filipino

ANG SALIN NG TENANT SA WIKANG FILIPINO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa mga nakaengkwentro kong salitang talagang dapat pag-isipan kung paano isasalin mula sa Ingles patungong wikang Filipino ay ang TENANT. Ano kaya ang tamang salin ng tenant batay sa gamit nito?

Nagsaliksik ako. Sa dalawang diskyunaryong ginagamit ko ay nakita ko ang kahulugan sa wikang Filipino ang tennt. Sa English-Tagalog Dictionary ni Fr. Leo James English, 33rd printing - 2009, pahina 1062, ang tenant ay:
(1) noun,a person paying rent for the use of land or building. Nangungupahan. Ingkilino (Spanish).
(2) a tenant in land holding: Kasamá.
(3) one that occupies or dwells: Ang nakatira (tumitira).
(4) verb, to hold or occupy as a tenant: Umupa, mangupahan, upahan.

Sa UP Diksiyonaryong Filipino naman, Ikalawang Edisyon 2010, Virgilio S. Almario - Editor, pahina 1241, ang tenant ay: png [Ingles] 1: tao na nagbabayad upang umokupa o gumamit sa lupa, gusali, at iba pa. 2: Agr kasamá. (Ang daglat na Agr ay Agrikultura.)

Sa dalawang diksyunaryo, nangingibabaw ang dalawang salin: nangungupahan at kasamá. Subalit pag iningles natin ang nangungupahan at kasamá, karaniwang hindi agad tenant ang naiisip ng tulad kong laki sa lungsod kundi renter para sa nangungupahan at comrade para sa kasamá, na may tuldik na pahilis sa ikatlong pantig, at companion para sa kasáma kung ang tuldik na pahilis ay nasa ikalawang pantig.

Kaya ano dapat ang salin? Kung gagamitin ko ang nangungupahan batay sa salin ng diksyunaryo, baka mali. Dahil sa palagay ko'y malaki ang kaibahan ng ng renter sa tenant. Ang renter, tulad ng mga nangungupahan ng isang kwarto o isang bahay sa lungsod, ay iba sa tenant. Ang tenant naman ay nangungupahan subalit siya na rin ang nangangasiwa o itinalagang tagapangalaga ng ari-arian ng may-ari. Kaya hindi renter at hindi nangungupahan ang ginagawa kong salin. Sa usapin ng mga maralitang lungsod ay kilala ang katawagang renter dahil din ito ang mga lumilitaw sa mga negosasyon hinggil sa usaping pabahay.

May iba pang salita ang kasamá sa wikang FIlipino, na maaaring pag-isipan din. Sa UP Diksiyonaryong Filipino ay ito ang iba pang kahulugan ng kasama, na ang iba'y nasa wikang lalawiganin: abe, agom, asosyado, gayyem, iba, kada, kauban, kavulun, at kompanyero. Subalit hindi ko iyon magagamit sa ngayon kung mas nais kong maunawaan ng mambabasa ang aking isinalin.

Kaya ano ang dapat na pagsasalin, lalo na ngayong may mga isinasalin akong akda ng ibang manunulat, at ito ngang tenant ang isa sa pinagkunutan ko ng noo. Na marahil ay madali lang sa mga laking probinsya, na may malawak na karanasan sa mga sakahan. Kailangan ko pang umuwi ng lalawigan upang matukoy talaga ang tamang salita sa aking isinasalin.

May nagsabi sa akin, ginagamit na ang tenant sa mga usapan sa wikang Filipino, bakit hindi mo iyon gamitin? Tama naman siya. Baka iyon na nga ang aking gamitin kaysa magsalin pa ng iba. Minsan, naiisip kong isalin ang tenant na tenante, na parang tenyente. Subalit wala naman nito sa diksyunaryo.

Sumang-ayon ako sa sinabi ng aking nakatatandang kapatid na babae na matagal nang nakatira sa lalawigan, na ayon sa kanya ang tenant ay tinatawag na kasama na mabilis ang pagbigkas. Dahil lalawigan ang setting ng akdang aking isinasalin, ginamit ko ang kasamá, na may tuldik na pahilis sa ikatlong titik a at binibigkas ng mabilis, bilang salin ng tenant, at ang kasama na mabagal ang bigkas bilang salin ng comrade o companion.

Sa ganito ko nalutas ang problemang ito. Gayunman, dapat pa ring mas maunawaan ng mambabasa ang gamit ng ating mga tuldik sa balarilang Pilipino, na marahil ay napag-aralan nila nuong elementarya, upang mapag-iba nila ang kasama sa kasamá.

Biyernes, Enero 08, 2021

Ang proyektong yosibrick

Ang proyektong yosibrick

iniipon ko ang mga upos ng sigarilyo
pagkat isa sa naglipanang basura sa mundo
gagawing parang ekobrick, yosibrick ang tawag ko
tinitipon bakasakaling may magawa rito

di lang ito pagsiksik ng upos sa boteng plastik
kundi mabatid sa basurang ito'y may umimik
may magagawa ba sa upos na nagsusumiksik
sa kanal, lansangan, sa laot nga'y basurang hitik

di ako nagyoyosi, ito'y akin lang tinipon
upang gawing yosibrick habang hanap ay solusyon
sa hibla nito'y baka may magawa pang imbensyon
baka mayari'y bag, sapatos, pitaka, sinturon

ang upos ng yosi'y binubuo ng mga hibla
nagagawang lubid ang mga hibla ng abaka
at nagagawang barong ang mga hibla ng pinya
sa hibla naman ng upos baka may magawa pa

panimula pa lang itong yosibrick na nabanggit
baka may maimbentong hibla nito'y magagamit
na sana'y may magawa pa ritong sulit na sulit
para sa kalikasan, ito ang munti kong hirit

