Sabado, Marso 23, 2019

Si Oriang, ang Lakambini

SI ORIANG, ANG LAKAMBINI

Si Oriang, bayani, asawa
Lakambini ng Katipunan
Matapang na Katipunera
Para sa bayang tinubuan

Ikaw ang mithing binibini
Ng bayani't Supremo Andres
Itinalagang Lakambini
Nang bayan ay di na magtiis

Magkatuwang kayo ni Andres
Sa Katipunang pinagpala
Susupil sa pagmamalabis
Ng mga Kastilang kuhila

Kay Andres, di ka lang asawa
Di ka lang inspirasyon kundi
Kasama sa pakikibaka
At kalayaan ang lunggati

Ang bayan ay inyong hinango
Mula sa hinagpis at luha
Sinindihan ninyo ang sulo
Nang kamtin ng bayan ang laya

- gregbituinjr.

(Binasa sa Rizal Park Open Air Auditorium, Marso 23, 2019. Ang mga litrato ay kuha ng aking asawang si Liberty. Taos-pusong pasasalamat kay Ka Joel Malabanan sa kanyang imbitasyon upang ako'y muling makatula sa Luneta.)




Huwebes, Marso 21, 2019

Ang personal ko'y pulitikal

ANG PERSONAL KO'Y PULITIKAL

nanindigan akong ang personal ko'y pulitikal
kasapi ng lipunang ang mayorya'y nagpapagal
upang makakain kahit alipin ng kapital
kayod-kalabaw, sarili mang buhay ay sinugal

ang personal ko'y pulitikal, kahit sa pagkain
nabubusog lang ba pag kapitalismo'y kainin?
giginhawa lang ba pag komersyalismo'y lunukin?
o sa globalisasyon, dukha'y lalong gugutumin?

pulitikal din kahit ang pag-ihi, bakit kamo
iihi sa C.R. ng mall, ang bayad: sampung piso
pag-ihi man sa C.R. ng simbahan, sampung piso
may presyo rin kasi bawat pag-flush sa inidoro

pulitikal din naman kahit pagpili ng damit
magbabarong tulad ng sa kabangbayan nangupit?
kamisetang kupas tulad ng sa monay nang-umit?
o payak na kasuotan ng dukhang nagigipit?

pulitikal din ang pahinga, paghinga't paghiga
nasa isip ang nangyayari sa pamilya't madla
bakit kahit kayod-kalabaw, kayraming nalikha
ay di pa rin sapat ang sahod nitong manggagawa

pag-aasawa ma'y personal, ito'y pulitikal
kung wala silang trabaho, pag-ibig ba'y tatagal?
kung walang pambili ng bigas, ang isa'y aangal
baka may pag-ibig lang sa unang taon ng kasal

pulitikal din kahit ang pagsakay sa dyip o bus
dapat may pamasahe ka't bulsa'y di kinakapos
karukhaa'y pulitikal, walang dangal sa limos
ayaw rin ng obrero't madla ang binubusabos

ah, buhay ko'y nasa panahon ng pakikibaka
kumikilos para sa uri kaya aktibista
kumikilos para sa bayan, paglaya ang nasa
itinataguyod din ang kagalingan ng masa

kongkreto ring magsusuri sa kongkretong sitwasyon
at kung maaari'y mag-isip ng labas sa kahon
patuloy na oorganisahin ang rebolusyon
na organisadong uring manggagawa ang layon

ang personal ko'y pulitikal, ang buo kong buhay
sa kapakanan ng uri't ng bayan na'y inalay
patuloy akong makikibaka hanggang mamatay
kikilos hanggang sosyalismo'y maipagtagumpay

- gregbituinjr.

