Linggo, Disyembre 02, 2018

Basta dukha, mababa ang kanilang pagtingin

BASTA DUKHA, MABABA ANG KANILANG PAGTINGIN

basta dukha, mababa ang kanilang pagtingin
magagaspang ang kilos, maamos at marusing
itinuring pa nilang basta dukha'y uhugin
tila walang hilamos at mukhang bagong gising

kahit mga kasama, tingin nila'y kaybaba
walang pinag-aralan at mababaw ang luha
mukhang di inaruga ang palaboy na bata
tila walang magulang, sila ba'y naulila

ang mga manggagawang hirap ngunit may sweldo
na kahit mababa man ay karespe-respeto
ngunit tingin sa dukha'y sanay sa basag-ulo
na naghahanap lamang kung anong matityempo

dukha nga ba'y kauri ng mga manggagawa
at pinandidirihan nitong uring panggitna
o sila'y kauri lang ng sadyang walang-wala
na obrero man, tingin sa kanila'y kaybaba

ang dukha kasi'y walang pribadong pag-aari
na animo'y pulubi sa mga naghahari
walang dignidad, ayon sa nagkalat na pari
dapat lang magkaisa ang dukha bilang uri

- gregbituinjr.

Sali, salit, salita

SALI, SALIT, SALITA sumasali ako sa pagtula dahil iyan ang bisyo ko't gawa salitan man ang mga salita patuloy na kakatha't kakatha m...