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Enero 07, 2021

Gamit na mantika'y huwag itapon sa lababo

Gamit na mantika'y huwag itapon sa lababo

isang alalahanin yaong sadyang sumambulat
pagkat tayo ang tinamaan sa isiniwalat
ng ulat na kapaligiran nati'y nawawarat
dahil sa ating kagagawang di pala marapat

mga gamit na mantika'y huwag basta itapon
sa lababo, saan ba natin ibubuhos iyon?
itong sabi sa ulat, ano bang kanilang layon?
magsuring mabuti't anong ating maitutulong?

mantika'y maaaring dumaloy sa sapa't ilog
o sa karagatan o sa katubigang kanugnog
papatay sa mga isda, tanim ay malalamog
apektado pa'y ibang nilalang na madudurog

sasakalin ng gamit na mantika ang nilalang
pupuluputan ng sebo ang kanilang katawan
nakababahalang ulat na dapat lang malaman
nang ito'y malapatan ng angkop na kalutasan

- gregoriovbituinjr.

* ang ulat at litrato'y mula sa fb page ng kumpanyang RMC Oil Ecosolutions

Miyerkules, Enero 06, 2021

Mga tiket ng bus

Mga tiket ng bus

basura na ba sila matapos bumaba ng bus
na mahalagang papel sa paglalakbay mong lubos
na naipon ko pala sa bag patunay ng gastos
sa kabila ng tag-araw at pagdatal na unos

maliit mang papel yaong minsan nasusulatan
ng mga salitang dumaplis na napagnilayan
ng taludtod na di dapat mawaglit sa isipan
ng saknong na hangad ay pagbabago ng lipunan

mga tiket ng bus na saksi sa maraming kwento
at karanasan habang ako'y paroo't parito
mga kwentong kung tipunin ay maisasalibro
upang maipabasa sa mga anak at apo

mga tiket bang ito'y dapat ko nang ibasura
pagkat basura na lang sa bag ko't wala nang kwenta
serbisyo sa paglalakbay nga'y iyon ang halaga
subalit dahil nagamit na'y dapat itapon na

- gregoriovbituinjr.

Sa kaarawan ng aking kabiyak

 

 Sa kaarawan ng aking kabiyak

Liberty ang pangalan na kaytagal kong hinanap
Hanggang makadaupang palad ang paglayang hagilap
Liberty, Freedom, Paglaya, Kasarinlang pangarap
Nasa'y pagbabago ng lipunang walang nagpapanggap

Sa kaarawan mo, O, Liberty kong sinisinta
Nananahan ka na sa aking puso't laging kasama
Bawat igkas niring panitik ay ikaw ang musa
Ikaw ang diwata sa balintataw ko't humalina

Sa panahon man ng pandemya't maraming kawalan
Nawa'y lagi kang malusog at malakas ang katawan
Bating mula sa puso'y "Maligayang kaarawan!"
At gaya ng sabi nila, "Have many more birthdays to come!"

- gregoriovbituinjr
01.06.2020

Biyernes, Enero 01, 2021

Di dapat antas-dalo lang

DI DAPAT ANTAS-DALO LANG

dapat kumilos tungong pagbabagong panlipunan
ang ating napapasama sa rali sa lansangan
di dapat antas-dalo ang kanilang kahinatnan
ito'y napagtanto ko sa maraming karanasan

dapat mapakilos silang nagkakaisang diwa
nagkakaisang puso, tindig, dangal, at adhika
pinag-alab ang apoy sa damdaming di humupa
upang palitan na ang sistemang kasumpa-sumpa

di dapat hanggang antas-dalo lang ang mapakilos
kundi unti-unting mamulat bakit may hikahos
sasama sa rali, kakabig dahil kinakapos
pag ganyan ang nangyari'y wala tayong matatapos

kung antas-dalo lang, di nauunawa ang layon
dahil walang magawa't nakatunganga maghapon
dama mo ba'y bigo sa pag-oorganisang iyon?
humayo't maging masigasig sa inyong natipon

- gregoriovbituinjr.
01.01.2021

Pinyuyir Tuol

PINYUYIR TUOL
(an acrostic poem)

Pagbati po sa inyo ng Manigong Bagong Taon
Ito'y mula sa puso't diwang hindi makakahon
Nais kong pasalamatan ang bawat isa ngayon
Yamang naging bahagi kayo ng buhay ko't layon
Uugitin natin ang magandang kinabukasan
Yaring buhay na'y aking inalay para sa bayan
Itatayo ang pinapangarap nating lipunan
Rinig mo iyon sa pintig ng puso ko't isipan
Tutulan bawat pang-aapi't pagsasamantala
Upang makataong lipunan ay maitatag pa
O, Manigong Bagong Taon muli't bagong pag-asa
Lalo't naririto pang malakas at humihinga
- gregoriovbituinjr.
01.01.2021

Ang maikling kwento sa Taliba ng Maralita

ANG MAIKLING KWENTO SA TALIBA NG MARALITA Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. May ilan pang isyu ng  Taliba ng Maralita , ang...