Martes, Marso 19, 2019

Pagsasalin ng akda

minsan, nakakatamad magsalin ng isang akda
o anupamang sulating wala kang napapala
walang insentibo, ramdam mong mahirap ka na nga
naaabuso pa ang kakayahan mong kumatha

mas nais kong isalin kung may sosyalistang layon
upang matuto ang manggagawang mag-rebolusyon
kahit libre, walang bayad, para sa uri iyon
hayaan akong magsalin kahit walang panglamon

ngunit kung ibang isyung di para sa sosyalismo
napipilitang magsalin, pakikisama ito
kung walang insentibo, ako ba'y naaabuso
mabuti pang isalin ko'y Marxismo-Leninismo

sana'y makaramdam ang nakasalubong kong langgam
siya naman kung pagmamasdam mo animo'y paham
di ko kasi ugali yaong basta makialam
sabihan ang kausap ko na walang pakiramdam

- gregbituinjr.

Lunes, Marso 18, 2019

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

litrato mula sa google
KABASIB (KAMATIS, BAWAT AT SIBUYAS)

kamatis, bawang at sibuyas
kinakaing hilaw at hubad
ito ang aking pampalakas
sa kilo-kilometrong lakad

bawang ay ngunguyaing hilaw
habang naglalakad sa lansangan
pagkat ito'y bitamina raw
upang tumibay ang kalamnan

masarap naman ang kamatis
habang tumatakbo ang isip
panlaban sa problema't hapis
habang pag-asa'y halukipkip

sa sibuyas tiyak luluha
ngunit nalilinis ang mata
di mo ramdam ang pagkapata
kundi katawan mo'y gagana

paghaluin mo yaong tatlo
nang may maalab na pagsuyo
tiyak lalakas ka’t lilisto
kaya di ka na madudungo

- gregbituinjr.

Linggo, Marso 17, 2019

Itim ang suot bilang sagisag ng protesta

ITIM ANG SUOT BILANG SAGISAG NG PROTESTA

pulitikal ang pagsuot ko ng t-shirt na itim
dahil ang bulok na sistema'y puno ng panindim
dahil sangkatutak ang krimeng karima-rimarim
dahil kayraming rosas ang ginahasa't sinimsim
dahil laksang inosente ang pinaslang, kaylagim

pagsuot ko ng kamisetang itim ay protesta
kahit pa kay-init nito habang nasa kalsada
kahit nasa gitna ng alab ng pakikibaka
di dapat nakatunganga lang habang nakikita
na maraming lugmok ang naghahanap ng hustisya

hangga't sistema ng lipunan ay napakalupit
hangga't niyuyurakan ang dangal ng maliliit
patuloy akong magsusuot ng itim na damit
bilang protesta, at hustisya'y aking igigiit

- gregbituinjr.

Martes, Marso 12, 2019

Bakahin ang halibyong

BAKAHIN ANG HALIBYONG

Paano babakahin ang daluyong ng halibyong?
Maling balita'y nagkalat, pawang disimpormasyon
Masang nalilito'y tinambakan ng linggatong
Taktika ba ng mapanlinlang na administrasyon?

Mga pekeng balita'y dapat mawala sa bayan
Lalo't naglipana na ito sa ating lipunan
Bakahin ang halibyong para sa katotohanan
At ipaglaban bawat makataong karapatan

Sino bang kikilos kundi tayong naniniwala
Na itong kasaysayan ay di sinasalaula
Na di tayo nganganga lang pag may pekeng balita
Sa laksang halibyong ay dapat lagi tayong handa

Ang mga may pakana ng halibyong ay durugin
Panahon nang bawat halibyong ay labanan natin
Tayo'y magkaisa sa makatarungang layunin
Na katototohanan sa bawat balita'y hanapin

- gregbituinjr.

* HALIBYONG, taal na wikang Filipino, na ibig sabihin ay disinformation o fake news. Pagkukwento ng isang pangyayari subalit taliwas sa tunay na nangyari. ~ mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 426

Lunes, Marso 11, 2019

Kung paanong ayoko sa kulungan o ospital

kung paanong ayoko roon sa kulungan,
gayundin naman, ayoko rin sa ospital
mabuti pang mapunta na lang sa libingan
sapagkat naglingkod sa bayan ng anong tagal

ilang taon na, naranasan kong mapiit
dahil sa manggagawa'y tapat na naglingkod
higit dekada na, danas ko'y alumpihit
sa ospital, ulo ko'y tinahi't ginamot

ayoko nang mapiit sa kwartong kaydilim
na tila kabaong, dama mo'y walang hangin
ayoko nang maospital muli't mandimdim
dahil para kang patay, madilim ang tingin

pag ako'y nilalagnat, punta ko'y Luneta
sariwang hangin ay doon ko kinukuha
pag may labanan, minsan nasa Mendiola
at gawa ng trapong kuhila'y binabaka

kulungan, ospital o kaya'y sementeryo
ano kayang aking pipiliin sa tatlo
ayoko sa ospital o makalaboso
nalalabi na lang, libingan ang punta ko

- gregbituinjr.

Lunes, Marso 04, 2019

Pangako ng Trapo

PANGAKO NG TRAPO

"ipinapangako kong pag ako'y inyong binoto
at nanalo ako't tuluyang naupo sa pwesto
masosolusyonan ko ang mga problema ninyo
kaya iboto ako, hehe, iboto nyo ako"

iyan ang nasa isip ng kandidatong gahaman
nangangako ng nangangako para daw sa bayan
subalit gaya ng ibang naluklok sa upuan
ipinangako nila'y di maisakatuparan

sila ang katibayan ng pangakong napapako
mga kapara nila'y tuso't animo'y hunyango
pag kaharap ang masa, dinig mo'y pulos pangako
pag tumalikod ang masa, pangako'y laway lang po

kada kampanyahan, pangako na'y nakauumay
masaya lang sa una ngunit di ka mapalagay
para bagang nagsalita sila  ng walang saysay
patunay lang na itong trapo'y mga tulo laway

- gregbituinjr.

Sabado, Marso 02, 2019

Ahas na trapo

AHAS NA TRAPO

ang pangako nitong mga "dakilang" pulitiko
ay tulad ng pagsagip ng ahas na "maginoo"
sa dukhang isda sapagkat malulunod daw ito
habang kagat sa leeg ang isda, ganyan ang trapo

kaya magtanda na sana tayo't huwag na naman
huwag sayangin ang boto't ihalal ang gahaman
huwag nang ibalik yaong mga trapong haragan
mga datihang walang nagawang buti sa bayan

sa tusong trapo'y huwag sana tayong patutuklaw
lalo't iba ang kanilang asal, uri't pananaw
huwag umasa sa trapong di mo alam ang galaw
baka likod mo'y tarakan lang nila ng balaraw

hangad nila'y boto mo lang, di pagbuti ng madla
ang trapo'y walang pakialam sa buhay ng dukha
sa mga pangako nila'y huwag maniniwala
dulot lang nila sa bayan ay pahirap at luha

- gregbituinjr.

Biyernes, Marso 01, 2019

An Ode To Liberty

AN ODE TO LIBERTY

Another fight for the future is at stake
Nefarious pogrom in this country feared indeed
One after another, blood was turned into lake
Due to the rise of another Hitlerian breed!
Enduring the actions of this notorious beast
Towards ending these terrible deeds of terror
On the want for freedom, we rise with clenched fist
Liberty against this tragic acts we longed for!
In the midst of darkness and stupidity
Beneath the eyes of struggle and fearfulness
Entering the years of sorrow and tragedy
Revolting is just right to repeal this madness!
To the future and this present generation:
You are the hope for another revolution!
- gregbituinjr.

Sali, salit, salita

SALI, SALIT, SALITA sumasali ako sa pagtula dahil iyan ang bisyo ko't gawa salitan man ang mga salita patuloy na kakatha't kakatha m...